Showing posts with label bayan. Show all posts
Showing posts with label bayan. Show all posts

Wednesday, May 30, 2012

Ang Paglilitis kay Renato Corona


Ni Miguel Paolo Celestial

Nangyari na nga ang inaasahan at hinamon ng butiki
ang palaka, ang ahas, ang bayawak, at ang buwayang
ibulgar ang kanilang kaliskis, ang kulugo at lagkit,
ang biyak na dila, ang kamandag sa balat at pangil.

Nangyari ang inaasahan at ibinalik ng butiki ang paratang
sa mga tagapaglitis na nakabihis lahat sa bátang kulay
alak. Hinamon ng punòng mahistrado ng kataas-taasang
hukuman ang kagalang-galang na mga mambabatas

na hubarin ang salamin at ipakita ang matang nanlilisik:
pabulaanan ang mga hinala sa laki at laman ng pugad,
sa mga dinaklot na itlog at dinukot na manok. Pasinungalingan
sa taumbayan ang alingasngas na gumagapang at lumulundag.

Nangyari na nga ang inaasahan at ipinanturo ng butiki
ang kanyang dila dahil nang tinagâ ang kanyang buntot,
wala nang pumalit. Di maalis sa kisame ang kamay
at paang malapit nang mawalan ng kapit. Pilit minaliit

ang paglamutak sa gagamba at lamok. Ngunit walang
luhang maipiga, walang tumulo sa makapal na katad.
Napukaw ang bulwagan ng sagitsit at kokak, napanganga
ang mga bungangang punô ng matatalas na ngipin.

Nangyari na nga ang inaasahan sa mga pinagbintangang
mambabatas: natuyo ang laway ng ahas, tumahimik
ang buwaya, at nagpigil ng hininga ang palaka.
Nangyari ang inaasahan at pumalakpak ang madla.

Sunday, December 18, 2011

Pauwi

Ni Miguel Paolo Celestial


Bumaba ka sa gitna ng kalsada
dahil nagkamali ka ng sakay ng dyip.
Ikaw na lamang ang natira sa biyahe
nang napansin mong iba na ang ruta.

Nag-aalala kang baka may nakasunod
mula sa safehouse, kahit na makailang
beses mong pinagpag ang iyong daan:
tatlong ulit bumalik sa tindahan sa kanto,
dalawa sa may talyer, at isa sa sakayan.

Tatawid ka na sana kung di ka sinalubong
ng umuungol na trak. Wala kang kasama sa kalye,
pero nangangamba kang isuplong kahit ng dilim.

Di dapat umabot ng ilang oras ang miting
ngunit kailangan pag-usapan ang pagkakahuli ng kasama.
At habang nililinaw ang mga suspetsa, ang oras at lugar,
doon mo lang narinig ang tunay niyang pangalan,
lumusot sa bumibigat na lambat ng mga salita.
Namumutla na ang namumula't namumugtong mata.

Biglang lumitaw sa iyong isip ang eksena ng pagdakip:
sa palengke, sa dinadayong beerhouse,
sa eskinitang di inaasahang magbubulgar ng lihim.
Nilulon ng agam-agam ang iyong landas pauwi:

ang pasikot-sikot sa nakagawiang kalsada,
ang pag-iwas at pagtagos sa karaniwang daan.
Pagdating mo sa tarangkahan ng inuupahang
apartment, di na magkasya ang susi.
Tumalikod ka upang harapin ang umaga.
Di mo na makilala ang iyong sarili.

Saturday, June 25, 2011

Mula sa "Agaw-dilim, Agaw-liwanag" ni Lualhati Milan Abreu

Pabalik na ako sa aking kubo. Wala na akong kadena sa paa. Nanibago ako sa paglalakad. Bawat hakbang ay pinapakiramdaman ko, kinakatuwaan ko. Papalapit na ako sa mga kapwa ko bihag. Silang lahat ay nakamasid sa akin. Ako naman ay nakamasid rin sa kanila. Sa isang iglap, nagpalakpakan sila. Bigla kong naalala, dapat pala ay nakakadena pa ako, ayon sa usapan namin ng mga miyembro ng KT-KS. Nakalimutan naming lahat na ibalik ang aking kadena. Pero ngayon, napakatamis na awit ang dinig ko sa palakpak ng mga kasamang bihag at pinagdusa ng bangungot ng rebolusyon. At ngayon, sila ay sumisigaw:

"MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS! MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!"

Kasunod ng mataginting na pagbubunyi sa talibang organisasyon ng rebolusyong pinag-alayan naming lahat ng lahat-lahat, nagtayuan sila sa kanilang mga tarima, sa bato, sa lupa. Pumailanlang ang "Internasyonal". Nakiawit ako habang minamasid ang mga kamaong nakasuntok sa langit.

Kararating ko lang sa kubo nang may kasunod na akong guwardiya. May ibinulong sa espesyal na guwardiya namin. "Ikakadena ka muna uli. Alam mo naman daw ang rason. Luluwagan ko lang."

Masunurin naman akong sundalo lagi...

Saturday, April 9, 2011

Ang paglilitson ay trabahong maselan

Ni Jose F. Lacaba

Ang paglilitson ay trabahong maselan
at iwan mo na sa mga sanay, amang.
Bago iyang suot mong barong-Tagalog,
dudumi lamang kung ika'y mag-iikot
ng malangis na kawayang yapos-yapos
ng isang malangis at kinalbong baboy.
Baka rin naman ang abo ay masaboy
diyan sa gawi mo, at baka ang apoy
ay biglang magsiklab at ika'y madale.
Kaya manood ka na lamang diyan, hane?

Kami naman, amang, ay sinusuwelduhan;
pawis nami't libag ay binabayaran
para sumarap ang iyong kaarawan.
Hindi larong pambihira ang pag-ikot.
Ito'y trabaho, na may bayad ang pagod.
At kung gusto mo lamang ay maglaro,
maraming laro akong maituturo
na hindi mo man lang nababalitaan,
huwag lang ito na aming kabuhayan.
Lakad na sa loob, doon ka kailangan;
kami'y huwag agawan ng hirap, amang.


Mula sa 'Mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran'

Saturday, March 12, 2011

Kay Leonard Co

Ni Miguel Paolo Celestial

O mabunying kalupaan! Nasaan pa ang iyong dangal
Kung bundok mo’y mababa at ilog mo’y matumal?
Leonard Co



Walang mintis, káya niyang panglanan
ang mga halaman mula sa paanan
ng bundok hanggang gulugod — at pabalik.
Walang dawag at sukal na di kinilatis,

punong di inakyat, gubat na di binagtas.
Mula sa dahon, bulaklak, sanga, at ugat
humugot ng lunas para sa karamdaman
ng karaniwang mamamayan, ng taumbayan.

Hanggang sa hulí, nakalahad ang palad,
nakadipa tulad ng punong walang laban
nang tinutukan ng sundalong nagpaulan
ng bala at pumaslang sa guro at pantas.

Gaya ng ibang binhing pinitas nang di oras –
mag-aaral, aktibista, doktor, peryodista –
ganoon na lamang sinayang ang bunga
ng lubos na pagyabong at pamumulaklak.

Inuubos ang naiiwang nakikipagtuos
para sa dangal ng lupain. Ang bawat bayani
ay pinahahalik sa lupa ng mambubusabos,
ibig patahimikin. Ngunit paano mapapawi

ang ihip ng hangin kung mahahalinhan ng awit,
paano matutuyo ang ilog kung umaagos
mula sa bukal ang dugo? Kung tayo’y nakatindig,
sinong makatitibag at makapapatag ng bundok?

Tuesday, January 4, 2011

Samantalang May Sinasamantala

Ni Miguel Paolo Celestial

Paano, ang tanong mo,
maisusulat ang pulut-pukyutan ng liwanag
sa hamog ng bukang-liwayway,
ang huni at lagaslas ng tubig,
ang hanging bumubura ng dalumat
hanggang ang sarili’y magmistulang lambat—

paano, samantalang binabanat at hinuhukot
ng pabrika ang katawan ng manggagawa,
samantalang sinusugod ng sakuna
ang walang panangga habang binubulag
ng ilaw-dagitab ang siyudad, samantalang tumatagos
sa buto ang lamig ng makasariling lungsod:

samantalang may sinasamantalang
di man lamang makadungaw sa bintana
at magmasid, mamangha, at umawit
dahil walang laman ang sikmura,
pulubi’t palaboy ang mga anak,
at hindi na maibabalik ang oyayi ng inang
umuwi sa bansang bangkay na malamig.
Paano, ang tanong ko, maiiwasan ang himagsik?