Thursday, October 9, 2008

Rurok ng Lungsod (unang burador)

Pambungad

Nanlilisik ang mga bumbilya sa tindahan ng aklat.
Nakatunganga ang hanayhanay na libro
sa hilehilerang estante, makikintab ang pabalat.
Walang imik ang aking mga kasiksik sa sopa.
Kanina ko pa binabasa itong di malampasang talata.

Labas-pasok ang mga tao. Nagpatungpatong ang ugong
ng sasakyan, higing ng erkon, at dagundong ng stereo.
Sunudsunod ang malambing, mapusok, galit,
at babasaging tinig na nasasagi at nasasaling
ng abalang mamimili at papauwing pasahero.

Nakangiti ang tindera. Nakatitig ang kaha rehistro.
Nakamamanhid ang lamig. Maipagkakasya ko ang sarili
sa bawat parisukat na baldosa ng sahig,
pinag-ulit-ulit na sukat ng pagkabagot at pagkatulig.
Masinsin ang ingay at tinig hanggang mula sa stereo

sumungaw ang simponiyang humawan ng pananahimik.
Mula sa biyulin, piyano, at plawta: tugtuging walang
pahina, katapusan o simula, himig na humalungkat
sa salasalansan ng papel, pamagat, talata, at talinghaga,
at sumulat ng isang malinaw na pangungusap

na nagbuod sa ugat at ubod ng bawat salita.
Isiniwalat ang tanging pantig ng pumipintig na liwanag:
ang pangahas at mapagpalayang adhikang kintal sa bawat mukha.
Nagsara ang naibulatlat. Labas-pasok ang mga tao.

Tinatagos ang ingay patungong ingay. Silaw ang tulay.


Tikbalang sa Daan

Humahalinghing ang tikbalang na hangin.
Kumakaluskos ang mga dahon sa madilim na kalsada,
nabilibid sa anino at agam-agam ng buwan.

Nilulunok ng alingawngaw ang bangis
ng rumaragasang sasakyan, ang panglaw ng dambuhalang
trak mula sa pabrika. Nagpupuyat ang mga empleyado

sa opisina, ang mga manggagawang
kahilera ng makina: turnilyo at piyesa, pihit
sa tulalang orasan ng industriya.

Walang laman ang silid ng mangangasiwa.
Binubulyawan ng kapatas ang trabahador sa bodega;
nahuhutok ang balikat sa bigat

ng babalang kaltas. Kumakalantog
na barya ang bawat himutok at patak ng pawis. Basyong lata
ang malawak na gabi. Tagtag ang mga hikbi

ng namamaluktot na pulubi sa bangketa.
Kinakalkal ng pusa at pulis ang mga eskinita.
Binabangungot ang nangangatog na dilim.

Balisa ang dilat na lampara ng kalsada.
Marahas ang kinang ng masibang asero. Mapanlinlang
ang salamin ng mga gusali. Dumarating

ang hanging humahangos, humahalughog
sa bawat lungga ng tigatig at pangamba. Winawalis
ang nagbuntong basura ng ipinilas

at ipinirapirasong pag-asa. Tinatangay
ng tikbalang na hangin ang alat ng natuyong pawis, latak
ng lunggati. Pinapawi ang usok at alikabok

ng pagód, araw-araw, oras-oras
na dinudustang lungsod. Hanggang hubad na kalsada ang matira,
gusali, salamin, makina. Taginting ng tanikala.


Magdamag

1

Alas diyes: binungkal na hukay
sa gitna ng Buendia. Binutas
na kongkreto para sa bagong tubo,
bago at pinakapal na kable ng telepono.

Putik at graba sa ilalim ng kalsada.
Kakulay ng kapeng ipinanghapunan ng sikmura,
butas na rin yata. Binabarena ang kongkreto,
binibiyak, binubungkal. Ibinabaon ang pulso

ng lungsod. Nasisinagan ng mga nagdaraang
sasakyan ang nakatalukbong na manggagawa,
may tatak ng ahensiya sa kamisa. Mala-anino,
ang biyas at bisig ang daluyan ng dagitab.

2

Alas-onse: naglalako ng yosi, kendi, tsitsirya,
payong, diyaryo, sinturon, panyo, at lalagyan ng selpon
sa de-tiklop na lamesang kahoy o saping banig at kahon.
Sa bangketa, sa overpass, sa hintayan ng bus, sa sulok

at gilid ng gusali at kalsada, sa ilaw ng gasera o lampara:
handang mailatag at maitakbo ang panindang tubig,
ayskendi, bulaklak, kuwintas, tsinelas, at VCD. Naglilibot
o pumipirmi. Nagtitinda sa mga pasaherong papunta

at pauwi. Saansaan inaabutan ng pagod at antok. Natutulog
katabi ng prutas, tali at ipit, tuwalya, pamaypay, at damit.
Tingitingi ang hanapbuhay. Baryabarya ang panindang panawid.
Kalat at dumi kung walisin ng siyudad na nagmamalinis.

3

Alas dose: katatabi lang ng labada, pinggan, laruan, at lampin.
Tahimik sa bahay ng kanyang amo. Pabalik sa kanyang makitid
at walang-bintanang kuwarto. Nangangawit ang likod sa kalalampaso
ng marmol, kababakyum ng alpombra, kapapakintab ng lamesa

hanggang ang kahoy ay naging salamin at siya ang pumalit sa basahan.
Patungo sa bartolina niyang silid. Malalalim ang mata, pasmado
ang katawan. Tahimik ngunit tila may naririnig na tulo ng gripo,
tila umiiyak na naman si bunso, may ipinahahanap si kuya,

umaalingawngaw sa pasilyo ang pangitngit na utos ng senyora.
May ibinibintang ang katahimikang di siya mapagkatiwalaan.
Pagsukob sa numinipis na kumot, ipinampapalubag-loob:
dito walang gera at gahasa. Maluwag ang gapos sa leeg, kamay, at paa.

4

Ala una: gumugulong na ang balita sa imprenta.
Itinutulak ng mga kargador ang higanteng rolyo ng papel.
Nakabukas ang malaking tarangkahan sa hardin ng graba,
sa garahe ng palimbagang kusina rin ng tagpitagping dampa.

Sa ilalim ng beinte singkong buwan: kartong kama at silid
sa kalsada, sa lawa ng barumbarong at mga gusaling isla.
Lumang balitang kinalilimutan ng diyaryo. Balitang inililimbag
sa abuhing alikabok, sa tinta ng baha, sa gútom na walang salita.

Lumubog kahapon ang araw hanggang naging pulang gilagid ng liwanag,
hanggang ngipin at pangil na mga gusali ang naiwan sa dilim.
Itinatarak ngayon ng makina ang mga talata sa papel, bago dumikit sa daliri
ang tinta, bago malusaw ang gilalas, at maipahid ang limahid.

5

Alas dos: habang humihimbing ang pinapalaking anak
o pinag-aaral na kapatid, nakatutok sa kompyuter at tinatalakan ng kostomer
sa kabilang panig ng daigdig. Nagpupuyat sa opisina: giniginaw
at pulupulupot ang dila. Sa labas, nakatiwarik ang mga paniki.

Nakahilera sa mga kyubikel ang inhinyerong tubero ng elektroniks,
siyentistang dalubhasa sa pagtala ng reseta, at gurong manlalako
ng pautang at insyurans. Kapanananghalian sa Amerika. Madilim pa sa Pilipinas
na talyer ng banyagang kumpanya. Di pa nagigising ang mga suliranin ng bansa.

Pagdating ng break, magpapainit sa labas, mag-uunat, kukulumpon
sa magdamag ring tindahan. Di madaig ng yosi ang sumigid at nailibing na lamig.
Pagsakay ng taxi pauwing daraan sa lawak ng lungkot at lubak,
sisilim ang antok bago sumikat ang init at ligalig. Dilat na bangungot.

6

Alas tres: pasan ng patáng matadero ang bangkay ng baboy
na simbigat ng di-magising na alapaap. Tabitabing sinasabit ang mga kinatay.
Nakahilata sa bangketa ang mga manggagawang nanggigitata ang damit
sa dugo, sa lustay na lakas, at sa pagkahapong tagos sa laman.

Sa itaas ng katayán ang tatlong palapag na bahay ng may-ari.
Sa kalilipas lamang na pasko, halos mabara ang estero sa sangsang.
Lampas sampung taong negosyo. Higit na marami at malalaki
ang inahin, barako, at biik na pinipirapiraso. Nanganganak ang trabaho.

Ngayong gabi, nagkulta ang bawat anino. Mamasamasa ang naiwang sampay
ng kapitbahay. Naghuhugas ng kamay ang mga matadero. Paalis na ang trak
papuntang palengke. Walang sumunod ng tingin pagkalampag ng tambutso.
Hanggang litid ang pagod. Maihahain lamang ng sahod: betamax at lamanloob.

7

Alas kuwatro: nasa dyip pa ang hininga ng kabababang lasing.
Di pa nahihimasmasan ang alikabok ng kalsada. Kasasakay lang ng magtataho,
manininda, at de-bayong na kusinera. May matang tila bumbilya
ang walang takot na masagasaang paslit. Nag-aalmusal ng yosi ang tsuper.

Patsepatse ang kaha ng dyip, kalawangin. Di na mabása ang pusyaw
na patalastas sa lumang tarpolin ng upuan. Tulog pa sa harap ang mag-inang
magbibilang at magsusukli ng barya, magtatawag ng biyahe. Untiunting tinutuklap
ng liwanag ang gabi. Walang katapusang palitada bago maabot ang boundary.

Nag-aabang ng kagigising na sakay. Katataas na naman ng presyo ng langis.
Mamaya, may mga batang lalampaso sa sasakyan, manlilimos sa nagsisiksikan.
Tuyo na ang sampagitang nakasabit sa santo. Nagmahal pati dasal sa kotong
pulis. Ngayong alas kuwatro, waluhan ang katahimikan. Pasahero lagi ang krisis.

8

Alas singko: malansa ang pinaghalong sariwa at nabubulok: laway, plema,
ihi, putik, sipon, at anghit sa palengke ng pusit, alimasag, halaan, manok
at baboy, malalaking hiwa ng tuna, repolyo, sili at kamatis, binuksang bituka
ng langka, at makatas na labong. Sumasalubong sa mga namamalengke

ang hilehilerang bawang, sibuyas, sitaw, at kalabasa hanggang sa overpass
dito sa Balintawak. Kumakapal na ang táong iniluluwa ng siyudad. May mamang
dumaang nagmamadaling tumawid, tigmak sa pawis ang mukha, mabigat
ang magkabilang pasan. Ang tanging nakikita niya ay ang daan sa kanyang

harap: ilang yapak, ilang buhat ng paa pababa ng hagdan hanggang mairaos
sa bus ang kanyang paninda. Numinipis na ang lamig, umiitim ang usok.
Humahaba na ang pila ng mga pasaherong nakatunganga sa kalsada;
tila bagsakan ang bangketa ng tsinelas, letsugas, at tilapya. Titig isda.

9

Alas sais: winawalis ng kaminera ang balat ng prutas, pakete ng tsitsirya,
upos ng sigarilyo, tiket ng bus, at pisang tansan kahalo ng dahon at walang
katapusang alikabok. Punitpunit ang paskil ng pulitiko, pilas sa pisngi at tapal-
tapal ang ngisi. Nakatakip ang mukha, winawalis ang graba at buhanging

dating bahagi ng kalsada. Nakahilata sa bangketa ang aleng grasang kipkip
ang di mabitawang plastik. Nilalampasan ng kaminera ang gusgusing palaboy.
Sa di-kalayuan, nagpapalimos ang pulubing mang-aawit. Nagdaraang ulap
ang tinig at daing sa guniguni ng aleng grasa. Rumaragasa ang sasakyan.

Nababalot ng usok ang tagalinis. Simula ng araw. Matingkad sa awit ng bulag
na pulubi: "Langit ang buhay sa tuwing ika’y hahagkan. Anong ligaya sa tuwing
ika’y mamasdan." Kanyakanyang biyahe ang mga motorista. Abuhin ang lungsod
sa likod ng itim na salamin, puting palitada ng limot para sa palaboy na nabaliw.

10

Alas siyete: bumubusina ang trak ng basura. Hinahakot ang pipis, pisa, tupi,
lukot, lamog, punit, at warat na nakakalat sa bangketa. Pinaglumaang gamit,
ulilang sapatos, butas na damit, pinagsawaang laruan, abubot, deyodoran,
baluktot na kutsara, halos di ginalaw na ulam, at minsan, pati patay na daga.

Kasabay ng mangangalkal na pusa at askal, pinagpilian na kagabi ng pulubing
rumoronda ang papel, kardbord, bote, kable, at basong maipagbibili. Ngayon,
umaapaw ang silahis ng araw. Natatapon sa kamiseta ng maghahakot ang katas
ng basura. Pipilahan mamaya ang trak pagdating sa tambak. Hahalukayin

sa bundok ang di sinimot na karne at litid na kumapit sa buto, ang tinik-bituing
kinang ng nawaglit na kuwintas. Sa ulan, maaagnas ang basura. Pag uminit,
gagapang ang alingasaw mula sa tambak. Pangkabuhayan ng lumalawak
na pamayanan, tahanan ng mga pamilya, libingan ng pangarap, gamit, katawan.

11

Alas-otso: bago bumukas ang mall, ipinipinta ang ngiti sa ilalim ng rosas at asul
na kolorete ng mga saleslady. Mamaya, bibihisan ang mga manyekin, sisindihan
ang mga etiketa ng hilehilerang estante ng paninda. Magkakaharap sa mga silid
at pasilyo ang salamin. Hahanay sa mga tindahan ang unipormadong tagabenta,

postura hanggang alas nuwebe o alas diyes nang gabi. Bago sila pakawalan,
isa-isang kakapkapan palabas ng almasen. Ilanlibong mukha at tinig, sumbat
at bulyaw, at madalang na ngiti sa pagpalit ng kamay ng limpaklimpak na salapi:
iyon lamang ang masasalat. Pag-uusapan pabuntonghininga at tikwas-kilay

sa papauwing tren ang ugali ng kanilang manager. Ang pakikibagay at pagziper
ng bibig, dahil simbilis ng pagbihis ng manyekin ang pagsisante. May sale
na naman ngayong sahuran. Dadagsa ang mga tao, ilalabas ang imbentaryo.
Ni barato, walang benepisyo ang tindero. Sa dami, mabibili laging diskuwentado.

12

Alas nuwebe: mula sa ikatatlumpu’t walong palapag ng bakal na gusaling hinasa
ng silahis, aangkinin ng masidhing init, patapos nang maglinis ang dyanitor.
Masisilayan ang tagpitagping kinang ng yerong bubungan ng mga barumbarong.
Napunasan na ang plastik na halaman sa pasô at plorera. Naghalo ang amoy

ng klenser sa singaw ng amag sa erkon. Sa tuktok ng karatig-gusali, nakatuntong
ang sampung kalapati. Kagabi, habang nag-aabang sa istayson, dumating
ang treng lumusong sa pusikit; taimtim ang bumbilyang nakadilat kahit bulag.
Walang muwang ang mga ibon sa banging kababagsakan. Dito sa likod

ng salamin, di marinig ang sasakyan. Bahagya lamang ang kagarkar
ng kompyuter at tapik ng telepono. Pudpod na ulo ng pako ang buwan.
Walang tunog ang makinadong gulugod ng gusali: batok, likod, bisig. Sakay
ang nasigawang dyanitor, naghihirin ang elevator sa lalamunan ng building.


Si Patricia, Alfred, Bong, at Sandra

Nagagalit ako. At alam kong marami diyan ang higit pa ang galit. Simple lang ang dahilan. Pagod na akong marinig ang inyong pag-angkin sa aming mga saloobin. Gusto kong sumigaw sa tuwing sinasabi niyong ipinaglalaban ninyo ang aking kalayaan at karapatan, ngunit sa katunayan sarili lamang ang inyong iniisip. (Bong Austero)

Kasasara lamang ng payong ng aleng kalalabas ng opisina. Kararating
sa kapihan sa kabila ng kalsada. Hindi umuulan, walang silaw ang alas kuwatro
y medyang liwanag ngayong Pebrero. Itinaas niya ang kanyang shades
at ginawang headband. Di inaasahan ni Patriciang lumusong sa kalye
ng nakakulumpong mga tao. Bitakbitak ang aspalto ng Ayalang nagsisimula
nang pag-ipunan ng upos, balat ng ayskendi, itlog ng pugo, at shingaling. Hindi
mo rin masisi itong mga sumasali sa rally, mas madali kasi magrally kesa

magkargador sa pier!
Sinalubong siya ng tili ng amiga kasama ng dalawa pa
nilang kaibigan. Halakhakan kasabay ng bulyaw ng mga aktibista. Hay nako,
ayan na naman sila, trapik sigurado hanggang mamya,
daíng ni Patricia
pagkalabas ng alchogel. Parang sirang plaka, habang tinatapik ni Sandra ang
kanyang takong sa usong bossa nova. Di naman nag-iingay yang mahihirap
nang kusa,
kalalapag ng order ng bagong dating. Kumakawaykaway mula sa
bintana ng mga gusali ang mga empleyadong binitawan muna ang trabaho.

Noong nakaraang taon lamang umulan dito ng confetti. Tambaktambak pa
ang iniiwan nilang basura!
Muling pinababagsak ng protesta si Gloria.
Pwede ba, tigiltigilan na nila’ng panggugulo. Halatang pagod si Alfred.
Kumakawaykaway ang mga palmera sa simoy. Nagsitaasan ang mga bisig.
Di baleng sinasabi nilang corrupt; wala naman nakikitang gastos sa luho,
aní ni Patricia. Sa underpass na binabaan ng rehas, umaalingawngaw ang
magkahalong mangha, simpatiya, at pangamba ng tagapagmasid. Lapát ang

plywood sa salamin ng ilang bulwagan ng building. Biglang tumunog ang disco
ringtone ni Sandra. Nagsayawan ang mga raliyista sa entablado. Nagbuntong-
hininga si Alfred, Wala na tayong ginawa kundi magsikap, nakakasira lang sila.
Kumakalatok ang kanyang tasa sa pagtimpla. Wala namang solusyon,
nadadamay pa tayong wala namang reklamo,
sabay kagat sa kanyang club
sandwich. Nagyoyosi na si Sandra. Ibinaba ni Bong ang kanyang Marlboro
sa ashtray, Kung ako lang ang tatanungin, handa akong ipagpalit ang

ipinaglalaban nilang kalayaan, umunlad lang ang Pilipinas.
Sa labas, terorista
ang paratang ng isang biyuda kay Gloria. Paghigop ni Alfred, Dapat patawarin
na lang natin, bigyan ng pagkakataon.
Galing pang probinsiya ang maraming
nagsidalo. Di matiis ni Sandra: Kung gusto nila ng People Power, tayo ang
isama,
hiyawan sa kapihan at sa kalsada, Pero sorry ha, pagod na kami.
Rinig sa loob ang pagdating ng elikopter. Tayong nagbabayad ng buwis ang
kawawa pag nagkagulo,
bulalas ni Patricia, Pati ang media, panay ang

coverage sa mga kulang sa pansin!
Pinunasan ni Alfred ang labis na
mayonnaise sa kanyang labi, Ayaw talaga tayo tigilan! Naiinis na si Patriciang
nagpapanyo ng oil remover sa ilong, Parepareho lang silang ipokrito, tamaan
sana sila ng kidlat!
Biglang nagtambol ng babala ang kabubuklod na pulis gamit
ang batuta at kalasag. Sa akin lang, ibigay na kay Gloria ang gusto niya,
tumayo sa paligid ni Alfred ang nagsisiusisang kostomer, kung sakit ng ulo
ang kanyang kursunada.
Itinutulak ng dagat ng uniporme ang mga aktibista.

Mahal natin ang Pilipinas, walang kurap na saad ni Bong habang umabot na sa
dagundong ang kiskisan, Kaunlaran lang, wala akong pakialam sinong nakaupo
sa Malakanyang.
Tagos sa salamin ang sigawan at gulo ng pukpukan. Tama si
Bong, maraming trabaho diyan basta huwag lang mapili,
pinatay ni Sandra ang
kanyang yosi, Lahat may pagkakataong yumaman. Higit na makinang ang
diyamante ng kanyang singsing sa gabi. Napuno ng abo ang ashtray, ng ulilang
bimpo at tsinelas ang tumahimik nang Ayalang muling binabakuran ng bituin.


Maaamoy Mo na ang Maynila

Bumubusina ang bangaw na bus, nakapara sa kanto kahit
sinardinas na ang nakatayong mga pasahero. Nakatakip ang ilong
ng ale, ang ilan napapaidlip o taimtim na nagrorosaryo, namamaypay
habang nakikisiksik ang amoy ng bagong lutong mani. Malakas ang
tugtog ng katabing dyip, minsan nasasapawan ng videoke. Umuungol
ang elepanteng tren sa ibayo. Naglalaro ang magkaibigang paslit,
may saping bimpo, dinaraanan ng sumisingit na motor habang
nagpapatintero ang mga tumatawid. Alun-alon ang init. Sumisilip ang
grapiti at lumot sa ilalim ng pintura ng bakod, tila nalulusaw. Habang
dumadapudapo ang bubuyog ng balita buhat sa radyo, kumakapal
sa ulirat ang laralarawan ng siyudad. Naglalatag ng lawa ng limot
ang usok. May panibagong eskandalo sa konggreso at palasyo.
Sumasayaw ang nagtatrapik sa mga motoristang tumititig sa nakabrip
at panty sa billboard. Sayaw sa upuan ang halinhinan ng kapangyarihan.
May sumasalok ng pang-inom sa nag-ipong tubig sa lubak. Para sa iilang
puwesto, halos magpatayan ang mga angkan. Natutulog sa diyaryo
ang sanggol sa hagdan ng istasyon. Bawat kalabit, may kickback.
Sa kabilang lungsod, naglabas ng pamalong tubo ang nanghahamong
kunduktor. May nagtext na bakit di na lang sunugin ang batasan.
Nakaposte ang mga bugaw sa harap ng lumang sinehan. Tinutugis at
sinisiraan ang mga witness ng katiwalian ng mga pulitikong tatlo
ang biyak sa dila at amoy kanal ang hininga. Bitakbitak ang kalsadang
nagmukha nang mapa, makapal na balát ng buwaya, ahas, at bayawak.
Buholbuhol ang trapik. May isang trak punô ng manggagawang nilampasan
ng limang pickup at tatlong motor na eskort ng mayor na mas mabilis pa
sa ambulansiya. Laging bago ang babala sa kalsada: Safety precautions:
mag-ingat sa mandurukot Mag-abang sa bangketa, huwag sa kalsada No
jaywalking Walang sakayan at babaan dito Bawal ang tambay Bawal
matulog dito! Bawal ang tao dito! Bawal tumawid dito, nakamamatay!
Sumalubong ang apat na dyip di mula sa usok at kaguluhan ng kalye,
kundi mula sa ilalim ng lupa: apat na mangangabayo ng kamatayan.
Walang panganib na makagagalaw sa buhay ng firstgentleman. Sa kanyang
tingin at asta. Natatalpog sa sariling apoy ang mga nakahubad sa tabloyd.
Nabubulok nang buháy ang lungsod. Tulad ng haluhalong tsismis at
kuwentong naghahabulan at nadadapa sa mabulahaw na mall, di maubos
ang alingasaw at alingasngas patungkol sa makapangyarihang may alyas.
Walang patid ang lubid ng pagkakasangkot. May balitang bomb threat at
assassination attempt ngunit kampante pa rin ang anak, tiyuhin, bayaw, kapatid,
biyenan, kumare, kaklase, pinsan, ninang, at crony ng pinagtatangkaan.
May wagwagan bawat kanto. Parang ukayukay ang gobyerno. Wala pa ring
tatalo sa pila ng lotto. Nakalulunod ang luha sa takilya at sa buhay
pelikula ng mga artista, ngunit tuyo na ang lahat ng kalsadang nag-aapoy.


Demolisyon

Hindi sila makatulog pag natunugang
may darating na magdedemolish.
Minsan isang linggo ang banta, minsan
isang buwan. Nakabarikada ang bato,
sako, at yero. Amoy bagyo ang kaluskos ng dahon.

May sunog na naman dito sa Makati. Dumaragsa
ang mga bumbero sa malalaki nilang trak,
nag-iiwan ng init sa pandinig ang nagliliyab
na pagwangwang. Nagtutumpukan ang mga tao,
pinagmamasdan ang usok at pagkulumpon ng sasakyan,
naninikip ang dibdib sa kaba. Sa gitna ng madla
at trapik, nakahinto lahat. Walang bukas ang sakuna.

Mukhang initak sa tagiliran ang inabandonang
bahay sa bingit ng pinalapad na kalsada.
Tinangay na ang lumuwang muwebles, ang punit
na linolyum, ang ginupit na mga kable.
Nakausli sa kongkreto ang baras.
Walang lumilipad na saranggola sa ibabaw
ng bagong palitada. Nakangiwi ang ulap,
di magawang ulanan ang kapipinturang lampara
at likatlikat na linyang bakas ng nagsilikas.

Bago pa naubos ang usok, kumalat ang balitang
di aksidente ang kalilipas na sunog. Isinagawa
ng maylupa. Tinatangay ngayon ng ulan
ang labí at abo. Nagbabadya ang kulog, kumikisaw
ang dagundong sa umaakyat na baha.
Hinahampas ng hangin ang niyog, hinuhugot
sa ugat. May lumulutang na tustang tsinelas.

Pasan ang kama, lamesa, at upuan, nilisan
nila ang mga tahanang winasak at tinungkab.
Bagong ani ng bulldozer. Kumikinang ang bubog
sa pagitan ng alambre sa bakod. Walang maipakitang
titulo ang mga pinalayas kundi kalyo at paltos.

Halos linggolinggong nagititrik ng tolda at kandila sa kalye
ng Pasong Tirad. Malapiyesta ang pulutong ng nakikiramay
o nakikipusoy. Wala nang pumupuslit na daing o luha,
binigyang lunas ng ulan. Ang sugat na lamang ng lubak
ang nagkikimkim ng baha. Lumipas na ang punebre ng bagyo.
Tinatahi ng tutubing-karayom ang katahimikan, yumayari
ng basahan ng liwanag na tinatastas ng pilít na halakhak.

Tumutulo muli ang dugong kalawang mula sa sulambi.
Dumadaloy ang ulan sa dingding, tinatawid ang lumot.
Pauwi na ang mga mag-aaral, tumatakbo nang makasukob.
May natitira pang ningas ang initsang yosi sa daan.
Teknikolor ang ilaw sa loob ng dyip. Nag-ipon ang basang
buhangin at graba sa ilalim ng tulay, sa bakanteng lote,
sa gilid ng ilog. Nakaparada ang karitong kaninang itinutulak
sa may riles lulan ang saging at mais, mangga, santan,
timba at laruan, lagas na diyaryo at basyong bote, plastik
at lata, tiratirang ulam, latanglatang katawan ng giniginaw na bata.


Araw Gabi

11:58

Gumagapang ang anino sa dingding,
gagambang ginambala ng hangin.
Maghahatinggabi, tumutulo ang tubig
sa lababo ng katahimikan.
Pumapatak ang mga sandali, dumadaloy
patungo sa di nababawing panaginip.
Nagbubuhangin ang aking oras,
idinidikdik ng bumibigat na kumpas,
nag-iipon na pulbong tinitikman
ng yumuyukong butiking tumitiktik.

Ilang minuto, ilang araw at linggo
ganitong napapatigil, napapatunganga
sa dyip, opisina, almasen, at simbahan
tulad ng pagtitig sa salaming
walang ibinabalik? Laging may simoy
na kumakaluskos sa mga dahon:
sinasalat ng aking mga daliri ang mga bagay
habang nilulusong ang kalsada
ng tao, busina, alikabok, at etiketa.
Ngunit sa bawat pag-uwi di mawari
kung ano ang nadama. Laging dumadapo
ang kutob na sa bawat umagang lumubog
papalayo nang papalayo ang aking anino,
ang aking kamay sa pinto.

07:15

Bumubusina na ang basurero. Isa-isang
ilusot ang mga butones ng polo, higpitan
ang relo sa pulso at kurbata sa kuwelyo.
Hiwaan ng hati ang buhok habang hinihiwalay
ang sariling para lamang sa trabaho. Itupi at ibulsa
ang tinig kasama ng inalmirol na panyo.

Ilaklak ang kape habang linalanghap
ang umaga sa isang buntonghininga. Wala nang
oras umupo sa almusal. Pagsilip sa bintana,
sumasayaw ang sinag sa dahon ng bugambilya.
Walang bihis ang liwanag na binabati ng huni,
walang sukat na awit ng maya. Sumasabit sa tinik
ng bulaklak ang aking lalamunan. Paglampas
ng tarangkahan, nakaalis na ang mga tagahakot.
Tangay ng trak pati ang aking lakas na lumingon.

2:06

Sinusundan ang yapak at yabag ng dumaraang tao,
ang nalalagas na mga salita habang sunudsunod
na pinapatay ang sindi ng mga tindahan.
Para akong dayong nag-aabang ng kapalaran
sa mangilan-ngilang upuan ng kapihan, di maalala
ang pagkakapadpad. Isinusulat sa napkin
ang bulong ng simoy, ang hiling ng usok,
ang pahimakas ng dahong tinangay ng humarurot.
Kumakalansing ang inililigpit na kubyertos,
sumasagi sa platito, sa tasang pinaglatakan
ng kape. Lumulutang sa maulap na himpapawid
ang mga bituin tulad ng múmo sa sabontubig.

Namimitig ang binti ng lamesa. May pingas
ang baso, mapait na lasang naiwan sa bibig:
panis na pag-asang pinangako ng umaga
pagkagising. Walang kahulugang taglay o maikukubli
ang natitirang ilaw ng siyudad na nababasag.
Dumarating ang agam-agam tulad ng madalang
na sasakyan. Para akong palitadang di alam
kung anong dumaraan, nararamdamang dumadagan.

12:10

Please flush the toilet after use. Properly dispose tissue
paper in the trash bin. Turn the lights off as you leave.

Pagtingin sa salamin, walang nakikita kundi ang laman
ng banyo ng kapihan, ang ilaw ng bumbilyang kumikinang
sa baldosa. Isa-isang bumabalik ang tila pinagdugtong-dugtong
na mata, ilong, bibig. Sandaling iniwan ang opisina
para mananghalian, nangangawit pa rin ang aking isip.
Paglabas, kulay plema ang araw sa lalamunan
ng tabitabing gusali. Paglingon sa kabilang lamesa,
binugahan ng usok ng sigarilyo ang aking mukha.

Pinaiigting ang init ng tanghali ng garalgal
ng motor at lutóng ng malapapeles na pag-uusap.
Napupusyaw ng ingay ng negosasyon, miting, at tsismis
ang kulay ng kotse, kurbata, at pananamit. Abuhin
pati ang lumiligidligid na sulyap, mapagkuwentang
mga tingin. Hanggang dito kaharap ko pa rin ang iskrin.
Nalalasahan ang spaghetti ng naipulupot kong dila,
nilulunok ang naiwang lasa ng pakutkutkutkot na pananalita. Dahil
kahit karton, goma, at plastik, wala na akong di kayang nguyain.
Natutuhan ko na ring paliitin ang tinig at patalasin ang ngipin.

1:46

Sinisinat ang buwan. Pinipilit matulog ngunit ginigising
ng ngaligkig. Nasasagi ng anino ng pusa ang taob
na palanggana. Sinusundan ng langgam ang bakas ng bahaw
samantalang tinutugaygay ng tubig ang maselang hita
ng naaagnas na bakod. Nabubulabog ng kalantog
ng pagdududa ang pagtulog ng aso. Mabalahibo
ang alunignig. Pinupunit ng paniki ang nisnis
na alpombrang sinusulsi muli ng kaluskos sa kalsada.
Umuungol ang alkantarilya sa ilalim ng lupa
habang dumaraan ang nanginginaing ulap.

Walang paglingap ang gabi, ngunit di mahirap matisod
ang landas papunta sa sariling dumadaloy sa ilog
ng buwan, sumasabit sa lubid ng kuryenteng iniwan
sa hangin ng sasakyan, tinutunton ng tulirong kulisap
sa paligid ng liwanag. Walang laman ang baul ng dilim
kundi ang manipis na telang hinabi ng kilos ng daigdig.

5:45

Naghuhumiyaw ang mga tandang. Di lang tigatlo
ang tilaok kundi tatlong libo. Ginigising ang siyudad
na itinatwa ang sarili magdamag. Tinig ng tila naliligaw
na ambulansiyang di mahanap ang nasagasaan.
Bago pumasok sa building ng opisina, tumitig sandali
sa salamin, huminga ng sariwang hangin.
Di inaasahang maaninaw ang larawan ng sarili nang dumaan
sa loob ang isang mamang nakaitim. Sa labas ng mall
matapos ang trabaho, nagisnang kinakain ng panghukay
na makina ang lupa. Proyektong dudugtong sa almasen.

Magaspang ang tunog ng hinahalong kongkreto.
Tumitilapon ang graba. Sumisigabo ang dumi
mula sa durog na dingding ng dating nakatayong gusali.
Nagmamartilyo ang init. Nagmamadali papuntang grocery,
napatigil nang sandaling nasilayan sa likod ng alikabok
ang kumikinang na lamat na nagkalat sa salamin
ng liwanag. Basag tulad ng umagang binati ng tandang,
biyakbiyak tulad ng aking kapanatagang kinilatis
ng walang patawad na sinag. Nagmistulang kalansay
at buto ang nilampasang bundok ng batong panambak.
Lumabas sa aking pandinig ang nag-ipong buhangin.

3:59

Nagpapalimos ang isang kamay ng orasan
habang ang kabila’y nagmamaang-maangan.
Nangangatog ang mga haligi ng bahay, nirarayuma
ang mga dingding. Ngalumata ang natitirang bukás
na bintana. Kaninang alas singko sa dyip, naghalo
sa dalumat ang lamig ng iniwang opisina at ang usok
ng nagbarang trapik. Takip ng aking katabi
ang kanyang mukha. Umuwi akong may galos sa dibdib.
Gasgas ang hininga ng hanging kumaladkad
sa palapalaspas na dahon. Tuyo ang huni ng mga ibon.

Gumising ako kanikanina mula sa panaginip ng nililipad
na papeles, diyaryo, resibo, at kaha ng sigarilyong
nagbubunton sa paanan ng muhon. Sa tabi nito ang mabigat
at mabagal na Pasig na dumadaloy sa guniguning
walang lagusan palabas ng lungsod. Pagbangon
at pagpunta sa banyo, nakitang nagsilabasan ang alupihit,
limatik, at ipis. May biyak na kawangis ng gagamba
ang seramikong baldosa. Habang naghihilamos,
tila may ibinubulong ang lamok sa aking tainga. Di ko
matandaan saan nailapag ang aking susi, barya, panyo,
at pitaka. Di mahalukay sa basurang ibinalik ng ilog ng alaala.

12:00

Hindi na tinalop ang katawan ng patay
na daga sa daan. Pisampisa, tila manggang
sumabog ang laman at naiwan na lamang
ang mabuhok na butong dinugtungan ng buntot.
Napagod na siguro sa kahahanap ng pintuang
matatakasan sa labarinto ng lungsod.

Humimpil at suminghap ng mausok
na hanging walang alam na kaliwa o kanan.
Tumigil sa karipas ng karera, sinagasaan.


Ako at Ikaw

Binabaan mo ako ng telepono, sa pagkukunwari sa katabi mong nobyo na hindi ako ako. Na kaibigan ako ng kapatid mo, na dati akong bisita sa bahay ninyo. Iba ang iyong sinambit sa naisingit mong mga bulong, "May tao dito..." Binuksan at ibinagsak mo pa nga ang pinto para tanungin ang natutulog mong kapatid. Kahit ako akala ko ibang tao na rin ako. Nakisakay at ibinaba ang telepono sa ikalawa kong tawag. Nakisama sa mga anino sa aking kuwartong pinid ang bibig dahil walang nauunawaan, hindi alam kung paano sila naging anino, kung bakit pagbukas ng ilaw, bigla silang naglalaho.


May Buhay sa Kalungsuran

Pumulupot ang buntot ng saranggola sa kawad,
nalagot ang hininga. Kulay lila ang langit.
Mula sa tinik ng alambre, dumapo ang maya
sa pasamano ng aking bintana, mag-isang sumisiyap.
Kumikinang ang kinakalawang na yero ng bubungan.

Nalalagas ang dilaw na bulaklak sa daan,
natatalsikan ng tumatagas na langis. Pagkalabas ng bahay,
biglabiglang umulan, walang preno sa kalagitnaan ng Abril.
Iniwang gusutgusot ang panaginip sa kubrekama,
ang iyong alaala sa kumot na naisipa sa sahig.

Nakadantay ang mga silahis sa dahon ng sampalok,
untiunting tumitiklop. Kay raming nais ko pa sa iyo sabihin
ngunit itinutupi na ng hapon ang liham ng himpapawid.
Huling larawan ng araw sa kanyang pinakamarikit,
taglay ang katiyakang di ka na babalik.


Ikaw na Pumaslang

Sumusugod ang mga sasakyan sa harap ng bantayog
ni Gabriela Silang. Nakadamba ang kanyang kabayo,
nakawasiwas ang kanyang sundang. Ngunit imbes na galos,
ipot ang gumuguhit sa tagiliran. Bihirang tumingala
ang mga dumaraan kung maalala man nila ang pangalan
ng nakabestidang mandirigma. Nagtatambol ang liwanag.

Nagliliyab ang bugambilya sa paligid ngayong bumabangon
ang siyudad. Hinihiwa ng bolo ni Andres Bonifacio ang sinag.
Sumusulong ang nag-aapurang mga kotse lampas sa pinuno
ng himagsikan. Di pa nakasindi ang neon na watawat
ng mga gusali, buong sigasig na winawagayway ang mga etiketa.
Sinisisid ng kalapati ang kawalan mula sa rurok ng building.

Bumababa si Ninoy Aquino mula sa eroplano, sinasalubong
ng usok at pagkayamot. Walang humihimpil sa kanyang rebulto,
dumadapo ang bangaw sa balikat at noo. Patuloy siyang
pinapaslang ng limot. Nilulubog ng araw ang mga daliri
ng silahis sa ilalim ng aspalto, inuungkat ang singaw,
ang buntonghiningang nag-ipon kahapon sa mga opisina

at lumusot sa lupa. Hinahamon ng estatwa ng sultan ng Kudarat
ang mga mananakop ng nakaraan samantalang dumadaluhong
ang mga empleyado. Hinahalughog ng barumbadong bus ang antok.
Binubundol ng dyip ang himutok. Araw-araw nabubuo at lumulugso
ang lungsod. Nagdidikta ng oras ang mga anino ng bayaning
tanso, sumusunod sa sikat. Kapuwa aliping bihag ng siyudad.