Ni Miguel Paolo Celestial
Para akong nilalagnat, di mapakali. Nangangati ang talampakan, kinakati. Meron akong sakit na walang lunas. Para akong latak na iniwan ng baha, malagkit at mamasa-masa. Nauuna sa aking hininga ang kabog ng aking dibdib, di sa kaba kundi sa itim at matapang na kape. Di nauubos ang askal sa kalye, galisin at nagdadala ng rabis. May epidemyang dala ang ganitong mga gabing gutom, di maaaring mabusog.
. . . . . . . . .
Ipinagtabi niya ang aking sepilyo sa kanyang sepilyo, malapit sa hugasan ng pinggan, sa ikalawa kong bisita sa kanyang condo. Ngayon, makalipas ng tatlong pagtatagpo - umagang may halik sa pisngi at balikat - ilang araw na itong tuyo sa kinalalagyan. Hindi ko alam kung nabasa ang kanyang pisngi nung gabing tinalikuran ko siya at di na binalikan, nung pilit niyang pigilan ang daloy ng mga salita at nagmamakaawa ang katahimikan ng kanyang silid. Ilang araw nang nadadampian ng ambon ang aking paggising. Ilang araw nang puyat ang liwanag, di makabangon, di marunong humingi ng tawad.