Wednesday, May 30, 2012

Ang Paglilitis kay Renato Corona


Ni Miguel Paolo Celestial

Nangyari na nga ang inaasahan at hinamon ng butiki
ang palaka, ang ahas, ang bayawak, at ang buwayang
ibulgar ang kanilang kaliskis, ang kulugo at lagkit,
ang biyak na dila, ang kamandag sa balat at pangil.

Nangyari ang inaasahan at ibinalik ng butiki ang paratang
sa mga tagapaglitis na nakabihis lahat sa bátang kulay
alak. Hinamon ng punòng mahistrado ng kataas-taasang
hukuman ang kagalang-galang na mga mambabatas

na hubarin ang salamin at ipakita ang matang nanlilisik:
pabulaanan ang mga hinala sa laki at laman ng pugad,
sa mga dinaklot na itlog at dinukot na manok. Pasinungalingan
sa taumbayan ang alingasngas na gumagapang at lumulundag.

Nangyari na nga ang inaasahan at ipinanturo ng butiki
ang kanyang dila dahil nang tinagâ ang kanyang buntot,
wala nang pumalit. Di maalis sa kisame ang kamay
at paang malapit nang mawalan ng kapit. Pilit minaliit

ang paglamutak sa gagamba at lamok. Ngunit walang
luhang maipiga, walang tumulo sa makapal na katad.
Napukaw ang bulwagan ng sagitsit at kokak, napanganga
ang mga bungangang punô ng matatalas na ngipin.

Nangyari na nga ang inaasahan sa mga pinagbintangang
mambabatas: natuyo ang laway ng ahas, tumahimik
ang buwaya, at nagpigil ng hininga ang palaka.
Nangyari ang inaasahan at pumalakpak ang madla.

Sunday, May 20, 2012

Ondoy

Ni Miguel Paolo Celestial


Umiikot ang bentilador sa restawran sa ibaba.
Dumaraan ang mga tao, pinapanood ng mga naghahapunan.
Lumipas na ang tag-ulan. Napagmamasdan ko na ngayon
ang paglampas ng oras: ang pila sa pelikula, ang mga sandali
bago ng palabas. Ngunit bumabalik pa rin ang eksena
ng humahampas na bagyo, ang ating mga pisnging
naaampiyasan. Ang pagmasid nang hubad mula sa balkonahe,
mula sa kama, mula sa kotseng muntik nang tumirik sa bahâ.

Nagbubulatlat ako ng diyaryo tuwing umaahon ang umaga.
Hinihintay pumatak lahat ng kape sa salaan, mag-isang
humaharap sa hapag. Walang ulap ang liwanag
ngunit di ko na maalala ang mga linya ng iyong mukha,
di na mabása tulad ng mga librong tinigmak ng putik –
tinatago-tago at ayaw ibilad. Ayaw itapon kahit di na maisasalba.
Lusaw ang mga pahina, nagkadikit-dikit ang mga pangungusap.
Di ko inasahang mahalin ka. Nahugasan na ang lagkit
sa aking kuwarto mula sa umapaw na tubig galing banyo,
ngunit di pa rin natutuyo ang ating damit, ang mga halik.
Ang luhang di ko mapunasan dahil nanatili sa dibdib.

Saturday, May 5, 2012

Bitin

Ni Miguel Paolo Celestial


Iniwan mo ako sa laot na walang sagwan.
Walang hangin at walang alon. Tumigil
ang manunugtog bago bumalik sa koro.
Paano ko malalaman anong susunod?

Malikmata

Ni Miguel Paolo Celestial



Galing itong umaga sa panaginip na may marahang init at simoy na bumubulong ng mga pangalang matagal nang nalimot. Naitiklop sa mga dahong ngayong bumabalik, kasama ng usok ng ihawan, kumaluskos kasabay ng tsismis ng pulutong sa sidewalk. Banayad ang liwanag na bumibilad sa mga paslit at nagpapakinang sa sabon-panlabang isa-isang nabubuo at pumuputok ang bula. Saglit na bahaghari ng alaala.


* * * * * * * * * * * *


Hinubad niya ang lahat ng kanyang damit — ng matandang lalaking nakasalubong ko sa locker room ng gym — nagbuntong-hininga sa harap ng timbangan, may uban sa likod bukod sa bumbunan. Napabulong ng mura o maaaring taimtim na dasal para sa kanyang sarili o sa mga anak at apong sa sandaling iyon gusto niya munang kalimutan makabalik lamang sa kanyang lumipas na pagkabinata.


* * * * * * * * * * * *


May malaking anino ng pakpak na biglang dumaan sa tuyong damuhan, sampung tao ang lapad. Umaalon-alon ang itim na hugis, parang sumisisid sa sahig ng dagat. Pagtingala, wala na akong makita sa langit kundi ulap. Di ko maalala ang iniisip kanina, dinagit ng dambuhala.


* * * * * * * * * * * *


Umaalingasaw ang imburnal sa init ng Divisoria. Kumalat ang burak at putik sa kalsada, isinuka kagabi ng kanal na pinunô ng ulan. Lumutang ang itim na lumot sa agos, bumula sa bawat patak. Nagsasanib ngayon ang amoy sa ibinilad na isdang kahapon lamang ay walang muwang na lumalangoy.


* * * * * * * * * * * *


Kumakaway-kaway ang plastik na pusa mula sa harap ng taxi, kulay ginto ang katawan at pulá ang labì. Tila ipinapaalalang mayroon akong nakaligtaan, nakalimutang gawin, naiwan sa bahay. Matindi ang sikat ng araw. Sa ganitong oras, tamang-tama lang ang init sa balát. Ngunit parang gusto kong magtago sa anino, umuwi sa lilim ng aking kuwarto. Pagtingin ulit sa labas, lumakas ang aking kutob ng kulimlim.


* * * * * * * * * * * *


Tuwing papatayin ko ang kompyuter o telebisyon, susundan ako ng tingin ng blangkong iskrin. Mukhang batis sa dilim. Para akong yumuyuko sa balon. Sa aking isip, kumikilapsaw ang tubig. May nagpapanginig. Tila bangin ang itim na salamin. Nagbabalik ng tinig at titig.