Showing posts with label Pag-ibig at Pananalig. Show all posts
Showing posts with label Pag-ibig at Pananalig. Show all posts

Wednesday, September 14, 2016

Eksena

Ni Miguel Paolo Celestial


Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit
sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat
na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan
at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una.
Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras,
marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit
ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, susulyapan ako patagilid ng sekyu.
Pipindutin ko ang elebador tulad ng pagpindot ng microwave
na nagpapainit sa anumang lumamig. Dadaan tayo sa pasilyo
ng magkakamukhang pinto. Minsan, di ko maaalala ang iyong pangalan,
ang kalsada lamang at kung paano makarating sa iyong tirahan.

Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid,
nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson
sa sahig at may dalawang double-deck: higit na sapat sa kalahating
oras ng pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong
buy-one-take-three. Kapag natapos na ang lahat aabután mo ako ng isang
baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati, Nag-enjoy ka rin ba?
at ang isasagot ko uli ay Matagal na ba kayong dito nakatira?

Thursday, June 30, 2016

Pasada

Ni Miguel Paolo Celestial


Habang nag-aabang sa estayson, sinalubong ako ng treng lumusong
sa dilim. Taimtim ang bumbilyang nakadilat kahit bulag. Sumayad

ang sasakyan bago tuluyang tumigil. Magkabila ang upuan, nakatitig
ang mga pasahero sa mga espasyo at sa bintanang dumidilim

at lumiliwanag. Nilalampasan ang mga bus at kotse, ang matatayog
na gusali, ang barumbarong ng bilbord na di maaninag sa mabagal

na agos ng ilog. Tulad ng sakay, labas-pasok ang alaala ng nakalipas
at nakaraan. Isa-isang bumababa at nag-aabang sa kalsada, mga ligaw

at limót na kaluluwa. Sa dulo ng biyahe, walang naiiwan kundi
ang alingawngaw ng gabi sa dibdib, ang nakalatag na riles

na nakakapit hanggang sa siyudad ng panaginip. Punô ng sakay
ang FX, tig-isang sulok ng dilim. Inaabót dati lagi ng gabi ang aking

biyahe papunta sa iyong apartment. Sa dinami-dami ng nakatabi,
ng mga nakitang tumatawid habang nakapreno ang sasakyan, naiinip,

ang mukha mo lamang ang natitirang larawan na di binabawi
ng paglubog ng araw. Hanggang sa pagpara ko sa kanto ng Mayon

at Makiling, hanggang sa pananabik habang naglalakad bago kumatok
at tumimbre sa tarangkahan, hanggang sa hapon na iyon nang wala akong

natanggap na tugon mula sa iyo sa aking selepono. Inaamag ang gunita
sa taxi, nakakapit sa marungis na apholstri. Nakadikit sa kutson

ang pinaghalo nating pawis at limahid ng magkakasunod na gabi
ng pakikipagtalik, ang lagkit ng ating panlilígaw at ang lamig

ng ating pagkaligáw nang di ko man lamang masabi sa iyo, katabi sa kotse,
ang di maipaliwanag na mingaw. Sa text pinaabót ang di magkaabot-abot.

Nagsimula nang dumaloy ang ulan sa salamin, kumikinang sa pulang
ilaw ng stoplight. Di ko magawang lumingon. Pinakapal ang dumi

ng tela sa upuan ng gunam-gunam. Hugis pasâ ang mga mantsa,
sunóg sa gilid. Kulang na lang ay buksan ko ang pinto at maglaho.

Bihirang panis ang tsismis ng panibagong tsuper. Habang nakikinig
sa radyo at sa kanyang kuwento, sinasalat ko ang kurduroy, binibilang

ang laktaw sa pagitan ng dati kong katabing laging kasabay pauwi.
Hinahanap ng mga daliri ang kilalang gaspang at kinis. Natatagpuan

lámang ang hiwang nagluluwa ng goma. Lagi akong umuupo
sa may bintana ng bus. Tuwing ginagabi at walang trapik,

humaharurot ang sasakyan at wala akong naririnig kundi ang hangin.
Nagsasanib ang ilaw ng mga kondominyum at opisina. Walang sinlinaw

ang kinang ng buwan. Nakasuksok sa likod ng upuan ang binilot at itinuping
ticket, ang nanuyo at nanigas na babolgam. Nakatalâ sa likod ng sandalan

ang mga pangalan ng pasahero, pangako ng pag-ibig. Tinatangay
ng hangin ang singaw ng anghit, ang bantot ng nabubulok na kahoy.

Walang laman ang abenida, parang patlang sa gitna ng buntonghininga.
Biglang may tumabi sa akin at napahawak ako sa sariling bulsa.

Ngunit di man lang siya lumingon o sumilip sa bintana. Ipinikit
ang mga mata hanggang nilapitan ng kunduktor at siningil ng bayad.



Saturday, October 17, 2015

Katawan ng Liwanag

Ni Miguel Paolo Celestial


Mata

Maghapon sa isang sulok ng silid: malalagas ang dahon ng sampalok,
lulusot ang silahis sa salamin. Lumulubog ang araw sa laot, lumilipad
ang kalapati pauwi. Nananatili ang iyong tingin kahit sa pagdilim
ng tubig, kahit sa kinang ng luhang sinlaki ng dagat pagpikit.



Noo

Walang sinlawak ang abot-tanaw ng pamamaalam at ang pinaka huling bakas
ay tatak ng labì sa balat, nananatili tulad ng lamlam ng lampara sa gunita,
init sa ilalim ng kubrekama. Magkasabay nating tiningala ang langit.
Sa isang haplos, napawi ang mga ulap. Nagsanib ang ating panganorin.



Pisngi

Nauunang sumikat ang liwanag sa iyong mukha. Bumabangon
ang parang sa huni ng maryakapra. Hinahaplos ng hangin ang inaantok
na damuhan. Kulay kalimbahin ang langit na unti-unting lumalawak
at umiinit. Mamumula ang bakas ng halik bago sumilay ang ngiti.



Tainga

Kung alam ko sana ang sasabihin para matawid ang dilim sa pagitan
natin. Walang laman ang katahimikan tulad ng mabatong dalampasigan:
bagong káti, nagkalat ang basag na korales. Sisiksik ako sa iyong tabi,
ngunit lalo kang lalayo sa aking piling. Nalulusaw ang bulong sa buhangin.



Labì

Magkasunod ang kidlat at kulog, ang paghiwa at panginginig.
Pagbiyak natin ng talaba, kakagatin ang laman, masusugatan. Nagliliyab
ang bugambilya sa pugad ng tinik, ngunit di natutupok ang bulaklak.
Walang dumadanak kahit anong talas ng ating paglalambing.



Leeg

Humihimbing ang hardin. Dumudulas ang dila sa pawis. Lumalalim ang hininga,
humihigpit ang kapit. Pagpikit, guguhit sa balat ang kidlat. Sisikip ang yakap
ng dilim at langit. Maglalaho ang hiwa ng buwan. Namumuo sa lupa ang di makasingaw
na alimuom. Humihigop, humuhugot ang mga halik. Dumadaloy sa salamin ang tubig.



Likod

Walang pakpak ang iyong mga hilik na naririnig mula sa aking panig
ng kama. Walang takas ang anumang natitirang galit sa aking dibdib na ilalapat
sa iyong balat. Iisa ang ating anino sa silid, iisa ang puder ng pintig.
Nakadantay ang panunggab at pananggalang na biyas at bisig. Sa’yo nagpadaig.


Thursday, June 7, 2012

Tsubibo

Ni Miguel Paolo Celestial


Umangkas tayo sa tsubibong hugis pugita
matapos ng apat o lima pang sakay na lumusong
sa kuweba, gumulong parang bisikleta, at bumulusok
mula sa tuktok ng burol. Umikot at uminog
ang tsubibo tulad ng turumpong patuloy
na pumipihit. Nakapakò ang ating titig sa isa't isa.
Habang lumulubog at pumapaibabaw ang sasakyan,
kumikinang at pumupusyaw ang mga araw
sa iyong mga mata, sintingkad ng etiketa.

Pagbaba, umiikot pa rin ang perya, ang mga tao,
pati ang nahanap nating upuan. Sabay tayong
napaduwal, nalasahan ang pinagsaluhang
hapunan. Ngunit pagtayo at pagpunas ng panyo,
ayaw matanggal ang asim sa aking lalamunan.
Sumabit ang galamay ng asido. Patuloy na sinusunog
ng bituin ang dilim. Hindi ko alam kung iyon
ang huling gabing nagningning ang iyong pagtingin.

Sunday, May 20, 2012

Ondoy

Ni Miguel Paolo Celestial


Umiikot ang bentilador sa restawran sa ibaba.
Dumaraan ang mga tao, pinapanood ng mga naghahapunan.
Lumipas na ang tag-ulan. Napagmamasdan ko na ngayon
ang paglampas ng oras: ang pila sa pelikula, ang mga sandali
bago ng palabas. Ngunit bumabalik pa rin ang eksena
ng humahampas na bagyo, ang ating mga pisnging
naaampiyasan. Ang pagmasid nang hubad mula sa balkonahe,
mula sa kama, mula sa kotseng muntik nang tumirik sa bahâ.

Nagbubulatlat ako ng diyaryo tuwing umaahon ang umaga.
Hinihintay pumatak lahat ng kape sa salaan, mag-isang
humaharap sa hapag. Walang ulap ang liwanag
ngunit di ko na maalala ang mga linya ng iyong mukha,
di na mabása tulad ng mga librong tinigmak ng putik –
tinatago-tago at ayaw ibilad. Ayaw itapon kahit di na maisasalba.
Lusaw ang mga pahina, nagkadikit-dikit ang mga pangungusap.
Di ko inasahang mahalin ka. Nahugasan na ang lagkit
sa aking kuwarto mula sa umapaw na tubig galing banyo,
ngunit di pa rin natutuyo ang ating damit, ang mga halik.
Ang luhang di ko mapunasan dahil nanatili sa dibdib.

Saturday, May 5, 2012

Bitin

Ni Miguel Paolo Celestial


Iniwan mo ako sa laot na walang sagwan.
Walang hangin at walang alon. Tumigil
ang manunugtog bago bumalik sa koro.
Paano ko malalaman anong susunod?

Wednesday, April 27, 2011

Anibersaryo

Ni Miguel Paolo Celestial

Lumubog ang aking tsinelas sa putik at doon ko lamang napansin
ang hanging may dalang ambon. Naglalakad papunta

sa istasyon ng traysikel, sinalubong ako ng lamig ng paparating na bagyo.
Kanina, mula sa aking upuan sa bus, sunod-sunod na natatabig

ng siko, bag, braso. Ngayo’y lumulusot lamang ang biglang sumalakay
na lamig. Bumalik ang lungkot na inuwi ilang buwan nang nakaraan,

tinatahak ang malapad na kalsadang singdilim. Lumalim dahil humiling
ka ng puwang. Sinulsulan ng simoy ang lagas na dahon ng akasya

at naalala ko noong tinalikuran mo ako dahil di ka makatulog,
dahil nasanay ka nang mag-isa sa iyong kama kasama ang librong

isinasara bago patayin ang ilaw, bago itabi ang antipara sa lamesita.
Pagsilong ko sa anino ng punò, iniwan ako ng aking mga bakas,

tulad ng mga sandaling patuloy na lumipas noong gabing una kitang
nakatabi magdamag. Kumaripas ng takbo ang mga sasakyan,

papalayo nang papalayo hanggang makarating sa aking kasalukuyang
kinatatayuan. Di ka pa rin natatagpuan. Di ko pa rin nahahanap

ang iyong palad mula noong huling gabi sa sinehan
nang hinimas mo lamang ang aking tuhod bilang tugon

                                                                  sa dilim na naiwan sa aking upuan.

Thursday, December 30, 2010

Ako at Ikaw

Ni Miguel Paolo Celestial

Binabaan mo ako ng telepono, sa pagkukunwari sa katabi mong nobyo na hindi ako ako. Na kaibigan ako ng kapatid mo, na dati akong bisita sa bahay ninyo. Iba ang iyong sinambit sa naisingit mong mga bulong: May tao dito... Binuksan at ibinagsak mo pa nga ang pinto para tanungin ang natutulog mong kapatid. Kahit ako akala ko ibang tao na rin ako. Nakisakay at ibinaba ang telepono sa ikalawa kong tawag. Nakisama sa mga anino sa aking kuwartong pinid ang bibig dahil walang nauunawaan, hindi alam kung paano sila naging anino, kung bakit pagbukas ng ilaw, bigla silang naglalaho.


Lumabas sa High Chair Poetry Journal, 2008

Saturday, May 15, 2010

Tuwing Umuulan at Kapiling Ka

Ni Miguel Paolo Celestial


Humahampas ang bagyo, di tayo magkarinigan.
Ilang pintig ang inagaw ng kulog. Sinasalat ko sa dilim
ang iyong pulso. Di mo pinapansin, haplos ng anino.

Walang makita sa kalsada, nakatirik ang trapik.
Kumikinang ang bintana sa dumadaloy na ulan.
Nalulunod ang busina. Marungis ang larawan sa salamin.

Pagharap ko muli sa silid, walang nasisilayan sa biglang
liwanag ng kidlat. Makapal pa ang putik sa baha
kaysa sa alaalang bumabalik lamang tuwing sakuna.