Saturday, April 28, 2012

Sa Ayala Triangle Gardens

Ni Miguel Paolo Celestial



Kanina pa naghihintay ang helikopter
sa rooftop ng Allied Bank sa Ayala Ave.,
walang patay ang makina at eliseng sumasabay
sa ingay ng lonmower ng hardinero dito
sa Ayala Triangle Gardens. Kasama sa koro ang harurot
ng trapik, ang pagkalabog ng mga mason sa isa
sa maraming itinatayong gusaling aangkin
sa sariling kuwadrado ng langit.

Nagdadaldalan ang mga naglalakad lampas
sa kapihan, ang bawat lagatok ng takong ay tandang
padamdam. Kumakaluskos ang dyaryo ng nagsisigarilyong
de-barong. Sumusunod sa kumpas kahit ang hangin
sa hardin. Maaliwalas sa lilim ng punò sa damuhan.

Pagdating ng hapon, lalabas ang mga yaya karga-karga
o tulak-tulak ang mga anak ng expat. Magsisimula nang
magjaging ang mga empleyadong maagang lumabas.
May maglalatag ng mantel sa tabi ng akasya,
magmemeryenda. Matapos ang siyesta, may darating
na munting bisikleta. Malimit may ipinapasyal na ásong
laging may tagapulot ng dumi. Ikot nang ikot
ang mga nag-eehersisyo, makukulay ang suot na sintingkad
ng mga eskulturang nakapalibot sa mga bangkô.

Laging hanggang tatlo ang rumorondang sekyu sa perimetro.
Minsan may isang aleng mahaba ang uban, walang pusód,
at naka tsinelas na tahimik na umupo sa isang sulok.
Hinahalukay ang kanyang gamit sa loob ng ilang bag
at plastik. Nagwalâ nang nilapitan ng unipormadong
mamàng humawak sa kanyang braso. Napatingin
ang mga dumaraang nakiusyoso. Lalong nagalit
ang matanda nang may ibinulong ang sekyu. Nagdadabog
na tumayo at ipinagmumumura pati ang mga usiserong
isa-isa namang nagpatuloy sa paglakad at pagtakbo.
Umiiling-iling, muling gumaan ang pakiramdam pagkalayo.

Bihirang hindi bagong tabas ang halaman sa kalagitnaan
ng parke, iba’t iba ang korte. Tuwing mangangalirang
ang damo, kagad papalitan ng pari-parisukat na punla.
Sa gilid ng lote, naglalagas ng apoy ang kabalyero.
Mataas ang rehas na ikinakandado pagsara
ng mga opisina at restawran. May bahagharing kumikinang
sa tubig ng fountain sa harap ng Ayala Tower One.


Eksena

Ni Miguel Paolo Celestial



Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una. Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras, marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, titingnan ako patagilid ng sekyu. Pipindutin ko ang elevator tulad ng pagpindot ng microwave na nagpapainit sa anumang lumamig. Dadaan tayo sa pasilyo ng magkakamukhang pinto. Minsan, di ko maaalala ang iyong pangalan, ang kalsada lamang at kung paano makarating sa iyong tirahan. Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid, nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson sa sahig at may dalawang double-deck: pansamantalang tulugang sasapat sa pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong buy-one-take-three. Kapag natapos na ang lahat aabután mo ako ng isang baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati, Nag-enjoy ka rin ba? at ang isasagot ko uli ay Matagal na ba kayong dito nakatira?

Araw Gabi

Ni Miguel Paolo Celestial




11:58


Gumagapang ang anino sa dingding,
gagambang ginambala ng hangin.
Maghahatinggabi, tumutulo ang tubig
sa lababo ng katahimikan.
Pumapatak ang mga sandali, dumadaloy
patungo sa ilog ng panaginip.
Nagbubuhangin ang aking oras,
idinidikdik ng bumibigat na kumpas,
nag-iipon na pulbong tinitikman
ng yumuyukong butiking tumitiktik.

Ilang minuto, ilang araw at linggo
ganitong napapatigil, napapatunganga
sa dyip, opisina, almasen, at simbahan
tulad ng pagtitig sa salaming
walang ibinabalik? Laging may simoy
na kumakaluskos sa mga dahon:
sinasalat ng aking mga daliri ang mga bagay
habang nilulusong ang kalsada
ng tao, busina, alikabok, at etiketa.
Ngunit sa bawat pag-uwi di mawari
kung ano ang nadama. Laging dumadapo
ang kutob na sa bawat araw na lumubog
papalayo nang papalayo ang aking anino,
ang aking kamay sa pinto.



07:15


Bumubusina na ang basurero. Isa-isang
ilusot ang mga butones ng polo, higpitan
ang relo sa pulso at kurbata sa kuwelyo.
Hiwaan ng hati ang buhok habang hinihiwalay
ang sariling para lamang sa trabaho. Itupi at ibulsa
ang tinig kasama ng inalmirol na panyo.

Ilaklak ang kape habang nilalanghap
ang umaga sa isang buntonghininga. Wala nang
oras umupo sa almusal. Pagsilip sa bintana,
sumasayaw ang sinag sa dahon ng bugambilya.
Walang bihis ang liwanag na binabati ng huni,
walang sukat na awit ng maya. Sumasabit sa tinik
ng bulaklak ang aking lalamunan. Paglampas
ng tarangkahan, nakaalis na ang mga tagahakot.
Tangay ng trak pati ang aking lakas na lumingon.



2:06


Sinusundan ang yapak at yabag ng dumaraang tao,
ang nalalagas na mga salita habang sunod-sunod
na pinapatay ang sindi ng mga tindahan.
Para akong dayong nag-aabang ng kapalaran
sa mangilan-ngilang upuan ng kapihan, di maalala
ang pagkakapadpad. Isinusulat sa napkin
ang bulong ng simoy, ang hiling ng usok,
ang pahimakas ng dahong tinangay ng humarurot.
Kumakalansing ang inililigpit na kubyertos,
sumasagi sa platito, sa tasang pinaglatakan
ng kape. Lumulutang sa maulap na himpapawid
ang mga bituin tulad ng múmo sa sabontubig.

Namimitig ang binti ng lamesa. Malamig ang rabaw
na marmol sa aking pisngi. Magbabakas sandali
ang init. May pingas ang baso, mapait na lasang
naiwan sa bibig. Walang kahulugang ikinukubli ang gabi.
Dumarating ang alinlangan tulad ng madalang
na sasakyan. Para akong palitadang di alam
kung anong dumaraan, nararamdamang dumadagan.    



12:10


Please flush the toilet after use. Properly dispose tissue
paper in the trash bin. Turn the lights off as you leave.
Pagtingin sa salamin, walang nakikita kundi ang laman
ng banyo ng kapihan, ang ilaw ng bumbilyang kumikinang
sa baldosa. Isa-isang bumabalik ang tila pinagdugtong-dugtong
na mata, ilong, bibig. Sandaling iniwan ang opisina
para mananghalian, nangangawit pa rin ang aking isip.
Paglabas, kulay plema ang araw sa lalamunan
ng tabi-tabing gusali. Paglingon sa kabilang lamesa,
binugahan ng usok ng sigarilyo ang aking mukha.

Pinaiigting ang init ng tanghali ng garalgal
ng motor at lutong ng malapapeles na pag-uusap.
Napupusyaw ng ingay ng negosasyon, miting, at tsismis
ang kulay ng kotse, kurbata, at pananamit. Abuhin
pati ang lumiligid-ligid na sulyap, mapagkuwentang
mga tingin. Hanggang dito kaharap ko pa rin ang iskrin.
Nalalasahan ang pasta ng naipulupot kong dila, nilulunok
ang naiwang asim ng pakutkot-kutkot na pananalita.
Kahit karton, goma, at plastik, wala na akong di kayang nguyain.
Natutuhan ko na ring paliitin ang tinig at patalasin ang ngipin.



1:46


Kinakalmot ng nakapasok na daga ang kisame.
Nagsusugat ang dalumat. Nasasagi ng pusa
ang taob na palanggana. Nagsisilabasan ang mga anino
sa panaginip. Sinusundan ng langgam ang bakas ng bahaw,
manaka-nakang napapatid ang landas. Nakapulupot
sa kawad ang saranggolang di magising ng simoy.

Mabalahibo ang alunignig. Pinupunit ng paniki
ang nisnis na alpombrang sinusulsi muli ng kaluskos
sa kalsada. Sinu-sinulid ang ulan sa aking isip,
dumadaloy sa mala-kidlat na bitak ng lupa.
Natatastas ang tahi sa pagitan ng araw at gabi,
ng pagtulog at paggising. Umuungol ang alkantarilya
sa ilalim ng sahig habang dumaraan ang nanginginaing ulap.
Tumatahol ang asong nakapikit. Di ako makabangon
mula sa bangungot, dahan-dahang nalulunod.



5:45


Nagwawala ang mga tandang. Di lang tigatlo
ang tilaok kundi tatlong libo. Ginigising ang siyudad
na itinatwa ang sarili magdamag. Parang walang katapusang
pagwangwang ng ambulansiyang di mahanap
ang biktima ng disgrasya. Muntik na akong mahulí
sa trabaho. Tumakbo pagbaba ng dyip, pumasok
ako sa opisinang tumutulo ang pawis. Di inaasahang
maaninaw ang larawan ng sarili nang dumaan
sa likod ng salamin ang isang mamang nakaitim.
Pag-akyat, inilapat ang daliri sa biometrics machine.

Sa almasen pagdating ng tanghali, nadatnan ko sa katabing
construction site ang malalaking makinang naghahalo
ng kongkreto at naghuhukay ng lupa. Tumitilapon ang graba.
Sumisigabo ang alikabok mula sa tinitibag na dingding
ng dáting nakatayong gusali. Nagmamartilyo ang init.
Nagmamadali para masulit ang oras, bigla akong napatigil
nang muling nasilayan ang sarili sa nakasisilaw
na sinag. Nagkalat ang lamat sa malapit nang mabasag
na salamin ng liwanag. Panay hiwa ang aking mukha.
Bumalik ang pagtilaok sa tainga, naging nakaririnding
alarma. Naghubog katawan ang mga bato
sa bundok ng tambak na nagbabantang gumuho.
Lumabas sa aking pandinig ang nag-ipong buhangin.



3:59


Nagpapalimos ang isang kamay ng orasan.
Nangangatog ang mga dingding ng bahay, nirarayuma
ang mga haligi. Ngalumata ang naiwang bukás
na bintana. Pagsakay ko ng dyip kaninang alas singko,
unti-unting natunaw ang lamig galing sa opisina.
Dahan-dahang nakapag-unat ang nangangawit
kong utak. Mabilis napuno ang sasakyan ng usok.
Gasgas ang hininga ng hanging tumatangay sa dahon.
Paos ang huni ng ibon. Umuwi akong may galos sa dibdib.

Nagising ako kani-kanina mula sa panaginip ng nililipad
na papeles, diyaryo, resibo, at kaha ng sigarilyong
nagbunton sa paanan ng muhon. Isa-isa silang dumapo
sa katabing Pasig na nangitim sa basura at langis.
Nagpatong-patong hanggang natakpan ang lawas ng tubig.
Pagbangon at pagpunta sa banyo, nakita kong nagsilabasan
ang alupihan, bulate, at ipis. May biyak na kawangis
ng gagamba ang seramikang baldosa.
Habang naghihilamos, tila may ibinubulong ang lamok.
Di ko matandaan saan nailapag ang susi, panyo, at pitaka.



6:25                        


Hinihingal sa treadmill, hinihintay ko ang ikatlong kilometro
bago punasan ang pawis. Samantala, salit-salit
na sinusubaybayan sa magkakatabing telebisyon ang balita,
Olympics, safari sa Africa, at ang bagets na bumibirit
ng pinagpraktisang kanta. Patuloy sa pagtakbo.
Inaabangan ko ang pamumulikat ng binti at hita,
ang pamimilipit ng tagiliran, ang pag-apoy ng lalamunan.
Tinitiis ang bumibigat at pahiráp nang pahiráp na hakbang,
ang pagkaladkad ng paa hanggang dumating ang pag-ibayo
ng lakas. Sa dulo ng pandama, nalilimutan ko ang pinapanood,
di marinig kahit ang sariling hininga. Pagsilip ko sa bintana,
natutunaw ang abot-tanaw. Nagsasanib sa dagat ng ulirat.

Ngunit bago pa masisid ng aking pinaka matuling tibok
ang lurok ng pangitain, natutuyo ang tubig. Muling tumataog
ang malakas na tugtugin ng gym, ang walang kurap na palabas,
ang nanlalagkit kong balat. Sa ilalim ng shower,
walang laman ang aking isip. Sumisingaw ang init ng katawan.
Pagpunas ng tuwalya, maaalala ang uhaw at gutom.
Ang oras na magtatakda ng umaga hanggang hapon.



8:03


Sa inip at pagkabagot, nagawa kong bilangin ang puting
buhok ng nakatalikod sa elevator, kilatisin ang kanyang nunal
sa batok. Naaamoy ko ang ipinangmeryenda ng katabing
malalim huminga, ang nanaig sa kanyang deodoran.
Mukhang naparami ang nahulí sa pag-uwi. Tahimik lahat
habang hinihintay sumakay ang mga pasahero ng bawat
buksang palapag. May mapapahatsing na pipiliting magtimpi,
may tititig sa kisameng di nabibisita ng butiki. May hihikab
na manghahawa ng isa o dalawang kapuwa inaantok.
Bumibigat ang mga bag sa pagód na balikat. Di maiiwasang
may masagi, may matapik na braso o likod. May tatapak
sa aking sapatos. Di mapakali ang halos magniig na nagsisiksikan.

Paglapag sa sahig, o sa parking, kakalikutin ang susi sa bulsa.
Ilalabas ang cellphone at magsisimulang pumindot. Bubuksan
ang mga kalupi ng papuntang ATM, fastfood, at dyip. Mabilis
mawawala sa isip ang biyahe pababa ng gusali: mula bibig,
lalamunan, at labasan. Uuwi ang bawat isang said na said.



12:00


Tinititigan nang tinititigan ng araw ang kanyang sarili
sa isang libo't isang salamin ng mga gusali habang inaakyat
ang rurok ng tanghali. Naaaninaw ang sinag sa imahen
ng imahen. Ibinabalik ang liwanag hanggang tatlong beses.
Hindi káyang titigan ng tagamasid ang langit
nang di nabubulag. Sapat nang mainitan, masilaw sa bubog.

Malas na lang ang dagâng tumingala mula sa labas
ng kanyang lungga. Di napigilang buksan ang kanyang mata.
Pisampisa, tila manggang sumabog ang laman
at naiwan na lamang ang mabuhok na butong dinugtungan
ng buntot. Napagod na siguro sa kahahanap ng matatakasan
sa loob ng labarinto ng lungsod. Humimpil at suminghap
ng mausok na hanging walang alam na kaliwa o kanan.
Tumigil sa karipas ng karera, tumingala. Sinagasaan.

Wednesday, April 11, 2012

Magdamag

Ni Miguel Paolo Celestial


1


Alas sais: nagsisilabasan na ang mga empleyadong pumasok
nang alas nuebe. Kung bagong suweldo, diretso sa bilihan ng pasalubong.
Ngunit ngayong karaniwang araw, bitbit ang baunan at ang de-takong
na sapatos, tutungo sa pila ng bus, ng tren, sa mga bangketang inangkin

ng FX. Palilipasin ang oras sa pakikinig ng huling dinownload, pagtantsya
ng ilulutong sahog, pag-aalala kung magkano ang matitira sa huling kinsenas
matapos ang kaltas ng hinuhulugan. Kung hanggang kailan bago taasan
ang sahod. Ngunit tuwing alas sais, mabagal ang usad ng trapik.

Niyayakap ng alikabok ang usok na nag-iipon sa kalsada. Makakatulog
ang empleyadong takip ang mukha ng panyo. Biglang magigising sa busina
ng nagkumpulang sasakyan o sa tinig ng nagsusukling tsuper.
Hihigpitan ang kapit sa nabitawang hawakan, sa bag at dala-dalahin.



2


Alas siyete: nagsisimula nang pumasok ang panggabing gumising
kaninang hapon at nag-almusal sa takipsilim. Habang ang iba’y
nangangating umuwi, maghihilamos at magtitimpla ng kape
kasabay ng mga katrabaho at kliyente sa Estados Unidos.

Tatlo ang orasan sa opisina, hanggang lima ang puntó ng Inggles.
Ilang palapag ang sakop ng kumpanya ng di lang agent, pati na rin
accountant, technician, at manunulat. Nakatutok lahat sa email
at headset. Lalabas lamang para magyosi at magpainit, sasairin

ang ikalawang tasa ng pampagising. Mula sa ika-42 palapag, may sariling
konstelasyon ang ilaw ng mga gusali. Sa ibayo, humihimbing
ang anak at kapatid na pinag-aaral at pinapalaki. Uuwi ang panggabi
bago lumiwanag. Ipagluluto ang mga bata bago bumalik sa kama.



3


Alas otso: patuloy sa paggawa ang mason. Hinahalo ang graba,
buhangin, at sementong ibubuhos sa bakal para sa haligi ng condo.
Halos tatlong daan silang hinatid dito ng trak, nakatayo’t siksikan.
Inilagak sa malaking butas sa lupa kasama ng iba pang piyon.

Sa loob ng yerong bakuran, mga higanteng makinang nagbubungkal,
nagbubuhat ng baras na binabarena ng obrero. Nababalot lahat
ng alikabok, namumuo ang putik sa sapatos at pantalon. Inilalatag isa-isa
ang mga palapag ng manggagawang saklob ang kamiseta sa mukha.

Umaalingawngaw ang martilyo sa kalsada. Tumitilamsik ang apoy.
Minsan, may nahuhulog na trabahador habang nagkakabit ng bintana.
Inililigpit kasama ng kagamitan. Itinatapon lamang ang kahoy ng iskafolding
na nagiging dingding, poste, at sahig ng kanilang mga tahanan.



4


Alas nuebe: umupo sandali ang bata sa anino ng waiting shed.
Imbes na bunsong kapatid ang bitbit, isang kaha ng yosi at kendi.
Palaboy-laboy ang isipan nang di mapansin ang úhaw at kalam.
Nagbara ang mga dahon sa bunganga ng kanal, nagtapal-tapal.

Itim ang tubig na tinubuan ng lumot. Sa kanyang isip, mababangga
at babaliktad ang trak ng basurang magkakaloob ng grasya.
Ngunit patuloy lamang ang pagkaripas, tangay ang alikabok
at balat ng tsitsirya. Pinagmamasdan ng uhugin ang asong nakatali

sa harapan ng duplex. Ikot nang ikot, umiikid sa poste ang kadena.
Namimilipit ang askal hanggang sa wakas tutuwad at eechas.
Nagagasgas ang kuko sa pagkahig sa kongkreto. Inaamoy-amoy
ang platong kanina pang sinaid. Sasalok ang paslit ng tubig sa lubak.



5


Alas diyes: tumabi na sa gilid ng bangketa ang naglalako ng mineral,
sigarilyo, at shingaling. Nag-aabang ng mga bumababa sa overpass.
Nakapuwesto na sa harap ng construction site ang nagtitinda ng lugaw
at tinapay sa ilaw ng gasera. Kanina pa nakauwi ang nagtutulak ng kariton

ng pakwan at pinya, ng umuusok na mani at mais. Wala na rin ang trapik
na suki ng nagtitinda ng iskrambol at ice candy. Lumipat na sa terminal
ng FX at dyip ang nagpiprito ng fishball. Pinalitan ng magbabalut
ang magtatahong rumoronda sa mga eskinita. Ngunit nakapirmi

ang naglalatag ng damit, payong, at DVD sa de-tiklop na lamesa
sa gitna ng tawiran, ang nagtitinda ng tuwalya, pitaka, at sinturon
sa ilalim ng hagdan. Dito na sila inaabutan ng antok, ipinang-uunan
ang di naibentang isinasaksak sa bayong. Ipinangkukumot ang karton.



6


Alas onse: magbabago ang oras paglapag ng eroplano sa Abu Dhabi.
Ika-anim na flight na ito ng stewardess mula nang umalis ng Maynila.
Kahahatid lang ng kumot sa nakatatandang mag-asawa sa First Class.
Makakaidlip pa siya bago ihanda ang hapunan ng mga pasahero.

Kahihiga lang ng seaman sa kanyang bunk bed matapos magbakyum
ng alpombra ng tatlong restawran. Mamaya na niya aasikasuhin ang mantsa
ng natapong alak, ang mga mantel na nakasalang sa washing machine.
Kailangan niyang gumising bago dumaong ang bapor sa Barbados.

Wala pang túlog ang hostess sa Roppongi ngunit di ito halata sa mapupula
niyang pisngi, sa ngiting umaamo sa kanyang kliyenteng nagsisimula nang
tubuan ng uban. Sa pagitan ng kanyang putol-putol na Nihonggo, pinipisil-
pisil ang mga kamay ng negosyanteng gumagapang sa kanyang kimono.



7


Alas dose: katatabi lang ng katulong ng labada, pinggan, at laruan.
Tahimik sa bahay ng kanyang amo. Pabalik sa kanyang kuwarto,
nangangawit ang likod sa kapupunas ng muebles, kapapakintab
ng sahig, at kalalampaso ng marmol. Malalalim ang mata, pasmado

ang katawan. Pagbaba ng hagdan, umaalingawngaw sa kanyang isip
ang pagtulo ng kaaayos na gripo. Umiiyak pa rin si bunso.
May ipinahahanap si kuya sa loob ng kotse. Tinatawag pa rin siya
ng senyora mula sa sala. Mahahaba ang anino ng babasaging antigo,

tila sinusundan ang kanyang mga hakbang. Sapat lang ang lugar
sa kanyang silid para sa kama at aparador. Wala na siyang lakas
para maligo o magbihis. Imbes na dasal, inuulit niya ang mga pangalan
ng kanyang mga anak, magulang, kapatid, at asawang iniwan sa Pilipinas.



8


Ala una: kararating lang ng tatlong Marya sa bangkô sa Greenbelt 3.
Mahahaba ang buhok, maiikli ang bestida. Panay ang tingin sa salamin
sabay sulyap sa madidilim na sulok ng Café Havana. Ilalabas sandali
ang cellphone, kunwari may kinakausap. Sumasayaw ang ilang turista

at expat. Pinagmamasdan ng mapipilantik na mata ang mga lamesa.
Tatayo ang isa, nakapamewang. Lalapitan ang dalawang puting mamang
maluluwang ang kamiseta, naka Reebok at Adidas. Susundan nila
ang nakatakong at pekeng Vuitton. Hawak ng isa ang kamay ng puta.

Magsisigarilyo ang dalawang natirang Marya. Aaligid sa ilalim ng poste,
sa harap ng nagsarang tindahan. Kakagatin ang pulang kuko. Minsan lang
may sabay na booking ang tatlo. Kilala na sila ng barista ng Starbucks
na bumabati lamang kapag walang nakatingin sa mga suking pokpok.



9


Alas dos: tatlumpu’t dalawang oras nang gising ang nars na naka-duty
sa ospital. Di makaalis dahil sa daloy ng pasyente. May nagdala ng aleng
nabundol sa highway, basag ang balakang. Nasunog ang balikat at pisngi
ng binatilyong nagpasiklab ng tumatagas na tangke. Isinugod ang laláking

sinaksak sa tagiliran. Tumitili ang inang malapit nang manganak.
Di maláman ng staff kung sino ang uunahin. Nakahandusay sa kandungan
ng dalaginding ang kanyang nilalagnat na kapatid na halos mawalan ng ulirat.
Kulang ang gamot. Marami nang pinauwi. Naka-ilang dukot na ang nars

ng sarili niyang guwantes at hiringgilya. Humihiyaw ang pasyenteng humihingi
ng anestisya. Gusto nang umalis ng bagong gradweyt para makapagpahinga.
Papatayin ang pager, isasara ang bintana. Ngunit pagbukas niya ng mata,
nakita ang matandang ilang patak na lang ang natira sa nakakabit na suwero.



10


Alas tres: pasan ng patáng matadero ang bangkay ng baboy na simbigat
ng di-magising na alapaap. Tabi-tabing ikinalawit ang mga kinatay.
Nakahilata sa bangketa ang mga manggagawang nanggigitata ang damit
sa dugo, sa lustay na lakas, at sa pagkahapong tagos sa buto.

Nilalangaw ang basyo ng Red Horse. Malapot ang daloy papuntang estero.
Patuloy ang pag-hose sa mga dingding na kanina lang ay pinuno ng igik
ng inahin, biik, at barakong isa-isang pinatahimik. Sinabit patiwarik, ginilitan
ang leeg, at hiniwa para lumuwa ang laman. Putimputi ang bilog na buwan.

Nagkulta ang mga anino sa kalsada. Mamasa-masa ang sampay
ng kapitbahay. Naghuhugas ng kamay ang matadero. Paalis na ang sasakyan
papuntang palengke. Walang sumunod ng tingin pagkalampag ng tambutso.
Hanggang litid ang pagod. Maihahain lamang ng sahod: betamax at lamanloob.



11


Alas kuwatro: nasa dyip pa ang hininga ng kabababang lasing.
Di pa nahihimasmasan ang alikabok ng kalsada. Kasasakay lang ng magtataho,
manininda, at de-bayong na kusinera. May matang tila bumbilya ang walang
takot na masagasaang paslit. Nag-aalmusal ng yosi ang tsuper.

Patse-patse ang kaha ng sasakyan, kalawangin. Di na mabása ang pusyaw
na patalastas sa lumang tarpolin ng upuan. Tulog pa sa harap ang mag-inang
magbibilang at magsusukli ng barya, magtatawag ng biyahe. Unti-unting tinutuklap
ng liwanag ang gabi. Katataas na naman ng presyo ng langis.

Nagsisimula nang mamasahe ang mag-aaral at empleyadong may bitbit
na dyaryo. Nakatiklop sa sariwang iskandalo. Tuyo na ang sampagitang nagbuhol
sa rosaryo. Mamaya, may mga batang lalampaso sa sahig, magpupunas
ng sapatos at manlilimos. Tatalon sa kalsada. Pagbalik, iba na ang mukha.



12


Alas singko: nakahanda na ang barikada sa bungad ng barangay
na pangalawang beses nang babalikan para sa demolisyon. Ginawang
tungkod ng plywood ang dos por dos na ipinamahagi rin para pantapat
sa arnis ng pulis. Ilang metro sa likod ng harang ang tambak ng gamit:

higaan, muebles, kalan, kubyertos, kurtina, timba, at anupang maisasalba.
Lahat ng unti-unting naipon sa ilang taon ng pagkayod: bentilador, damit,
lamesa, TV. Sako-sakong kagamitang tinatakpan ng trapal. Nakaupo
sa mga bangkô ang nakatatanda. May bimpo sa balikat, kinakabahan

dahil nagsidatingan na ang mga van lulan ang helmet, teargas, at kalasag.
Dito rin isasakay ang mga poposasan. Pagdakot ng mga iskwater ng almusal,
dumating ang bumbero. Kumikinang ang sikat ng araw sa mga molotov.
Sapat na ang liwanag para dumampot ng bato, magtungkab ng kongkreto.

Sunday, February 5, 2012

A Note

By Wisława Szymborska


Life is the only way
to get covered in leaves,
catch your breath on the sand,
rise on wings;

to be a dog,
or stroke its warm fur;

to tell pain
from everything it's not;

to squeeze inside events,
dawdle in views,
to seek the least of all possible mistakes.

An extraordinary chance
to remember for a moment
a conversation held
with the lamp switched off;

and if only once
to stumble upon a stone,
end up soaked in one downpour or another,

mislay your keys in the grass;
and to follow a spark on the wind with your eyes;
and to keep on not knowing
something important.


From 'Monologue of a Dog'
Translated by Clare Cavanagh and Stanisław Barańczak



Read about Wisława Szymborska

Saturday, January 21, 2012

The Last Hours

By Stephen Dunn

There's some innocence left,
and these are the last hours of an empty afternoon
at the office, and there's the clock
on the wall, and my friend Frank
in the adjacent cubicle selling himself
on the phone.
                            I'm twenty-five, on the shaky
ladder up, my father's son, corporate,
clean-shaven, and I know only what I don't want,
which is almost everything I have.
                            A meeting ends.
Men in serious suits, intelligent men
who've been thinking hard about marketing snacks,
move back now to their window offices, worried
or proud. The big boss, Horace,
had called them in to approve this, reject that—
the big boss, a first-name, how's-your-family
kind of assassin, who likes me.
                            It's 1964.
The sixties haven't begun yet. Cuba is a larger name
than Vietnam. The Soviets are behind
everything that could be wrong. Where I sit
it's exactly nineteen minutes to five. My phone rings.
Horace would like me to stop in
before I leave. Stop in. Code words,
leisurely words, that mean now.
                           Would I be willing
to take on this? Would X's office, who by the way
is no longer with us, be satisfactory?
About money, will this be enough?
I smile, I say yes and yes and yes,
but—I don't know from what calm place
this comes—I'm translating
his beneficence into a lifetime, a life
of selling snacks, talking snack strategy,
thinking snack thoughts.
                           On the elevator down
it's a small knot, I'd like to say, of joy.
That's how I tell it now, here in the future,
the fear long gone.
By the time I reach the subway it's grown,
it's outsized, an attitude finally come round,
and I say it quietly to myself, I quit,
and keep saying it, knowing I will say it, sure
of nothing else but.


From 'What Goes On: Selected and New Poems 1995-2009'

Monday, December 26, 2011

Budhi bato ulan

Ni Miguel Paolo Celestial

Pumapatak ang ulan sa bato,
dumudulas sa budhi.
Bumabagsak ang ulan sa budhi,
nabibiyak ang bato.

Pumapatak ang ulan sa budhi,
dumudulas sa bato.
Bumabagsak ang ulan sa bato,
nabibiyak ang budhi.

Sunday, December 18, 2011

Pauwi

Ni Miguel Paolo Celestial


Bumaba ka sa gitna ng kalsada
dahil nagkamali ka ng sakay ng dyip.
Ikaw na lamang ang natira sa biyahe
nang napansin mong iba na ang ruta.

Nag-aalala kang baka may nakasunod
mula sa safehouse, kahit na makailang
beses mong pinagpag ang iyong daan:
tatlong ulit bumalik sa tindahan sa kanto,
dalawa sa may talyer, at isa sa sakayan.

Tatawid ka na sana kung di ka sinalubong
ng umuungol na trak. Wala kang kasama sa kalye,
pero nangangamba kang isuplong kahit ng dilim.

Di dapat umabot ng ilang oras ang miting
ngunit kailangan pag-usapan ang pagkakahuli ng kasama.
At habang nililinaw ang mga suspetsa, ang oras at lugar,
doon mo lang narinig ang tunay niyang pangalan,
lumusot sa bumibigat na lambat ng mga salita.
Namumutla na ang namumula't namumugtong mata.

Biglang lumitaw sa iyong isip ang eksena ng pagdakip:
sa palengke, sa dinadayong beerhouse,
sa eskinitang di inaasahang magbubulgar ng lihim.
Nilulon ng agam-agam ang iyong landas pauwi:

ang pasikot-sikot sa nakagawiang kalsada,
ang pag-iwas at pagtagos sa karaniwang daan.
Pagdating mo sa tarangkahan ng inuupahang
apartment, di na magkasya ang susi.
Tumalikod ka upang harapin ang umaga.
Di mo na makilala ang iyong sarili.

Sunday, December 11, 2011

The Blue Wind-Flowers

By Tomas Tranströmer

To be spell-bound – nothing's easier. It's one of the oldest tricks of the soil and springtime: the blue wind-flowers. They are in a way unexpected. They shoot up out of the brown rustle of last year in overlooked places where one's gaze never pauses. They glimmer and float, yes, float, and that comes from their colour. That sharp violet-blue now weighs nothing. Here is ecstasy, but low-voiced. "Career" – irrelevant! "Power" and "publicity" – ridiculous! They must have laid on a great reception up in Nineveh, with pompe and "Trompe up!". Raising the rafters. And above all those brows the crowning crystal chandeliers hung like glass vultures. Instead of such an over-decorated and strident cul-de-sac, the wind-flowers open a secret passage to the real celebration, which is quiet as death.


Translated by Robin Fulton

Thursday, November 24, 2011

Slow Music

By Tomas Tranströmer

The building is closed. The sun crowds in through the windows
and warms up the surface of desks
that are strong enough to take the load of human fate.

We are outside, today, on the long wide slope.
Many wear dark clothes. You can stand in the sun with your eyes shut
and feel yourself being slowly blown forward.

I come down to the water too seldom. But here I am now,
among large stones with peaceful backs.
Stones that slowly migrated backward up out of the waves.


Translated by Robin Fulton

Monday, September 19, 2011

Scheherazade

By Richard Siken

Tell me about the dream where we pull the bodies out of the lake
                                                                      and dress them in warm clothes again.
        How it was late, and no one could sleep, the horses running
until they forget that they are horses.
                  It's not like a tree where the roots have to end somewhere,
        it's more like a song on a policeman's radio,
                          how we rolled up the carpet so we could dance, and the days
were bright red, and every time we kissed there was another apple
                                                                                                          to slice into pieces.
Look at the light through the windowpane. That means it's noon, that means
        we're inconsolable.
                                                    Tell me how all this, and love too, will ruin us.
These, our bodies, possessed by light.
                                                                              Tell me we'll never get used to it.


From 'Crush'

Tuesday, September 6, 2011

De Lata

Ni Enrique S. Villasis


1.

10 AM

I hate this gene.

May sakit ako sa puso na minana pa sa aking nuno na nasa buwan na ngayon. Hindi sa takot akong mamatay, nakakaburat lang ‘tong komplikasyon. Bawal ang orgasm kaya bawal ang sex. Bawal din ang magtikol.

Kagabi palabas sa Channel 3 ang firs bold movie ni Tweety Cervantes. Nagawa niyang maghubad dahil hindi nagningning sa pagpapatwetums. Unang labas pa lang niya sa komeding “Togatoktoktoktoks” alam ko na wala na siyang ibang paglalagyan kundi ang paglalantad ng katawan. Sinundan pa ng teenage suspense-thriller flick na “Summer sa Bahay na Pula”, ganundin ang nangyari sa kanya – nagmukhang ekstra lang sa pelikula na ang tanging alam gawin ay magpakyut habang tinatadtad ng pino. Nakatlo na rin siya ng love team pero lagapak naman. Ang mga nakapareha niya sumikat nang iwan ang tambalan nila. Mahal lang talaga siya ng TV network na nagpasikat sa kanya kaya hindi nawawalan ng project. Produkto kasi ng “Artista Quest sa TV”. “Super Female Idol” pa nga ang binansag sa kanya, pero hindi kinagat ng masa. Kung tutuusin wala siyang star appeal para maging isang ganap na artista. Kahit pagkanta nasisintunado pa siya. Kahit pagsayaw nagkakamali ang kanya mga paa. Ang tanging ipagmamayabang niya ay ang kanyang kagandahan. Klasikal na Pilipina ang kanyang kagandahan. Tamang timpla ng kulay ng balat -hindi maputi gaya ng labanos, hindi ganun ka-tan gaya ng tanso. Tamang tama lang. Mga kakalibre ni Tweety ay sila Gloria Diaz, Melanie Marquez, Jacklyn Jose, Rio Diaz, Miriam Quiambao, Precious Quigaman, Delilah Santos, Stephanie Araneta, at Isabel Alvarez. Isa pang puwedeng ipagmalaki niya’y ang katawang ipinaglihi sa diyosa ng kagandahan. Sinong hindi maakit sa 37-24-36 na vital statistic? Tuod marahil. Kaya nang lumabas siya sa first issue ng “Basement”, na isang men’s magazine, nagkagulo ang lahat. Ito ang unang paglabas ni Tweety na naka-topless. Daring ko sa daring. Nagpaalam na siya sa pagiging wholesome. Pinasok na niya ang de-latang mundo ng show business.

To dream. To believe. To survive. Kailangang maghubad.

Dalawang oras kong pinagpantasyahan ang kadiyosahan ni Tweety. Dalawang oras na iniisip na ako ang kanyang karomansa. Ang mga labi niya sa labi ko, gumagawa ng ritmo ng pagnanasa. Dila sa dila. Hinahawakan ko ang kanyang kamay, at hindi ko pinakakawalaan. Tuloy sa pag-indayog. Tuloy sa mainit na pagtatalik.

Bad trip nga lang, bawal ang orgasm.