Ni Enrique S. Villasis
1.
10 AM
I hate this gene.
May sakit ako sa puso na minana pa sa aking nuno na nasa buwan na ngayon. Hindi sa takot akong mamatay, nakakaburat lang ‘tong komplikasyon. Bawal ang orgasm kaya bawal ang sex. Bawal din ang magtikol.
Kagabi palabas sa Channel 3 ang firs bold movie ni Tweety Cervantes. Nagawa niyang maghubad dahil hindi nagningning sa pagpapatwetums. Unang labas pa lang niya sa komeding “Togatoktoktoktoks” alam ko na wala na siyang ibang paglalagyan kundi ang paglalantad ng katawan. Sinundan pa ng teenage suspense-thriller flick na “Summer sa Bahay na Pula”, ganundin ang nangyari sa kanya – nagmukhang ekstra lang sa pelikula na ang tanging alam gawin ay magpakyut habang tinatadtad ng pino. Nakatlo na rin siya ng love team pero lagapak naman. Ang mga nakapareha niya sumikat nang iwan ang tambalan nila. Mahal lang talaga siya ng TV network na nagpasikat sa kanya kaya hindi nawawalan ng project. Produkto kasi ng “Artista Quest sa TV”. “Super Female Idol” pa nga ang binansag sa kanya, pero hindi kinagat ng masa. Kung tutuusin wala siyang star appeal para maging isang ganap na artista. Kahit pagkanta nasisintunado pa siya. Kahit pagsayaw nagkakamali ang kanya mga paa. Ang tanging ipagmamayabang niya ay ang kanyang kagandahan. Klasikal na Pilipina ang kanyang kagandahan. Tamang timpla ng kulay ng balat -hindi maputi gaya ng labanos, hindi ganun ka-tan gaya ng tanso. Tamang tama lang. Mga kakalibre ni Tweety ay sila Gloria Diaz, Melanie Marquez, Jacklyn Jose, Rio Diaz, Miriam Quiambao, Precious Quigaman, Delilah Santos, Stephanie Araneta, at Isabel Alvarez. Isa pang puwedeng ipagmalaki niya’y ang katawang ipinaglihi sa diyosa ng kagandahan. Sinong hindi maakit sa 37-24-36 na vital statistic? Tuod marahil. Kaya nang lumabas siya sa first issue ng “Basement”, na isang men’s magazine, nagkagulo ang lahat. Ito ang unang paglabas ni Tweety na naka-topless. Daring ko sa daring. Nagpaalam na siya sa pagiging wholesome. Pinasok na niya ang de-latang mundo ng show business.
To dream. To believe. To survive. Kailangang maghubad.
Dalawang oras kong pinagpantasyahan ang kadiyosahan ni Tweety. Dalawang oras na iniisip na ako ang kanyang karomansa. Ang mga labi niya sa labi ko, gumagawa ng ritmo ng pagnanasa. Dila sa dila. Hinahawakan ko ang kanyang kamay, at hindi ko pinakakawalaan. Tuloy sa pag-indayog. Tuloy sa mainit na pagtatalik.
Bad trip nga lang, bawal ang orgasm.
Showing posts with label Palanca. Show all posts

Tuesday, September 6, 2011
Wednesday, April 13, 2011
Guerra Cantos
Ni Carlos M. Piocos III
They testify without end in our memory.
-Jacques Derrida
Despite the distance from us. Despite the shadows around it.
-Michel Foucault
‡
Lahat tayo ay mga bagong-salta sa sari-sarili nating balat.
At tuwing hatinggabi bago matulog,
humaharap tayo sa ating sarili nang hubad,
at tulad ng mga manlalakbay, dinadalaw
natin ang ating katawan na parang mga dayuhang
kinikilala ang matagal nang di-nakikitang kamag-anak,
kinikilatis ang mga marka: anong hugis ito, anong laki,
saang kagat, at kaninong labi? Dinaramdam natin
na parang nabalong asawa ang mga naiwang bakas.
Ano’t lagi’t laging di natin nakikilala ang ating sariling balat
kapag lubhang napapaso sa labis na init,
kapag lubhang namamanhid sa labis na lamig,
kapag lubhang natutupok sa labis na pag-ibig?
At saka natin titingnan ang isa’t isa upang muling magpakilala.
Tahimik na tahimik na hihiga sa kama, magkatabing
pagmamasdan ang ating mga kahubdan na tila mga sundalong
nakaligtas sa matinding engkuwentro ng ating magkalabang
kampo: Payapa akong lumalapit sa iyo. Ligtas ba dito
sa iyong teritoryo? Huwag kang mag-alala
hindi ako naparito para maghanap ng gulo.
Mangyari kasi’y ako’y nawawala: sugatan, uhaw, gutom
at nanghihina. Kahit sandali lang, maaari mo ba akong patuluyin
sa iyong balat? Kailangan ko lamang ng konting lakas.
Makikiusap ang ating mga hipo, ang ating mga himas,
ang ating mga hawak sa pintuan ng ating mga balat
makikiusap tayo sa isa’t isa na ibaba muna ang ating mga armas,
ang ating mga depensa. Nakatungo tayo’t nakaluhod,
at buong pagkukumbaba nating papapasukin ang isa’t isa.
Saka natin lalanggasan ng kumukulong laway
ang ating mga sugat. Sinisipsip ang mga iwa nang matunaw
ang nanuyong dugo at magnaknak ang bukas na sugat
sa ating mga palad para sa ikatitighaw ng ating mga uhaw.
At upang lalong magkakilanlan, ibinubulong natin ang mga pangalan
ng mga teritoryong ito, o pinapangalanan nating muli
gamit ang ating maiinit na buntung-hininga ang ating mga balat
sa wika ng kinis, pawis, lambot, balbon, gaspang at dulas.
Napakaraming kailangan sauladuhin sa kapwa-balat.
Ito na ba mismo ang iyong pinananahanan, ang iyong sentro,
o ito pa lamang ang bungad?
At saka tayo mag-aalala:
Paano kung ito na mismong ating mga balat ang ating kaluluwa?
Napakaraming pilat dito sa ating mga espirito:
Ito ang pantal na labis kinamot sa murang edad.
Iyan ang mga pinagdamitan ng iyong mga hinubad na taghiyawat.
Ito ang maliit na mata ng salubsob, mahabang hiwa
ng talim ng kutsilyo, daplis ng ligaw na bala, mga tinuklap
na kalyo’t kulugo. Iyan ang mga pinalatandaan natin
sa ating mga kapangahasan at karuwagan sa digmaang ito
Ito ang aking balat noong aking pagkabata, sa pagitan ng dibdib,
parang isang bansang nalunod na nang tuluyan sa mapa.
Paano kung ito na mismong ating balat ang ating kaluluwa?
Paano kung ito na mismo ang ating Lalim,
ang ating Babaw, ang mga labas-masok
sa ating sarili sa loob ng silid ng ating mga katawan?
Paano kung ito na ang ating Kaloob-looban?
Paano mo kaya ako hahawakan?
Pagkagising natin kinabukasan, magmamadali tayong isara
ang ating mga teritoryong tiwangwang. Mapapabalikwas
ang ating mga kapwa-balat na tila tayo'y bagong estranghero.
Nakatalikod tayong dadampot ng saplot, at magmamadaling
lumabas sa isa't isa. Mga destiyerong nagkasalubong lamang
sa kanilang daan at nagkasundong hindi na muling maglilingunan.
Aalis tayo sa teritoryo ng isa't isa nang wala kahit anong iniiwan,
habang kapwa nating naidala ang parehong mga galos ng isa't isa
na muli naman nating kikilalanin at ipapakilala sa iba.
I.
Paano kung isang umaga, bigla na lamang magliwanag ang mga salita;
maging siwang ang mga tinta sa pahina; maging pintuan ang mga titik;
sa hamba ng gilid ng papel; maging tahimik na silid ang aking libro;
sintahimik ng mga nanginginig kong panaginip?
Paano kung isang hatinggabi, bumukas ang pabalat na tila pundidong
bumbilya; magbukas-sara ang kisap sa pagitan ng mga pahina; huminga
nang malalim ang aking wika labas sa aking bunganga; mapagod
sa pag-akyat sa dingding ang aking diwa; tumindig sa aking harap
at walang-gatol na magtalumpati; magbalita; magpasabi; ng pagkapagal?
Ano ang aking gagawin; sa mga malalamlam kong babasahin; sa maninimdim kong sulatin;
sa mga maliligalig kong paghahanap : sa mga maniningning kong pagkapuyat?
Ano ang aking gagawin; kunsakaling magningas at mag-apoy
at buong magdamag na mag-alab na parang sasabog na araw
ang aking mga papel; kunsakaling sa mga nagyeyelong dilim
ng aking mga gabi ako’y tupukin ng iyong mga liham habang
akin itong mahigpit na hawak-hawak?
Ano ang aking gagawin sa aking mga tanging tangan-tangang pag-iisa?
II.
Maaari na akong mamatay ngayong gabi, tangan-tangan ang lahat
ng aking iniibig sa isang kinuyom na palad: isang dampot
ng basang lupa, mga tuyong dahon, tatlong naisalbang mga bala
mula sa engkuwentro, isang dinaplisang pilat sa himutok
kong noo. Ito lamang, at maaari na akong mamatay nang ganito:
dala-dala ang lahat ng libog ng buong mundo sa nanginginig
kong kamao, isang pilas ng sundang na buwan, isang pustisong
nakalimutang lumulutang sa isang tasa ng mapait na kape, ang kinutkot
na kalawang sa matandang bakal, mga talulot ng pinisang bulaklak
ng ligaw na damo, ang aking mga metalikong pagnanasa
sa iyo at sa isang patak ng malagkit na panaginip,
ang madulas na luntiang parang pagkatapos umulan.
III.
Mahal kong mandirigma:
Sumusulat ako sa iyo
sa mga sukat ng salitang hindi sasapat
para tantiyahin itong panimdim ng ating nagkukumahos na lihim.
Ano nga bang wika ang maaari kong gamitin
para sa mga pagkabalam na hindi maaaring sabihin?
Ano nga ba ang lakas ng kataga kung nauupos ito
ng labis na pag-ibig at pangamba?
Sa umaga, dumudura ako ng mga salita sa pulpito
nang buong galit, sa aking abito, tumatalsik ang mga titik,
habang sa gabi, ay inililikom ko silang
muli sa isang pilas ng kuwaderno at isinisilid sa ilalim
ng kulumpon ng mga libro.
Sa umaga, walang mukha, mahinang-mahina,
ang bulong ng salitang ikinukumpisal, ng mahabang
tala ng krimen at kasalanan, at sa gabi, inililista ko ito
hindi bilang confesonario, kundi mga tala ng gumuguhong
katawan at kaluluwa sanhi ng digmaan.
Sino ang aking pagtatanungan ng iyong kalagayan?
Sino ang aking pagsasabihan ng aking mga pagdaramdam?
Sino ang aking paghahabilinan ng maayos ako,wag kang mag-alala?
Sino ang maghahatid ng mga sulat na itinabi ko sa ilalim ng aking kama?
Maaari ko bang maitatak sa diin ng aking panulat ang aking galit,
O di kaya’y itago sa tumpok ng hungkag na pangungumusta
ang aking naghihikahos na mga pagnanasa?
Kapag kinaskas ng iyong kuko ang salitang kumusta ka na?,
mababasa mo ang nais na kitang makita?
Kapag nabura ang aking pang-araw-araw na balita,
mababasa mo ang mapusok nating pagkabata.
Kapag nabasa ng ulan ang liham na ito,
makikita mo ang nakaguhit mong mukha.
Aking mandirigma, sa mga espasyo ng mga salitang ito
maririnig mo ang aking buntung-hininga.
Sa mga gilid at sulok ng papel na ito,
makikita mo ang aking palad na nagpawis at napasma.
Sa natuyo’t pilas na labi ng sobreng ito,
maaamoy mo ang aking basang-basang dila.
At sa labas ng sulat, sa parehong lamyos
at puyos ng titik ng bago mong pangalan,
naisilid ko ang lahat ng nakulob kong pandama.
IV.
Mahal kong pastol:
Sumusulat ako sa iyo
sa mga sukat ng mga titik na tumititig
sa gabing sumasanib sa kalmado kong pag-ibig.
Ano nga bang salita ang maaari kong isulat
para sa ninakaw na sandali ng pagkapuyat?
Ano nga bang wika na mag-aamo sa ating mga hukot,
lugami at pagod na mga balikat?
Sa umaga, naglalakbay kami nang may kasiguraduhan
ang mga hakbang, nilulunok namin ang mga salita
upang hindi mapangalanan ang aming mga anino
at nang hindi mag-ingay ang aming kaluluwa,
habang sa gabi, lumalabas ang wika nang kusa sa aming bunganga
at idinidilig namin ang mga panambitan sa tunog ng lupa.
Sa umaga, tanging ang mga titig namin ang nagsasalita,
at sa gabi, niluluwa namin ang mga kataga sa hangin,
inihahalo ang mga kuwento sa kape upang magising.
Itinatanong ko sa buwan ang iyong kalagayan?
Ibinubulong ko sa mga puno ang sakit sa aking kalingkingan?
Hinahabilin ko sa hangin ang maayos ako, wag kang mag-alala.
At hinahatid ng namimigat na ulan ang lahat ng aking pandama.
Maaari kong itatak sa gatilyo ang galit ng aking pag-ibig
at itago sa tumpok ng hungkag kong mga ngiti
ang aking naghihikahos na lugami.
Habang tumatagal ang hindi ko madalas na pagdalaw
sana mabasa mo na nais na kitang makita.
Habang nadadaplisan ang iyong tainga ng masasamang balita,
sana mabasa mo na nabubuhay ako sa iyong alaala.
Habang alam kong nakatunganga ka sa iyong bintana,
sana makita mong nakalingon rin ako sa iyong mukha.
Aking pastol, sa mga espasyo ng mga salitang ito
maririnig mo ang aking mahimbing na paghinga.
Sa mga gilid at sulok ng papel na ito,
maaamoy mo ang aking panis na laway at hininga.
Sa diin ng pagkakatupi ng liham na ito,
mararamdaman mo ang lambing na aking mga kalyo.
At sa labas ng sulat, sa hindi mo pa alam
na tawagan, ang tunog ng iyong pangalan
ang aking pahingahaan sa gitna ng digmaan.
V.
Mahal kong Panginoon:
Nandito ako sa iyong harap upang humingi ng tawad. Nandito ako
sa iyong harap upang magpasalamat. Nandito ako sa iyong harap
upang makiusap. Nandito ako, nang buong giting, sa gitna ng mundo
at ng panahon, ng espasyo at ng pagkakataon, sa iyong harap.
Kung inyong mamarapatin,
maaari ko bang halikan ang dulo ng iyong kamay
at sahurin ng aking labi ang dugo sa dulo ng inyong daliri?
Pamumulaklakin ninyo ang matang-sugat
sa gitna ng inyong palad sa loob ng aking bibig,
pasabugan ng masaganang dugo ang aking dila
at hayaan ninyong aking inumin ang kapatawaran,
ang parusa, ang mga nagnanaknak na tanghaling-tapat,
at ang nanlilimahid na hating-gabi,
mula sa inyong pagdurusa.
At ito, ito ba ang inyong kalbaryo?
Maaari ko ba itong dalhin
sa loob ng aking kuwarto?
Maaari ba itong maging malawak na sangandaan
kunsaan maaaring magkrus ang landas
ng lahat ng mga taong nang-iwan at iniwanan?
Maaari ba itong maging rotonda ng aming mga pananabik
na makita ang isa’t isa? Maaari ba itong maging abre latang
magbubukas ng aming mga itinatabing mga lunggati,
serbesa, alak, sardinas, ang aming uhaw, gutom at naninikip
na pag-iisa? Maaari ba itong maging susi ng mga nawaglit
na silid? Maaari ba itong maging bitag-panghuli ng isda?
Maaari ba itong maging sampayan ng aming basang-basang kaluluwa,
mga basang punda, basang kamiseta, payneta, kamison, panyo,
mamasa-masang mga panaginip sa aming itinagong mga karsonsilyo?
Maaari ko ba itong gawing pananda sa mga aking daan
nang hindi ako maligaw? Dito ako nagsimulang maglakad, dito ako lumiko,
nanghina, tumayo, dito ako nagdalawang-isip,
at nawalan ng pananampalataya sa aking anino.
Dito ang hindi matinag-tinag na liwanag sa dulo ng manimdim
na lagusan, ang hindi matinag-tinag na liwanag.
Maaari ba itong maging punyal sa aming dibdib, sakmal ng lubid
sa aming leeg, laslas ng talim sa aming pulso, bula ng laway at lason
sa bungad ng aming mga bunganga?
Maaari rin ba namin itong maging kaligtasan? Ang sasagip
sa mga makasalanan naming mga pananalig?
Mahal kong Panginoon, basbasan ninyo ako ng kapayapaan
linisin ang burak sa aking lalamunan,
ang nakaririmarim na dagim sa aking balikat,
paamuhin ninyo ang mabangis na halimaw
na may maningas na mga mata sa aking dibdib.
Mahal kong Panginoon,
pagpalain po ninyo ang aking kalungkutan,
pagsalitain ninyo ang aking mata ng kabutihan ng lupa,.
pagwikain ninyo ang aking tainga ng pagpapala ng ulan,
pangusapin ninyo ang aking balat ng biyaya ng walanghanggang liwanag.
Mahal kong Panginoon, pagliyabin ninyo
ako, ngayon, dito, pagliyabin ninyo ako sa liwanag
na hindi matitinag sa buong magdamag.
VI.
Sumasampalataya ako sa biyak ng tigang na lupa
sa mga guhit ng bitak ng uhaw na mga palayan,
sa unang tag-ulan ng buwan, sa mga pilapil na mahirap
tawirin, sa mga talampakang nadulas sa putikan, sa mga gamu-gamong
lumilibot sa kalabaw sa tuwing nakalublob sa sapa,
sa mga binhing naibaon sa kailaliman ng sakahan,
sa gapasan, sa anihan, sa umaapaw na tubig sa kaldero
kapag nag-iinin ng sinaing, sa mga mumo sa pingas ng plato.
Sumasampalataya ako sa mga nangungulilang bangka
sa tuwing madaling-araw, sa maybahay na nag-aabang
ng mahinahong alon na magbabalik sa katawan
ng asawang matagal nang pumalaot sa hating-gabi,
sa mga naligaw na lambat, sa nagpupumiglas na mga pain,
sa mga pulang mata ng lumulutang na isda,
sa mga bangaw na dumadapo sa kaliskising mga bilao’t
mesa, sa kumukulong asin sa mainit na mantika,
sa mga tinga sa ngipin, tinik sa gilid ng labi at baba.
Sumasampalataya ako sa mga ungol sa hatinggabi:
ng mga amang nirarayuma sa maghapong pagbababad
sa bukid, ng mga inang nabaliw sa paghahanap
ng mga inaswang na anak, ng mga batang nagdedeliryo
sa lagnat, ng mga binatang puspos ng pusok at galit,
ng mga dalagitang ikinakandado ang kanilang bintana’t
silid, ng mga mangingibig na humahalik nang buong
init habang may luhang nangingilid, ng mga hermitanyong
magdamag na nakatulala sa langit, ng mga asong umaalulong
at sinasagpang ang dilim ng kanilang pangil na nangangalit.
Sumasampalataya ako sa paanan ng bundok,
sa mabatong bangin, sa mga tikwas na baging
sa batok ng mga burol, sa maalinsangang mga tanghali
ng paglalakbay, sa mga maalikabok na daan,
sa pudpod na tsinelas, sa namimintog na kalyo sa paa,
at sa kagitingan ng mga bulubunduking mahirap akyatin.
Sumasampalataya ako sa huni ng mga kuliglig,
sa mga sinalang na kahoy at sanga, sa ilanlibong
bituing maaaring bilangin at salikupin ng aking mugtong
mga mata, sa katahimikan ng gubat at parang, sa pangingilala
sa mga paa at sa naliligaw na hakbang, sa pag-antabay
sa panganib at pagharap, mata sa mata, sa pangamba.
Sumasampalataya ako sa madilim na buwan,
sa tutok ng baril, sa kalansing ng mga tingga-tinggang bala
kapag nahuhulog sa batuhan, sa malalaking puno’t
makakapal na talahibang mga taguan, sa bato-balikat
ng matatarik na burol na aking pananggalan,
sa pagtatantiya ng pagkakataon, sa mga pinagmuntik-muntikanan,
sa kaligtasan, sa paghawak ng mahigpit
sa sarili at sa isip kahit nasa gilid-gilid at bingit.
Sumasampalataya ako sa pananalig sa puso,
sa digmaan ng mga katawan at sa giyera ng kaluluwa,
sa mga nangabubuhay sa pag-ibig,
sa mga nangamamatay sa pag-ibig,
at sa mga nabubuhay magmuli sa pag-ibig
sa mga nangamatay na tao,
sa buhay, sa kamatayan, sa pag-ibig
na walang hanggang lumulundo sa buong mundo.
VII.
Sa gilid ng balon,
isa-isa kong pinipilas ang mga sulat
at inihulog sa tubig
na parang mga bangkay ng mga mangingibig
na nangamatay sa mortal na kasalanan ng labis na kaliwanagan
ng isip, ng labis-labis na mga salita para sa labis-labis na pag-ibig.
Umalulong ang balon sa paglusaw ng mga titik.
Bago mawala ang lahat,
nais kong matunaw ang iyong haplos, ang iyong pawis,
ang iyong halik, ang iyong mga salitang aking pastol
na nagmamadali at tahimik na tahimik,
at ang buong lambing at buong galit ng iyong alaala
sa isang tula.
VIII.
Sa bingit ng bundok,
Isa-isa kong itinapon ang mga hinanakit
at inihulog ang mga bato at dahon
sa matarik na bangin
na parang kulumpon ng nalamukos na liham
na nagtala ng mga mortal na kasalanan ng labis na kaliwanagan
ng isip, ng listahan ng labis-labis na mga ginawa para sa pag-ibig.
Umalingawngaw ang bundok sa pagsalpok ng mga bato sa tubig.
Bago maglaho ang lahat,
nais kong magunaw sa hangin at sumanib ang iyong himas, ang iyong laway,
ang iyong dila, ang iyong salitang aking mandirigma
na tila laging nanganganib na mawala,
at ang buong puyos at buong katahimikan ng iyong mukha
sa aking hininga.
‡
Ako’y napapabalikwas uma-umaga: mula sa pananaginip
ng bulong ng bundok ng matandang daigdig,
mula sa matimtimang pagtawag ng hangin ng aking pangalan,
mula sa pag-ibig sa gunita ng sinaunang apoy,
mula sa halina ng kandila sa aking mga daliri, mula sa pagsilip
ng Santelmo sa gilid ng guni-guni. Saan nga ba nagmumula
itong kapangahasan ng darang na balat, ang pagnanais matupok
sa labis-labis na init? Anong ningas? Anong alab? Anong tingkad
ng liwanag? Paano ipinuspos ang puso ng pusok
ng sanlaksang katawang nilalagnat sa pag-alagwa?
Kung kaya’t lumalabas ako ng kuwarto at sinisipat
ang alingasaw ng sinag ng araw, bumababad sa anumang
sanhi ng liwanag. Ngunit hindi naging sapat itong dilaw
na tanghaling-tapat. Hindi makatutupok sa marupok
kong kaluluwa. Kung kaya’t hinubad ko ang balabal
ng takot sa aking mga buhok, ang piring ng sinungaling
sa aking mata, ang bulak sa ilong ng alingasngas ng magdamag.
Kung kaya’t ako’y nagbibihis, tumatakas sa silid nang walang paalam na halik.
Paano nga ba ipinapaalam ang paglisan – Ito ang mga nawala’t iba pang naiwanan,
ito ang mga tala ng pinaslang, ito ang himala ng balita, ang mga milagro
ng ordinaryo – paano ipinapangako ang pagbalik sa pag-ibig sa Santelmo?
Maaring isang liham:
Mahal, itinahak ko na ang landas ng Santelmo. Hindi magiging madali
ang paglalagalag. Maaari akong maantala ng gatilyo, iligaw at ilihis,
saka malagas ang aking mga kasama sa gunita ng yumaong hiwaga
ng dati naming mundo, o panghinaan sa labis na pagkagilalas
sa dahas ng engkuwentro. Ipinapangako kong ako’y magiging matatag
at magpapatuloy sa daan upang matagpuan ang Santelmo.
Kapag ito’y aking nahanap, dadamputin ko ito, kikilatisin ko ang kibot
at tibok ng ng lagablab ng ningas, ikukuyom sa aking palad at idadarang
sa aking dibdib upang lagnatin ang aking dugo sa pagtuklas ng pag-ibig.
At sa aking pagbabalik, iaalay ko ito sa’yo bilang bago kong puso.
Sabay tayong susugod palabas ng bahay, susugod kasama ng mga nagtagumpay,
mamalasin ang bayang minanhid ng lagim at katahimikan.
At sa atas ng pintig ng halinhinang poot at pag-ibig,
lunggati at ligalig, dudukutin at ipupukol natin
ang ating mga puso sa langit.
O mas mainam, maaaring
katahimikan, ni walang
Sa muli nating pagkikita.
'Guerra Cantos', Unang Gantimpala, Tula, 2010, Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature
Ang 'Guerra Cantos' ay kabilang sa aklat na 'Corpus' na ilalathala ng UST Publishing House

Labels:
Carlos Piocos,
Filipino poetry,
Palanca
Monday, April 11, 2011
Gen-wine Pinakbet
Ni Alwynn C. Javier
Ihanda ang ingredients na gulay:
native na kamatis, yung naninilaw pa;
isang bungkos ng sitaw, ga-dangkal ang haba;
native na talong, yung berde at bilog;
isang daklot ng sili, yung ga-daliri;
native na patani, yung maputi-puti;
isang tumpok ng okra, murang-mura;
native na ampalaya, yung super liliit;
isang pirasong kamote, mabuhok-buhok pa;
native na bawang, yung galing Sinait;
isang bigkis ng sibuyas, from Nueva Ecija;
at siempre pa, ang luya, fresh from inang lupa.
Mani-mani ang pagluto sa gen-wine pinakbet.
Pero take note, gen-wine: niluluto sa banga,
di sa kaserola; hindi sinasandok, kundi inaalog;
hindi sinasahugan ng isda o hipon, hindi inaalatan
ng bagoong-alamang, lalong hindi inaasnan;
walang tubig, walang kalabasa
at kung anu-ano pa (ganoon ang bulanglang).
Igisa ang bawang at sibuyas sa kawali,
ta’s ihalo ang kamatis at pansahog na bagnet,
ta’s itabi. Ipasok ang mga gulay sa banga;
ang rule of thumb, from hardest to softest.
Isalang sa mahinang-mahinang apoy.
Ibuhos ang ginisa sa mga gulay na mainit-init na,
ta’s laksan ang apoy hanggang umusok ang banga.
Timplahan ng primera-klaseng bagoong,
yung gawa sa isdang monamon.
Ta’s takpan hanggang muling kumulo.
Alug-alugin ang banga para maghalo-halo
ang lasa ng lahat ng sangkap. Amuy-amuyin
ang pait, ang asim, ang anghang, ang alat.
Mahirap ilarawan ang sarap ng gen-wine pinakbet.
P’rang life, p’rang love, p’rang one-night-stand.
O ‘ika nga sa internet, it’s complicated.
O parang sa lumang pelikula: mainit, masarap, parang...
malilimutan mo ang iyong pangalan.
Parang ito ang totoong dahilan kung bakit
never akong mangingibang-bayan.
Mula sa kuleksyong 'Yaong Pakpak na Binunot sa Akin', Ikalawang Gantimpala, Tula, 2009, Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature

Alwynn Javier,
Filipino poetry,
Palanca
Thursday, April 7, 2011
Sa Pagitan ng Emerhensiya
Ni Joseph Rosmon M. Tuazon
Saka pagdating mo'y kung anong himala,
Sarili ko naman ang biglang nawala;
Sino ka? Ano ka? Hiwatig? Babala?
O anyo ng isang pamahiing luksa?
- Teo Baylen
It is the recipe we want, the blessed instruments.
It is the law in her dress we want let in.
It is the world made strange again
we want invited in.
Without memory, without distance.
- Jorie Graham
Salansan
1
Mas palagay silang ipagpalagay na anomalya
ang pagkakasabit ng mga kuwadro sa eksibit
na kung hindi tabingi, baligtad.
Nakahilig ang baso
at may napipintong umiyak sa natapong gatas.
Sa halip na pasalimbad, nalalagas mula sa langit
ang mga uwak.
2
Ito ang linyang kumikislot.
Nang may nag-usisa kung sino ang pintor
ay may nagpresintang ako
sa likod. Ako, sabi ng isa pa
sa pinakalikod. Lahat ay umaakò
ngunit walang lakas-loob na humahakbang
sa harapan.
Ito ang itim na lalong bumalasik.
Balingang muli ang mga larawan
at hindi na sila ang mga larawan
na pinagmamasdan kani-kanina lamang.
Ito ang kurbang hinaplos ng liwanag.
3
Ito ang lupalop na muli't muling ipinipinta
sa tuwing dumarantay sa kambas ang mata.
4
Biglang sinapian ng lula ang mga uwak.
Walang-hanggan silang nangaglalaglag.
Isang taniman ang hindi saklaw ng kuwadro.
Ngunit makukutuban ang panginginig
ng mga uhay—
nag-aakalang anumang padapo, pasalakay.
************
Soap
Hindi pa nagkikita ang magkasintahan.
Sa paanan ng tenement, sa tapat
ng gusgusing talyer na pinintahang puti
kalaunan at naging barberya.
Gayunman, maliwanag ang kasunduan,
umaraw-umulan. SIyempre, umulan.
At maaaring ipagpalagay na kapuwa
lamang sila nagpapatila saanman inabutan
ng alinlangan. Paroo't parito ang mga batang
pinahintulutan ang kanilang sarili
sa pagtatampisaw. HIndi sila humihinto
sa tagpuan. Ni hindi naaantala ang laro
kahit sandali sa maya't mayang pagdukwang
ni Leoning mula sa ikatlong palapag
para makipagpaligsahan sa panggagalaiti
ng kidlat. HIndi siya pansin ng isang
nakasubsob sa poste, sabik na mamulat
at makadakip ng kapalit. Mahahabol lamang
ng mga paslit ang kanilang hininga
sakaling magkita ang magkasintahang
magkasukob, marahil, sa isang pulang payong.
Nangingilag sa tilamsik at hagibis
ng mga kotse, pihadong patawid sila
sa kabila ng kalsada para mag-abang ng bus
o anumang maaaring tumangay sa kanila
palayo. Ihahatid sila ng tingin
ng mga batang nagsipasiyang magpaawat,
na tila sa kanila may nakiraan. Ngunit
hindi sila bibigay sa kinatatayuan, hindi
nila makaliligtaang kumaripas sa pagtataguan
pagkalagpas na pagkalagpas ng dalawa
na kailangan munang magkita.
May idinudulog ang taya sa poste,
hindi siya dapat at hindi pa siya nalilingat.
Patuloy siyang nagbibilang, magbibilang,
ilang tag-ulan na ang nagdaan.
************
Ang Natiyempuhan
Nagmamakinilya ang lalaki sa buhos ng ulan.
Pinaniniwala niya tayong ayaw niya matagpuan.
Na kapag nakasilong ang lahat sa loob, labas
ang taguan. Na madalas sa hindi, ang lingid ay ligtas.
Mambabasa, maging tayong dalawa ay takaw-pansin
sa kidlat; nakatayo't nakayukod sa magkabila
ng kanyang balikat. Mataman nating pinanonood
na magkagutay-gutay (bawat takatak, bawat diin
ng tipa) ang papel na tila lupang madaling nabubungkal
kapag basa. Pagdaka'y tatanganan niya ang sinulat
sa hampas ng hangin: isang gulanit na bandera:
maringal, makasasapat, kahit man lamang
para sa kaniya. Magkakatinginan tayo habang siya
ay patungo-tungo, nagrerepaso't mukhang nasisiyahan
sa masinsing pagkakahanay ng mga punit at puwang,
butas kung saan matiim na nagbantas.
************
Mga Labis na Detalye
Isang klarinete ang hindi ipinamana sa akin ni Tiyago.
Siya ang patpating mama sa retrato.
Ni hindi sa kaniya ang retrato kung hindi sa siyang
nakaupo: si Nanay Tanda
na mistulang kampante't kuntento
sa silyang nangyaring naroon.
Kung nagpatong man lamang si Tiyago ng butuhing kamay
sa balikat ni Nanay, malamang
ay mas mapapalagay ako kung bakit siya
nasa likod, nakatayo;
ang mga kamay ay masisiguro kong butuhin.
Kung wala sa retrato si Nanay, magkukusa si Tiyago
sa pag-upo? Duda ako.
Hindi naroon ang silya para sa kaniya. O siya para sa silya.
Kung wala sa retrato si Nanay, sa halip ay bitbit ni Tiyago
ang klarineteng hindi ko namana:
sinasalat ng mga kamay
na butuhin (kaya?)
ang eskala't umiihip ang musikang
kumaluskos man lamang sana sa tainga
kung naging sa kaniya ang retrato. Kung totoo
ang kuwentong inihabilin sa akin para miling ikuwento.
Mahirap nito, wala ni kuwento kung wala si Nanay Tanda.
Walang retrato akong pinagmamasdan.
Malamang ay nakahilata ako sa balkonahe, sumisipol.
************
John Doe
Maging ang dalawa niyang kamay
ay hindi magkakilala,
waring hindi ni minsang naging magkasabwat:
pinapatay-sindi ng isa ang switch
habang ang kabila'y mariing nakatapal sa bibig.
Ngunit sa tuwing nilalamon ng dilim
ang silid, laging kumakawala
ang tili, tumutulig
na tila angil ng kutsilyo
sa hasaan: talim
na ipinasadya para sa tiyak na hugis ng sugat.
Ano ang mahahagilap
ng mata sa sampitik
na liwanag? Dungis ng bakas? Kisap
ng susing pirming nawawaglit? Patay
-sindi. Sindi. Patay. Bombilya
ang kumurap
nang manigas ang talukap.
Nakayapak siya sa gabi,
nakatuntong siya sa espasyo,
ibinalangkas niya sa kinatatayuan ang tamang
pagsalampak. Umaalma ang dibuho,
hinihila siya palapag.
Hindi matuklap ng mga anino ang sarili.
************
Ilang Talâ ng Sakuna
Ang Silbi ng Still Life
May sumisipol-sipol sa tahimik na pasilyo.
Sinisiklot-siklot niya sa palad ang isang kahel.
Bawat silid na kaniyang lampasan ay may abalang
pumapanaw, buo ang konsentrasyon
sa mangkok ng mga prutas na hindi matiyak
ng mata kung totoo o plastik o nakapinta
ngunit sa sulok ay unti-unting nalulusaw,
lumiligwak sa lamesitang wari ding nalulusaw.
Umaabót ang ulirat sa mapipiga, makakatasan
pagkat lalong lumalapot ang lagkit sa lalamunan.
Hindi nagmamadali ang sumisipol-sipol sa pasilyo.
Kay-lamig ng kahel nang sa palad ay mapirmi.
Ensayo
Siya ang anak. Kanina pa siya nag-eensayong
magtimpi sa pag-iyak kapag nirolyo palabas
ang inang nakataklob ng puti't malinis na kumot.
Hindi siya pipikit, hindi siya malalagasan ng luha.
Kung pagbibigyan, siya ay makikitulak
hangga't may aawat sa kaniyang tumapak sa exit
kung saan ilan nang tinalukbungang bangkay
ang naihatid. Malapit na niyang maperpekto
ang pagpipigil. Ipaubaya sa kaniya ang kaniyang
sandali. Sinasaid niya na lamang ang nalalabi sa mata,
umiiling nang kagat-labi. Bumukas ang pinto
at nangamba siyang baka may mag-abot ng panyo.
Minsan Wala ni Usok
Ngunit gabi-gabing napapasugod ang bombero,
iginigiit na lahat ng bagay ay maaaring matupok
anumang segundo. Kapag disoras, ang magkakapit-
bahay ay niyuyugyog sa kama ng sirena
at sinisilaw ng duguang liwanag mula sa bintana.
Pinaaandar niya ang bomba, kinakalag ang mga hose,
tarantang binubugahan ang bawat bahay at bawat
madapuan ng tingin. HIndi magkasundo ang mga tao
kung tutulungan ba o itataboy ang bombero
na sunod silang tinututukan. Tumitilapon silang
basang-basa't namamagang parang mga espongha.
Napakapayapa ng mga umaga pakaraan ng bagyo.
No Parking
Isinandal niya ang bisikleta sa poste ng senyal
para bumuntunghininga. Hindi iyon pagkakataon:
ang kadena ay hindi minsang pumalyang
madiskaril. Dito rin maaaring gumarahe
nang nariin ang isang trak na susuray-suray.
Oo, dito mismo. Masyadong planado?
Hindi ko sasabihing hindi. Na may tuluyang
nakalas. Kunsabagay, baka bagay na masusuway
ang mas hanap niya, hindi aksidente.
Anupaman, kailangan niyang magsimula agad
at madaliin ang pagkumpuni. Pansamantala, wala
akong ibang iisipin kundi ang siya ay naghihintay.
************
Lunar
Sinubukan kong hindi idamay ang buwan,
ngunit kailangan kong makatiyak na panatag ang ilog
sa gabing ganap. Nilikom niya
ang kaniyang damit at sumampa sa bintana,
tumakbo tungo sa tubig upang bihis na malunod.
Tuloy-tuloy ako sa mesa at hindi inangat
ang panulat. Madalas akong nagigipit ngunit
sinubukan kong hindi idawit
maging siya: Multo nitong mundong / naglulublolb
sa bawat ilog// at sa ilog ko
ay laging nalulunod: waring pagkakamali
ang humingi ng saklolo. Minsan, siya ang nananatili
sa silid, ako ang sumusuong sa gabi nang matapat
sa nilalandas, sa hanggan ng luminosong mga bakas.
Bumubula ang ilog sa bibig./
Buong-buong lumulon ang tubig.//
************
Unang Yumao
Ayon sa salaysay, mas ninais ni Pandaguan
na maipatapong muli sa impiyerno
kaysa minsan pang magisnan si Lupluban
sa piling ng iba. Mula noon,
hindi na nakabalik mula sa kabilang buhay
ang tao. Mula noon. Ngunit hindi ito alamat
tungkol sa unang kamatayan
kung hindi mas sa pangungulila
na mahirap sabihing una. Kung paanong
sa simula't simula ay napakalubha ng paraiso,
ang sagana na walang kasalo,
at itinuturo ng mga bathala ang umibig
ngunit hindi ang maghintay.
Laging huli na ang lahat para sa umuuwi
at marami nang nangyaring hindi pa dati
nangyrai at itinuturing na kasalanan.
Ipinagdiwang ang pag-iisang dibdib
nina Lupluban at Maracoyrun sa ipinuslit
na baboy na kanilang nilitson para sa tanan.
Kanino ipagpapaalam ang isang bagay
upang hindi ito matawag na nakaw,
na pagtataksil? Ni wala pang nakatatanto
kung bakit kailangang paghati-hatian
ang mundo. Akala nila'y para sa lahat ang lahat
pati na ang panahon, at walang tiyak na pag-aari
ang sinuman, maging si Pandaguan.
Pagkat walang nagbalik sa kaniyang tabi,
marahil ay pumalaot siyang mag-isa. Tulad dati,
dangan lamang ay hindi niya maiitsa ang kawit
ng pamimingwit. Marahil ay tumawag siya
sa mga diyos, nalilito kung magsusumamo
o manghahamon—kung may tumawag sa kaniya,
magagawa kaya niyang lumingon?
Sumagwan siyang palayo, waring buo ang loob
na unahan ang araw sa pinaglulubugan—
nahinuha niya kayang siya ay hinahayaan?
************
Ang Arkitekto
Parang utang na loob ko pa
na hinahayaan niya akong manood
gayong siya ang hinahayaan kong
magtayo ng bahay
ng mga baraha.
Tumatayog ang salansan
sa aming pagitan
at hindi niya ako pinapatulan
anumang pilit at sulsol ko,
pusoy o kahit
eksibisyon na lang sa pagbabalasa.
Maninigarilyo ako kunwari
para buksan ang bintana
ngunit walang hangin
akong maanyaya. Mauupo na lang
akong muli, pasimpleng iihip
at halos ihagis niya
ang buong katawan sa pagsangga.
Imposibleng mailagan
ang bigat ng kaniyang tingin,
kambal na bolang
bakal na umaasinta ng matitibag,
gayong tanging sa yakap niya
nabubuwag ang kaniyang mga obra.
************
Distritong Kabila
Ang abala ay kung hindi ka mapabisita.
Kung sa iyong paanan gumulong ang bola,
pulutin mo:
pagtingala mo ay nilikas na ang palaruan.
Ang duyan, umuugoy.
Huwag mong isiping malaking abala.
Katunayan, magsisimula lamang ang pagdiriwang
pagdating mo.
Inaanyayahan ka sa munting salo-salo sa plasa,
sa matining na beso-beso
ng mga baso mula ngayon hanggang iisa
na lamang sa kanila ang matira, tangan
ang kopa sa ere.
Walang humpay ang usapan kung saan
mainam magretiro
ang hinanakit, saanman
na hindi na kailangan lumisan
dito. Umiikot ang plakang
walang awit kundi ingit
at pirming mukhang bagong-punas ang sahig
pagkat walang lakas-loob na tumatapak
sa liwanag, hila-hila ang ka-tango.
Gayunman, alangang masaulo nila ang tumpak
na mga hakbang—ang lakdaw, ang ikot,
ang padulas na atras—
liban lamang kung may saglit na hindi mo naisip
magpaalam. Ihahatid ka
ng sigabo ng babala't palahaw
na hindi mo tiyak kung para at dahil sa iyo.
Sundan
ang hiera ng mga terasang iniwang bukas
ang ilaw.
Ang tumba-tumba, umuugoy.
************
Pansamantala
Sinusulat ito sa pagitan ng mga emerhensiya.
Muling hinati ang baraha't sinargo ang mga bola.
Bakit hindi sumubok ng bagong resipi o restawran?
Nakaupo na naman si Mang Ruben sa mau hagdan
para ngitian ang lahat ng nagdaraan: Hinay-hinay
lang, hinay-hinay lang, payo niya
at hindi siya pumapayag na maunahang mapayuhan.
Nakahilata si Choy sa bagong tabas na bermuda,
pinagmamasdang lumutang ang mga ulap
habang nagsasalsal
pagkat para sa kaniya ay wala nang pinakabasang
pangarap kundi mga ulap na lumulutang.
Hindi tinitingala ng aso ko ang maiitim na ulap.
Ni hindi niya pinapatulan ang aso sa tapat
at nakatitig sa kaniya. Matikas silang nakabantay
ngunit hindi para sa isa't isa. Hindi para kumahol
nang walang patumangga hanggang sa mapangal.
Huwag magugulat. Huwag manggugulat,
may hintuturong magaang nakalapat sa buting
mas pula sa pula ng dingding—huwag.
Binubulatlat ni Mang Ruben ang diyaryong ilang ulit
na nirolyo't kinipkip sa kilikili. Nirolyo, kinipkip.
************
Stress Management
Kani-kaniyang aso para pagdiskitahan
at nakapamaluktot ang aso mo
sa pintuan na parang basahan.
Ilang gabi mo na siyang hindi pinapapasok
mula nang siya ay matigok,
pero anong ginhawa
na nariyan lang ang bangkay
para kutson sa poot
na itinutunton mong lahat sa paa, nililikom
na parang putik sa sapatos.
Tadyak, tadyakan mo, patikimin mo
tuwing umaga at bago ka humarap
sa mundo. Sige, sipa, sipain mo
hanggang manikit at mangatas sa semento
ang laman, ang buto.
Pagkaraos, magpaspas ng suklay,
higpitan muli ang kurbata. Pero ano,
kulang pa? Sige lang, manggigil, huwag
magpigil, samantalahin
habang nariyan.
Pero hayan
na si kumpare, nagpupuyos
at marami daw kayong dapat pag-usapan
at mas marami kayong hindi dapat
pag-usapan kaya't ang napagbuntunan
muli ay ang asong hindi tinuruang
umangal. Sige, pulbusin ninyo,
bayuhin kung ano pa ang natitira
sa bungo't tadyang
habang nagusuklian kayo
ng tanginamo at tanginamorin
at magkapatid pala kayo? Magbigayan,
kung gayon, salitan
sa pagsipa, ikaw muna,
tapos siya, tapos ikaw, tapos ikaw,
tapos paunlakan mo rin ang aso niya
na pipilay-pilay na't nauulol,
na nginatngat at ipinagpag kaliwa't kanan
ang aso mo.
Pero huwag maging masyadong mabait,
kani-kaniyang aso para pagdiskitahan,
tadyakan mo rin ang aso ng iyong mahal
na kapatid. Sige, puta,
umaangil? Tadyakan mo, huwag
madalâ, huwag
madalá
sa iyak at kahulang
gumagapang sa kahabaan ng lansangan.
************
Memento
Ito ang kutsara at sangkutsarang saklap.
Ito ang tasa at santasang latak.
Ito ang balabal ng balo ng mundo.
Ito ang banig na may habing mga matang mulagat.
Ito ang kuwintas na magniningning sa guniguni ng bulag.
Ito ang pulseras ng matakaw sa bagay na makikintab.
Ito ang pasong puno ng pinakapinong buhangin.
Ito ang plorera mula sa bahay na hindi nagpapatuloy ng liwanag.
Ito ang espadang masinop na maisisilid sa dibdib.
Ito ang maskara ng walang hindi kamukha.
Ito ang aklat ng mga instruksiyon sa patay na wika.
Ito ang anitong nagtataboy sa mga bisita sa aming bayan.
Ito ang postkard ng siyudad ng hindi mo maaaring panggalingan.
Kunin ang maibig at maiiwan ka.
************
'Sa Pagitan ng Emerhensiya', Unang Gantimpala, Tula, 2005 Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature

Palanca,
Rosmon Tuazon
Subscribe to:
Posts (Atom)