Monday, December 12, 2016

Wednesday, September 14, 2016

Eksena

Ni Miguel Paolo Celestial


Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit
sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat
na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan
at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una.
Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras,
marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit
ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, susulyapan ako patagilid ng sekyu.
Pipindutin ko ang elebador tulad ng pagpindot ng microwave
na nagpapainit sa anumang lumamig. Dadaan tayo sa pasilyo
ng magkakamukhang pinto. Minsan, di ko maaalala ang iyong pangalan,
ang kalsada lamang at kung paano makarating sa iyong tirahan.

Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid,
nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson
sa sahig at may dalawang double-deck: higit na sapat sa kalahating
oras ng pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong
buy-one-take-three. Kapag natapos na ang lahat aabután mo ako ng isang
baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati, Nag-enjoy ka rin ba?
at ang isasagot ko uli ay Matagal na ba kayong dito nakatira?

Thursday, June 30, 2016

Pasada

Ni Miguel Paolo Celestial


Habang nag-aabang sa estayson, sinalubong ako ng treng lumusong
sa dilim. Taimtim ang bumbilyang nakadilat kahit bulag. Sumayad

ang sasakyan bago tuluyang tumigil. Magkabila ang upuan, nakatitig
ang mga pasahero sa mga espasyo at sa bintanang dumidilim

at lumiliwanag. Nilalampasan ang mga bus at kotse, ang matatayog
na gusali, ang barumbarong ng bilbord na di maaninag sa mabagal

na agos ng ilog. Tulad ng sakay, labas-pasok ang alaala ng nakalipas
at nakaraan. Isa-isang bumababa at nag-aabang sa kalsada, mga ligaw

at limót na kaluluwa. Sa dulo ng biyahe, walang naiiwan kundi
ang alingawngaw ng gabi sa dibdib, ang nakalatag na riles

na nakakapit hanggang sa siyudad ng panaginip. Punô ng sakay
ang FX, tig-isang sulok ng dilim. Inaabót dati lagi ng gabi ang aking

biyahe papunta sa iyong apartment. Sa dinami-dami ng nakatabi,
ng mga nakitang tumatawid habang nakapreno ang sasakyan, naiinip,

ang mukha mo lamang ang natitirang larawan na di binabawi
ng paglubog ng araw. Hanggang sa pagpara ko sa kanto ng Mayon

at Makiling, hanggang sa pananabik habang naglalakad bago kumatok
at tumimbre sa tarangkahan, hanggang sa hapon na iyon nang wala akong

natanggap na tugon mula sa iyo sa aking selepono. Inaamag ang gunita
sa taxi, nakakapit sa marungis na apholstri. Nakadikit sa kutson

ang pinaghalo nating pawis at limahid ng magkakasunod na gabi
ng pakikipagtalik, ang lagkit ng ating panlilígaw at ang lamig

ng ating pagkaligáw nang di ko man lamang masabi sa iyo, katabi sa kotse,
ang di maipaliwanag na mingaw. Sa text pinaabót ang di magkaabot-abot.

Nagsimula nang dumaloy ang ulan sa salamin, kumikinang sa pulang
ilaw ng stoplight. Di ko magawang lumingon. Pinakapal ang dumi

ng tela sa upuan ng gunam-gunam. Hugis pasâ ang mga mantsa,
sunóg sa gilid. Kulang na lang ay buksan ko ang pinto at maglaho.

Bihirang panis ang tsismis ng panibagong tsuper. Habang nakikinig
sa radyo at sa kanyang kuwento, sinasalat ko ang kurduroy, binibilang

ang laktaw sa pagitan ng dati kong katabing laging kasabay pauwi.
Hinahanap ng mga daliri ang kilalang gaspang at kinis. Natatagpuan

lámang ang hiwang nagluluwa ng goma. Lagi akong umuupo
sa may bintana ng bus. Tuwing ginagabi at walang trapik,

humaharurot ang sasakyan at wala akong naririnig kundi ang hangin.
Nagsasanib ang ilaw ng mga kondominyum at opisina. Walang sinlinaw

ang kinang ng buwan. Nakasuksok sa likod ng upuan ang binilot at itinuping
ticket, ang nanuyo at nanigas na babolgam. Nakatalâ sa likod ng sandalan

ang mga pangalan ng pasahero, pangako ng pag-ibig. Tinatangay
ng hangin ang singaw ng anghit, ang bantot ng nabubulok na kahoy.

Walang laman ang abenida, parang patlang sa gitna ng buntonghininga.
Biglang may tumabi sa akin at napahawak ako sa sariling bulsa.

Ngunit di man lang siya lumingon o sumilip sa bintana. Ipinikit
ang mga mata hanggang nilapitan ng kunduktor at siningil ng bayad.



Wednesday, June 29, 2016

Bushfire sa Australia

Ni Miguel Paolo Celestial


Sa lubha ng init, unang nagliyab ang tuyong damo. Walang katabing panggatong
sa alikabok. Ngunit kusang nabuo ang dila ng apoy nang naibigkas ng araw
ang sumasayaw na salita ng kanyang deliryo sa nakasabit na dahon. Kinain pati
ang nangangating sanga, ang balîng braso, balikat, hanggang ulo ng maliit na punò.
Nagkabaga at puso ang gútom at lungkot galing desyerto. Inilugay ang buhok galing
sa puyo. Gumapang ang nagliliyab na ahas hanggang natutong mangusap.

Monday, November 2, 2015

Digging

By Seamus Heaney


Between my finger and my thumb
The squat pen rests; snug as a gun.

Under my window, a clean rasping sound
When the spade sinks into gravelly ground:
My father, digging. I look down

Till his straining rump among the flowerbeds
Bends low, comes up twenty years away
Stooping in rhythm through potato drills
Where he was digging.

The coarse boot nestled on the lug, the shaft
Against the inside knee was levered firmly.
He rooted out tall tops, buried the bright edge deep
To scatter new potatoes that we picked,
Loving their cool hardness in our hands.

By God, the old man could handle a spade.
Just like his old man.

My grandfather cut more turf in a day
Than any other man on Toner's bog.
Once I carried him milk in a bottle
Corked sloppily with paper. He straightened up
To drink it, then fell to right away

Nicking and slicing neatly, heaving sods
Over his shoulder, going down and down
For the good turf. Digging.

The cold smell of potato mould, the squelch and slap
Of soggy peat, the curt cuts of an edge
Through living roots awaken in my head.
But I've no spade to follow men like them.

Between my finger and thumb
The squat pen rests.
I'll dig with it.


From Death of a Naturalist

Saturday, October 17, 2015

Katawan ng Liwanag

Ni Miguel Paolo Celestial


Mata

Maghapon sa isang sulok ng silid: malalagas ang dahon ng sampalok,
lulusot ang silahis sa salamin. Lumulubog ang araw sa laot, lumilipad
ang kalapati pauwi. Nananatili ang iyong tingin kahit sa pagdilim
ng tubig, kahit sa kinang ng luhang sinlaki ng dagat pagpikit.



Noo

Walang sinlawak ang abot-tanaw ng pamamaalam at ang pinaka huling bakas
ay tatak ng labì sa balat, nananatili tulad ng lamlam ng lampara sa gunita,
init sa ilalim ng kubrekama. Magkasabay nating tiningala ang langit.
Sa isang haplos, napawi ang mga ulap. Nagsanib ang ating panganorin.



Pisngi

Nauunang sumikat ang liwanag sa iyong mukha. Bumabangon
ang parang sa huni ng maryakapra. Hinahaplos ng hangin ang inaantok
na damuhan. Kulay kalimbahin ang langit na unti-unting lumalawak
at umiinit. Mamumula ang bakas ng halik bago sumilay ang ngiti.



Tainga

Kung alam ko sana ang sasabihin para matawid ang dilim sa pagitan
natin. Walang laman ang katahimikan tulad ng mabatong dalampasigan:
bagong káti, nagkalat ang basag na korales. Sisiksik ako sa iyong tabi,
ngunit lalo kang lalayo sa aking piling. Nalulusaw ang bulong sa buhangin.



Labì

Magkasunod ang kidlat at kulog, ang paghiwa at panginginig.
Pagbiyak natin ng talaba, kakagatin ang laman, masusugatan. Nagliliyab
ang bugambilya sa pugad ng tinik, ngunit di natutupok ang bulaklak.
Walang dumadanak kahit anong talas ng ating paglalambing.



Leeg

Humihimbing ang hardin. Dumudulas ang dila sa pawis. Lumalalim ang hininga,
humihigpit ang kapit. Pagpikit, guguhit sa balat ang kidlat. Sisikip ang yakap
ng dilim at langit. Maglalaho ang hiwa ng buwan. Namumuo sa lupa ang di makasingaw
na alimuom. Humihigop, humuhugot ang mga halik. Dumadaloy sa salamin ang tubig.



Likod

Walang pakpak ang iyong mga hilik na naririnig mula sa aking panig
ng kama. Walang takas ang anumang natitirang galit sa aking dibdib na ilalapat
sa iyong balat. Iisa ang ating anino sa silid, iisa ang puder ng pintig.
Nakadantay ang panunggab at pananggalang na biyas at bisig. Sa’yo nagpadaig.


Tuesday, December 4, 2012

Summer Nocturne

By Stephen Dunn

Let us love this distance, since those
who do not love each other are
not separated.
- Simone Weil


Night without you, and the dog barking at the silence,
no doubt at what's in the silence,
a deer perhaps pruning the rhododendron
or that raccoon with its brilliant fingers
testing the garbage can lid by the shed.

Night I've chosen a book to help me think
about the long that's in longing, "the space across
which desire reaches." Night that finally needs music
to quiet the dog and whatever enormous animal
night itself is, appetite without limit.

Since I seem to want to be hurt a little,
it's Stan Getz and "It Never Entered My Mind,"
and to back him up Johnnie Walker Black
coming down now from the cabinet to sing
of its twelve lonely years in the dark.

Night of small revelations, night of odd comfort.
Starting to love this distance.
Starting to feel how present you are in it.

Thursday, September 13, 2012

What Goes On

By Stephen Dunn


After the affair and the moving out,
after the destructive revivifying passion,
we watched her life quiet

into a new one, her lover more and more
on its periphery. She spent many nights
alone, happy for the narcosis

of the television. When she got cancer
she kept it to herself until she couldn’t
keep it from anyone. The chemo debilitated
and saved her, and one day

her husband asked her to come back—
his wife, who after all had only fallen
in love as anyone might
who hadn’t been in love in a while—

and he held her, so different now,
so thin, her hair just partially
grown back. He held her like a new woman

and what she felt
felt almost as good as love had,
and each of them called it love
because precision didn’t matter anymore.

And we who’d been part of it,
often rejoicing with one
and consoling the other,

we who had seen her truly alive
and then merely alive,
what could we do but revise
our phone book, our hearts,

offer a little toast to what goes on.

Thursday, August 16, 2012

Vinta

Ni Enrique S. Villasis 

Ganito ko  laging inaalala ang kanilang layag – mariringal
na maharlika sa dapithapon ng panunungkulan. Kung paano
Humahangos sa liwanag ang mga sarikulay sa bawat paglapit
ng dilim; kung paano nanatili silang nakakapit sa pangako
ng inmortalidad. Paghahabilin ang mga huling halik sa hangin.
May pahabol-tingin ang mga alon sa mga naghihingalong kulay,
tila pagtatakda sa mga dapat alalahanin. Ganito nagtatapos
ang mundo, naisip ko. May lihim na ipinagtatapat sa liham.
May hinihigpitang lubid sa leeg. May mga layag na inililibing
sa baul. May mga pangungulilang kakainin lamang ng panahon.
Tulad ng mga naiwang baroto, sa kanilang lawas sumasayaw
ang mga tangkay-tangkay na nagsiugat na halimuyak.

Thursday, June 7, 2012

Tsubibo

Ni Miguel Paolo Celestial


Umangkas tayo sa tsubibong hugis pugita
matapos ng apat o lima pang sakay na lumusong
sa kuweba, gumulong parang bisikleta, at bumulusok
mula sa tuktok ng burol. Umikot at uminog
ang tsubibo tulad ng turumpong patuloy
na pumipihit. Nakapakò ang ating titig sa isa't isa.
Habang lumulubog at pumapaibabaw ang sasakyan,
kumikinang at pumupusyaw ang mga araw
sa iyong mga mata, sintingkad ng etiketa.

Pagbaba, umiikot pa rin ang perya, ang mga tao,
pati ang nahanap nating upuan. Sabay tayong
napaduwal, nalasahan ang pinagsaluhang
hapunan. Ngunit pagtayo at pagpunas ng panyo,
ayaw matanggal ang asim sa aking lalamunan.
Sumabit ang galamay ng asido. Patuloy na sinusunog
ng bituin ang dilim. Hindi ko alam kung iyon
ang huling gabing nagningning ang iyong pagtingin.

Sunday, June 3, 2012

Lament for the Makers

By Frank Bidart


Not bird not badger not beaver not bee

Many creatures must
make, but only one must seek

within itself what to make

My father's ring was a B with a dart
through it, in diamonds against polished black stone.

I have it. What parents leave you
is their lives.

Until my mother died she struggled to make
a house that she did not loathe; paintings; poems; me.

Many creatures must

make, but only one must seek
within itself what to make

Not bird not badger not beaver not bee

                   •

Teach me, masters who by making were
remade, your art.


(From 'Star Dust')

Wednesday, May 30, 2012

Ang Paglilitis kay Renato Corona


Ni Miguel Paolo Celestial

Nangyari na nga ang inaasahan at hinamon ng butiki
ang palaka, ang ahas, ang bayawak, at ang buwayang
ibulgar ang kanilang kaliskis, ang kulugo at lagkit,
ang biyak na dila, ang kamandag sa balat at pangil.

Nangyari ang inaasahan at ibinalik ng butiki ang paratang
sa mga tagapaglitis na nakabihis lahat sa bátang kulay
alak. Hinamon ng punòng mahistrado ng kataas-taasang
hukuman ang kagalang-galang na mga mambabatas

na hubarin ang salamin at ipakita ang matang nanlilisik:
pabulaanan ang mga hinala sa laki at laman ng pugad,
sa mga dinaklot na itlog at dinukot na manok. Pasinungalingan
sa taumbayan ang alingasngas na gumagapang at lumulundag.

Nangyari na nga ang inaasahan at ipinanturo ng butiki
ang kanyang dila dahil nang tinagâ ang kanyang buntot,
wala nang pumalit. Di maalis sa kisame ang kamay
at paang malapit nang mawalan ng kapit. Pilit minaliit

ang paglamutak sa gagamba at lamok. Ngunit walang
luhang maipiga, walang tumulo sa makapal na katad.
Napukaw ang bulwagan ng sagitsit at kokak, napanganga
ang mga bungangang punô ng matatalas na ngipin.

Nangyari na nga ang inaasahan sa mga pinagbintangang
mambabatas: natuyo ang laway ng ahas, tumahimik
ang buwaya, at nagpigil ng hininga ang palaka.
Nangyari ang inaasahan at pumalakpak ang madla.