Ni Miguel Paolo Celestial
Paano, ang tanong mo, 
maisusulat ang pulut-pukyutan ng liwanag 
sa hamog ng bukang-liwayway, 
ang huni at lagaslas ng tubig, 
ang hanging bumubura ng dalumat 
hanggang ang sarili’y magmistulang lambat—
paano, samantalang binabanat at hinuhukot
ng pabrika ang katawan ng manggagawa,
samantalang sinusugod ng sakuna 
ang walang panangga habang binubulag 
ng ilaw-dagitab ang siyudad, samantalang tumatagos 
sa buto ang lamig ng makasariling lungsod: 
samantalang may sinasamantalang 
di man lamang makadungaw sa bintana 
at magmasid, mamangha, at umawit 
dahil walang laman ang sikmura, 
pulubi’t palaboy ang mga anak, 
at hindi na maibabalik ang oyayi ng inang 
umuwi sa bansang bangkay na malamig. 
Paano, ang tanong ko, maiiwasan ang himagsik?
No comments:
Post a Comment