Ni Enrique S. Villasis
1.
10 AM
I hate this gene.
May sakit ako sa puso na minana pa sa aking nuno na nasa buwan na ngayon. Hindi sa takot akong mamatay, nakakaburat lang ‘tong komplikasyon. Bawal ang orgasm kaya bawal ang sex. Bawal din ang magtikol.
Kagabi palabas sa Channel 3 ang firs bold movie ni Tweety Cervantes. Nagawa niyang maghubad dahil hindi nagningning sa pagpapatwetums. Unang labas pa lang niya sa komeding “Togatoktoktoktoks” alam ko na wala na siyang ibang paglalagyan kundi ang paglalantad ng katawan. Sinundan pa ng teenage suspense-thriller flick na “Summer sa Bahay na Pula”, ganundin ang nangyari sa kanya – nagmukhang ekstra lang sa pelikula na ang tanging alam gawin ay magpakyut habang tinatadtad ng pino. Nakatlo na rin siya ng love team pero lagapak naman. Ang mga nakapareha niya sumikat nang iwan ang tambalan nila. Mahal lang talaga siya ng TV network na nagpasikat sa kanya kaya hindi nawawalan ng project. Produkto kasi ng “Artista Quest sa TV”. “Super Female Idol” pa nga ang binansag sa kanya, pero hindi kinagat ng masa. Kung tutuusin wala siyang star appeal para maging isang ganap na artista. Kahit pagkanta nasisintunado pa siya. Kahit pagsayaw nagkakamali ang kanya mga paa. Ang tanging ipagmamayabang niya ay ang kanyang kagandahan. Klasikal na Pilipina ang kanyang kagandahan. Tamang timpla ng kulay ng balat -hindi maputi gaya ng labanos, hindi ganun ka-tan gaya ng tanso. Tamang tama lang. Mga kakalibre ni Tweety ay sila Gloria Diaz, Melanie Marquez, Jacklyn Jose, Rio Diaz, Miriam Quiambao, Precious Quigaman, Delilah Santos, Stephanie Araneta, at Isabel Alvarez. Isa pang puwedeng ipagmalaki niya’y ang katawang ipinaglihi sa diyosa ng kagandahan. Sinong hindi maakit sa 37-24-36 na vital statistic? Tuod marahil. Kaya nang lumabas siya sa first issue ng “Basement”, na isang men’s magazine, nagkagulo ang lahat. Ito ang unang paglabas ni Tweety na naka-topless. Daring ko sa daring. Nagpaalam na siya sa pagiging wholesome. Pinasok na niya ang de-latang mundo ng show business.
To dream. To believe. To survive. Kailangang maghubad.
Dalawang oras kong pinagpantasyahan ang kadiyosahan ni Tweety. Dalawang oras na iniisip na ako ang kanyang karomansa. Ang mga labi niya sa labi ko, gumagawa ng ritmo ng pagnanasa. Dila sa dila. Hinahawakan ko ang kanyang kamay, at hindi ko pinakakawalaan. Tuloy sa pag-indayog. Tuloy sa mainit na pagtatalik.
Bad trip nga lang, bawal ang orgasm.
6 PM
Ginising ako ng init. Tatlong oras lang ang tulog ko. Binasa ng pawis ang sheet ng kama. Hindi ko nagawang kumain bago matulog, kaya walang panaginip. Kakaiba ang mga pagkain, dream inducer kung minsan. Ang laman ng ref puro de-lata. Iniisip ko kung may kuwenta pa ang ref kung ang laman nama’y puro binuro sa loob ng metal.
Sana may de-latang panaginip.
1 AM
Kakaiba ang ihip ng hangin. Naging presko na ang paligid. Balak ko nang bumili ng air-con sa susunod na buwan, pero ipagpapaliban ko muna. Pasumpong-sumpong lang naman ang init. Parang si Mommy, pasumpong-sumpong lang kung tumawag. Nagtatanong lang kung may trabaho na ako. Madalas kong isagot, nagbibilang ng lata.
Puro mga outsourcing na lang ang trabaho dito. Mga magsasaka natotoo na ring mag-Ingles kaya wala nang nagtatanim ng bigas. Angkat na lang galing sa Timor Republic. Imbes na araro, telepono ang hawak nila. Kadalasang kliyente nila mga Vietnamese na nagtatanong kung paano magtanim ng pinakamasarap na bigas.
Madalas sabihin ni Mommy, daig pa ako ng mga magsasaka. Madalas kong idahilan, ayokong maging alipin ng de-latang hanapbuhay.
- Itanim mo ‘yang mga lata at kung lumago, anihin mo at ibenta sa San Cristobal Tin. Ang madalas isagot niya sa pagdadahilan ko. Ibaba ko ang telepono, at i-hahang. Nakahang siya magdamag. Nakahang siya hanggang maisipan kong hindi na ulit tatawag si Mommy.
10 PM
Isang beach resort.
Hindi Boracay. Hindi Anilao. Hindi sa Pilipinas.
Malalaki ang mga along humahalik sa puting dalampasigan. Sumasayaw ang mga puno ng niyog sa ritmo ng hanging Habagat. Paraiso. Unang pumasok sa isip ko.
Nakalantad ang hubad na katawan ni Tweety. Niroromansa ng dagat ang kanyang nakahigang katawan. Dumidila ang asul na tubig sa kanyang binti, beywang, tiyan, dibdib, leeg at mukha. Hinahayaan niya ang sarili na huwag gumalaw. Ang damhin ang pagnanasa ng karagatan. Ang pagnanasang gawin siyang sirena.
Lumingon siya patungo sa kinauupuan ko. Nagtatanong ang mga mukha. Kung hahayaan ko na lamang ba ang dagat ang umangkin sa kanyang katawan.
Tumayo ako.
Bumukas ang TV. Nag-alarm ito. “Stranded in Virgin Island” nga pala sa Channel 8. Third bold movie ni Tweety. Dito wala na siyang tinago.
2.
Total = 8338
Preserved meat = 1200
Preserved chicken = 861
Preserved pickles = 781
Tuna = 643
Ground beef = 597
Anchovies = 563
Fruit juices = 517
Sodas = 461
Beer = 432
Fruit cocktails = 395
Tomato paste = 374
Canned mushroom = 356
Corned beef = 324
Sausages = 298
Sardines = 298
Pork and beans = 298
Liver spreads = 246
Milk = 163
Energy drinks = 94
Lahat ‘yan puro lata. Iniipon matapos kumain. Minsan inaabot ng mga kaibigan. Minsan pinupulot. May kamahalan na nga ang mga lata kaya maraming nagkakainteres sa mga iniipon ko. Kung noon mga bote lang ang ni-rerecycle, ngayon lata naman.
Kapag umabot sa sampung libo lahat ng naipon ko, ipapatunaw ko ‘to at magpapagawa ng trono. Tatawagin akong “Hari ng mga Lata”, at ang aking nasasakupan tatawaging “Latadom”.
Isang de-latang pangarap na madaling abutin.
3 AM
May kumatok sa pinto. Bihira na lang akong tumangap ng bisita simula nang may nagnakaw ng latang ng Heinaken. Sa sobrang inis ko sa magnanakaw, naisipan kong itigil ang pag-iipon at ibenta lahat ito. Ang mapagbebentahan, ibibili ko ng baril. Papatayin ko ang kawatan.
- Dude, diyan ka masaya. Ipagpatuloy mo lang. May Heinaken ako sa bahay, at willing akong ibigay sa’yo. Yan ang sinabi ng matalik kong kaibigan na si Dexter. Piling-pili na lang ang mga taong nakakapasok sa bahay at isa na si Dexter doon.
Si Dexter ang bisita ko. Maga na naman ang singkit na mata. Minsan naiingit ako sa kanyang singkit na mata. May dugong Tsino si Dexter, yun nga lang hangang tagatinda ng mga walis ang inaabot. Nagpasa-pasa raw ang kamalasan sa dugo nila. Hindi tama ang pagpasok ng chi sa kanilang katawan at kahit ilang beses ipa-feng shui hindi talaga pumapasok ang swerte. Pabiro ko nga, dapat naglagay na lang sila ng bagua nang lumayo ang masamang vibration.
Nagawa naman ng pamilya ni Dexter ns ilayo sila sa pinansyal na kamalasan. Pero talagang kaakibat na ng pamilya Lau ang bad vibration. Sa pag-ibig naman sila naolats. Ang Mommy at Daddy ni Dexter naghiwalay ng madiskubre nila ang lihim ng isa’t isa. Ang Daddy ni Dexter may tinatagong ka-live in na nakatalik rin ng kanyang Mommy. Pareho silang naging biktima ng circumstances. Bakla si Daddy. Unfaithful si Mommy. Kaya nga nang magkagulo sinalo ko ang puwit ni Dexter bago tuluyang mahulog sa depresyon.
Walang pinagkaiba sa dating problema ni Dexter ang kanyang iniyakan. Split na raw sila ng girlfriend niya.
- Is it because I’m not that good in bed. Kasama ang mga singhot na kaakibat ng kanyang litanya.
Madalas na rinereklamo sa kanya ng mga nakarelasyon niya ay ang mga sumusunod:
a.) Hindi pa sila handa sa commintment, o wala sa bokabularyo nila ang salita.
b.) Wala silang time.
c.) Hindi sila compatible. Walang chemistry. Walang magic.
d.) Hindi siya deserving para sa kanila. He’s too ‘good’ for them.
e.) Maliit ang sakop ng teritoryo niya.
f.) Isama na natin ang kanyang performance level.
- Ilang beses ko na bang sinabi sa’yo na umiwas ka sa mga ganyang sitwasyon. Hindi ko nakakalimutang bigyan ng mahabang sermon ang kaibigan habang tumutungga ng beer.
Pang-ilang heartbreak na ba ‘to ng kaibigan ko. Sa buwan na ‘to, nasa pang-anim. Hindi mahirap kasi sa kanya ang sumungkit ng babae. Ang bumuo ng isang de-latang relasyon.
- I told you, Pare. One serving lang ang mga ganyan relasyon. Masyado mong sineseryoso. Nguyain mo, lunukin pero huwag namnamin.
Hangang tango na lamang ang kaibigan. Sumasang-ayon sa mga pinagsasabi ko. Bukas, pagkagising niyan kukuha na naman ng abre-lata at magbubukas ng panibagong de-latang pag-ibig.
Total = 8350
Beer = 444
3 PM
Kung may pagkakataon, gusto kong igalaw ang sariling katawan.
Naiipit. Naninikip. Nahihirapan.
Masikip. Madilim.
Pinilit kong pumihit. Walang magalawan. Damang may nakabara. Malambot. Inisip ng matagal kung ano. Katawan, ang unang pumasok sa utak matapos may humiyaw.
Nagpumilit na muling gumalaw. May nagreklamo.
- Puta, ang sikip na nga lilikot pa.
Dahan-dahang nagliwanag. Pumasok ang sinag ng ilaw. Nagbigay ng pag-asa. Nagsimulang gumalaw ang mga katawan. Nag-unahan palabas. Sinabayan ko amg pag-agos.
Isang malaking pinggan ang kinahantungan ng pagtakas. Hindi maiiwasan ang higanteng tinidor. Handang tumuhog. Handa ako magpatuhog.
Isang bangungot.
Nagising akong kumakalam ang sikmura. Naduduwal.
Sa sahig langgo si Dexter. May kayakap itong babae.
Gusto kong kumain. May sardinas, magbubukas ako.
Total = 8352
Sardines = 300
3
10 PM
Girl. ‘Yan ang pakilala ni Dexter sa kayakap niya kanina. Matangkad at balingkinitan ang katawan. Maganda rin ang umbok ng dibdib. Patulis at palaban ang puwit. Mestisa siya. Halatang retokado ang ilong. Nasobrahan ang tangos kaya medyo parang mapa ng Italy ang itsura. Hindi ko alam kung may iba pang inayos sa kanya maliban sa ilong (suspetsa ko pati dibdib at puwit nito, ang masakit baka pati kasarian nito) dahil ayokong tanungin sa bagong bukas na de-latang pag-ibig ng kaibigan.
Minsan naisip ko, sana gayahin nila ang mga promo sa supermarket. Buy one take one. Kapag nakakuha ng bagong de-latang relasyon si Dexter may kasama pang isa. Kilala ko ‘tong kaibigan ko, hindi ako matatanggihan.
Puwede rin good for two ang serving. Pero ayokong sumawsaw sa sawsawan ng iba o dumakot sa sauce ng may sauce.
Nagpaalam ang dalawa matapos makapag-ayos. Nakita kong nakangiti na naman si Dexter. Hindi na naman makita ang kanyang mata dahil halos sumara na ang singkit na mata sa kasiyahan. Yapos na yapos niya ang bagong ‘babae’ nang naglalakad na sila palabas ng pinto. Si Dexter nagmistulang bata na may akap na bagong teddy bear. Ipupusta ko lahat ng lata na naipon ko na sa muling pagbabalik ni Dexter dinalaw na naman siya ng kamalasan sa pag-ibig. At malapit na ‘yon.
5 AM
Hindi de-latang relasyon ang pinunta ni Cynthia sa bahay. Hindi ko magawang makatulog kaya muli kong binilang ang mga lata nang dumating siya. Normal na Cynthia ang nakita ko. Malayo sa iba’t-ibang personang Cynthia na kakilala ko.
De-latang paniniwala, ‘yan ang pinunta ng babaeng ‘to. Ako na lang natitira niyang liberal na kaibigan na kayang tumangap sa pabago-bagong pananaw niya sa buhay. Nakailang relihiyon na ba siya? Isa-isahin natin. (Note: Hindi pa d’yan kasama ang kinamulatang relihiyon).
1.) Fellowship of the Saints Toward Spiritual Oneness and Progressive Divinity. Sa pangalan pa lang madali nang ma-eenganyo si Cynthia. Siya ‘yung tipong naghahanap ng kasagutan sa lahat ng katanungan hinggil sa usaping ispritwal. Spiritual wanderer ang tawag niya sa sarili. Kaya nang malaman niya ang tungkol sa kultong ito, mabilis siyang nagpabinyag. Dito namin nakita si Cynthia na tulala. Nag-memeditate daw siya. Pinag-iisa niya ang kanyang kaluluwa at espiritu, na para sa akin ay pareho lang. Pagkakalikot sa chakra ang isa kong tawag sa ginagawa niya. Naging madalang na ang kanyang paglabas, at tanging pagtitipon lang nila sa ‘simbahan’ ang dahilan ng kanyang paglabas. Nasa loob lang siya, nangangalikot ng chakra. Hangang sa bigla siyang tumigil sa kanyang pagmemeditate. Kumalas na raw siya. Naging headline sa buong bansa ang sinagawang “Dakilang Sakripisyo” ng grupo. Parang binuhos na lata ng pinturang pula ang lumang istasyon ng MRT matapos sabay-sabay tumalon ang mga miyembro ng sekta sa riles para salubungin ang rumaragasang kamatayan. Doon naming nalaman, malakas ang pangkutob ni Cynthia. Iniisip din namin na di na ‘to magpapaloko sa mga de-latang relihiyon.
2.) Divinity Through Hedonism, mas kilala ang sektang ito bilang the Modernized Catharism. Ang mantra nila – “Enjoy life to the FULLEST”. Naging pakawala si Cynthia. Walang oras na ‘di mo siya nakikitang may hawak na alcohol. Laging umuusok ang bibig dala ng sigarilyo. Pulang-pula rin ang mata dala ng puyat. Balitang nakikipag-orgy rin ‘to kasama ng ilang miyembro. Kung wala lang ‘tong komplikasyon ko sa puso marahil ilang beses ko nang nakama ‘to. Gaya ng dati, umasa kaming magbabago si Cynthia matapos ang sunod-sunod na iskandalo ng sekta. Kung may nga rehab lang sa paniniwala.
3.) International Crusade for Miracle. Matapos ang tatlong buwang paglinis sa sarili, sinubukan uli ni Cynthia na linisin ang kaluluwa. Sumapi siya sa lumalaking relihiyon ni Bro. Gerry Gonzales, ang televangelist na nakabili ng tatlong channel sa TV. Nagbalik loob siya sa ‘Panginoon’. Tambay ng Luneta tuwing Biyernes ng gabi hangang Sabado ng hapon. Nagwawagayway ng puting panyo. Nag-praise the Lord, hallelujah. Madalas nakatutok sa programa nila Bro. Gerry sa TV. Wala na rin siyang bisyo. Pero hindi nagtagal ang pagsapi niya. Nang malaman ang katauhan ng televangelist mabilis pa sa cheetah na may hinahabol na impala ang kanyang pagkalas. – Ginagaya niya ang tauhan sa nobela ni Hugo, ang dahilan na kanyang binibigay.
4.) Babylonism. Nawala si Cynthia nang magsimulang imbestigahan si Bro. Gerry. Convicted ito sa salang rape at murder. Sayang at hindi niya nakita nang sinabi ng karismatikong pinuno ang mga katagang, “Pagsubok lamang ito ng Panginoon.” Well, si Cynthia nang mga panahon na ‘yon ay nasa Canada. Nabalitaan ko na lang ang dahilan ng pagpunta niya doon ay dala ng de-latang relihiyon. Legal sa Canada ang cannabis. Ang enlightenment pipe ng mga kasapi ng Babylonism. Isa itong relihiyon base sa Rastafarianism at Buddhism. Balita na ang bagong pangalan ni Cynthia sa Canda ay Ime Han. Matapos ang limang buwang bakasyon ay biglang bumalik ‘to. Pinadeport ng US matapos mag-cross-country na merong bitbit na cannabis. – Asan ang democracy na pinagmamalaki nila? Asan ang karapatan na makasamba ng malaya? Ito ang madalas ipagsigawan ni Ime, este Cynthia.
5.) Gnostic Church. Sa mga panahong nagdidiyeta siya matapos tumaba dala ng matinding food trip sa Canada, nabangga ni Cynthia ang ilang kasulatan na ipinagbabawal ng Simbahang Katoliko. Nagsimula siyang makinig sa mga sermon ng ‘pari’ na nagmula sa mga kasulatan nila Hudas, Magdalena, at Barnabas. Madalas nakikipagdebate siya patungkol sa divine existence ni Hesus. – Tao lang siya at hindi anak ng Diyos. Glinorife lang nila Luke, Mark, Matthew, at John ang pagiging disgrasyada ni Mother Mary. ‘Yan ang madalas ibukang bibig ni Cynthia. – Na-hypnotize lang si Hudas kay Hesus kaya nagawa niyang ipagbili ang ‘Panginoon’. Tingnan mo ‘yung sa Gethsamane. Di ba nagdalawang-isip pa si Hudas, nang magsalita si Hesus saka lang humalik si Hudas sa pisngi niya. Nagkaroon ng maraming kaaway si Cynthia dala ng paniniwala. Hindi rin siya nagtagal at narinig ko ulit ang paghingi ng paumanhin sa mga nasagasaan. – Fake ang mga gospels nila. Gawa lang ng mga tamad na isip. Di ba kapag walang iniisip mabilis pumasok ang demonyo sa utak.
6.) Underworld Church for Satan. Dahil sa hindi nagawang makipag-ayos sa ilang nasagasaan, nagpalagay ng totoong sunggay at pangil ang bruha. Devil on earth ang tawag na niya sa sarili. Succubus extraordinaire wika ng mga kapanalig niya. Beelzebub in the making sabi ng lider nila. Hibang sabi ko sa kanya. Hindi rin nagtagal si Cynthia sa ganitong paniniwala nang masaksihan ang unang ritwal. Kung dati’y manok lang ang pinatay, nasaksihan niya kung paano pinatay ang handog na tao. Saksi siya sa isang murder. Dalawa silang pumiyok kaya isa-isang dinampot ang mga kasali sa ritwal. Mabui na lang at hindi siya nakasuhan. – Mga posero. Mga mamatay tao. Mga demonyo. Mga katagang sinabi niya habang tinatanggal ang mga sunggay sa kanyang ulo. – Mgah pohsehro. Mhgah mhamhatayh taoh. Mhga dhemhonyho. Mga katagang hindi maibigkas habang pinuputol ang pangil.
7.) Jesus is Vegetarian. Hindi na niya magawang kumain ng karne dala nasaksihan. Naging debotong vegetarian siya. Araw-araw ay Semana Santa para sa kanya. Gaya ng dati, nauwi sa wala ang paniniwalang ito. Dalawang buwan na pagiging vegetarian at bumagsak ang katawan niya. Tatlong linggo siya sa ospital dala ng malnourishment. Pinayuhan na siya ng doctor na kumain ng karne para sa protein at ang una niyang kinain ang dala kong de-latang corned beef.
8.) United Cyber Church of Christ. Ito ang huli niyang sinalihang relihiyon. Sana panghuli na ‘to para sa kanya. Madalas tutok sa computer si Cynthia, nag-aabang ng basbas.
- Bumababa ang Espiritu Santo sa lupa sa pamamagitan ng internet. May server sa Vatican kung saan kinakausap ng Cyber Pope ang ‘Panginoong” Kristo. Ipamamahagi ng Cyber Pope ang basbas sa mga Cyber Cardinals na sila naman ang magbibigay ng basbas sa amin. Sa aming nanampalataya. Iinom siya ng soda para malangisan ang pagpapaliwanag.
Pinagmamasdan ko lang siya. Maganda sana siya kung hindi niya sinira ang sarili sa mga de-latang paniniwala. Noong una ko siyang nakilala aakalain mong magmamadre ito sa kahinhinan. Napaka-lousy ng paglalarawan ko sa kanya pero ganun talaga ang impresyon ko sa kanya. Lumaki kasi si Cynthia sa isang pamilyang buo ang paniniwala sa Diyos. Marahil nabulag siya sa unang relihiyon, sa mga do’s and don’t’s na dapat sinusunod kaya napilitang maging spiritual wanderer. Unti-unting kinain ang kanyang pagkatao. Wala na ang totoong Cynthia. Kahit bumalik ang kanyang ayos, ginulo na ng de-latang paniniwala ang kanyang pag-iisip. Nasabi ko na nga sa kanyang gumawa ng sariling relihiyon. Siya ang pinuno. Siya ang magsusulat ng batas. Ang tanging sagot niya, hindi raw siya karismatiko gaya nila Bro. Gerry.
- Ang labo talaga nila. Kung dadaan pa sa Cyber Pope ang basbas at ipadadaan sa Cyber Cardinals bago ibigay sa amin, eh di kunting porsiyento na lang ang mapupunta sa amin. Hahatiin pa ‘yon sa ilang milyong nanalig sa kanila. Ayoko na talaga. Over. Surrender na ako. Hangang hindi niya mapigilan ang tumawa.
Nandoon pa rin ang tawa. Ang tawang Cynthia kahit nilamon na ng de-latang relihiyon ang kanyan common sense.
Total = 8357
Sodas = 467
10 PM
Takbo! ‘Yun lang ang naipayo ko sa sarili.
Sa likod ko ang mga humahabol na lata. Mga lata ng sardinas na nakapatig. Mga lata ng gatas na may bitbit na eskopita’t handa akong asintahin. Mga lata ng corned beef na may bitbit na riple’t anumang oras isa na ako katawan na binutas ng mga bala. Mga lata ng sausages na tangan ay granda, ang maggutay-gutay sa katawang nagkabutas-butas. Mga lata ng beer at soda na nakasakay sa tangke-de-giyera, tuluyang gagawing abo ang nagkapirapirasong katawan.
Ang mga puwede kong takasan, barado na ng mga lata ng liver spread at fruit cocktails. Wala na akong matakbuhan. Wala na akong matakasan. Wala na akong mataguan. Pinaliligiran na ako ng mga lata.
Mga nagrerebolusyong lata.
Nagising akong katabi ang mga napulot na lata. Nakalimutan ko na ang bilang.
4.
4 AM
Ayoko nang bilangin ang mga latang naipon. Dinadaga na ang dibdib ko sa takot. Matapos ang bangungot nagkaroon na ata ako ng lataphobia. At isa na akong lataphobic.
Palabas sa Channel 6 ang pelikula ni Tweety Cervantes. Soft core porn. Halos kalahati ng pelikula puro kangkangan. Walang kuwento, walang saysay. Hindi ko na pinakialaman kung maganda ba o hindi, ang importante’y si Tweet ang niroromansa.
Minsan lang pumasok ang libog para palitan ang takot. Bahala na.
1 AM
Sa awa ng Diyos hindi ako namatay dala ng libido. Ginising na lang ako ng tunog ng telepono. Si Mommy tumatawag galing Egypt. Bumisita lang sa Arabong manliligaw at nasa bahay niya ‘to.
Maganda ang bahay ng Arabo. Hi-tech lahat ng gamit. Simula sa 3D emulator hangang sa Brainiac Sofa. May tagasilbi ring robot, at ang sabi ni Mommy magaling magluto ang mga robot ni Malek. Iniisip nga niya kung sasagutin na niya ito. Tinanong ko si Daddy.
- Divorced na kami. Wala na siyang magagawa. Anak, pumunta ka rito para makita mo ‘yung pyramid saka ‘yung clone ni Tutankhamen.
Hindi ko na pinakinggan ang mga sinasabi ni Mommy. Naamoy ko na lang ang ginisang sardinas na paborito niya. Ang amoy ng bakal sa lata’y pumapasok sa ilong ko. Naghahalo ang amoy ng sibuyas at bawang. Masarap amuyin, para silang may magic, may chemistry – in short compatible ang amoy nilang tatlo sa isa’t-isa. Kami kayang tatlo maging compatible – ako, si Mommy at ang Arabong si Malek. Malay ko.
- Anniversary ni Dian, wala ka bang balak puntahan siya. Ginising ni Mommy ang aking ulirat sa salitang, anniversary at pangalang Dian.
Isang taon na pala simula nang mangolekta ako ng lata. Isang taong ginawang libangan ang pamumulot at paglinis ng mga lata. Isang taon na pala nang mawala si Dian.
Matapos ang mhabang kuwento ni Mommy hindi ko na nagawang matulog. Sinimulan ko uli ang magbilang.
Total = 8871
Ang lahat ng ito’y para kay Dian.
10 PM
Malaki na ang tinanim kong puno. Lumaki ito ng di ko inaasahan. Bihira na kasi akong bumsita dito. Bihira ko nang dalawin ang puntod ni Dian. Ang mga labi niya ang bumubuhay sa punong ito. Hangang sa kamatayan patuloy pa rin ang pagpapahalaga niya sa akin.
Si Dian, siya na marahil ang nag-alis sa akin sa de-latang sistema ng buhay. Kung dati sapat na sa akin ang may makain at may masilungan basta mabuhay, nang bigla na lang siyang dumating. Dumating siyang bitbit ang abre-lata. Dumating siya na isa lang ang layunin sa buhay ang buksan ang latang paniniwala ko at pakawalan ako mula rito.
Nagtagumpay siya. Pero hindi doon nagtagal.
Si Dian ay biktima ng pagkalason. Lead poisoning. Namatay siya sa pag-inom ng de-latang gatas. How ironic kung iisipin. Pero kailangan talagang mabuhay. Tanda ko pa ang Dian’s Prayer:
“Hi God! Gusto ko lang sana ireklamo ‘tong anghel ninyo, ay sorry, agent pala. May hiningi po akong support pero hindi naman naibigay. Kaya nagpa-direct na ako sa inyo. Tungkol ito sa boyfriend ko. Paano ko ba i-trotroubleshoot ito. Hindi gumagana ang simpleng re-boot sa mokong na ‘to. Mabagal mag-isip, kung hindi naman mababa rin ang bandwidth sa pag-abot ng pangarap. Napaka-old model naman ng hard disk nito samantalang sabi rito’y Centurion Version 7. Sana po ay may maibigay kayong manual kung paano ko papatakbuhin ng maayos ang boyfriend ko. Alam ko naman po bilang manager sa call center na ‘yan ay di n’yo magawang sagutin ako, kaya nakavoice mail lang kayo’t pinakikinggan ang mga hinaing ko. Sana po ay mabigyan ninyo ako ng manual sa lalong madaling panahon dahil sa love na love ko ‘tong mokong na ‘to. Maraming salamat. Babush.”
Natatawa na lang ako kung naalala ko yun.
Tingnan mo ako ngayon Dian, nangongolekta ng mga latang kumitil sa’yo. Ito na ang tungkulin ko sa buhay. Ito na siguro ang manual na hiningi mo.
Nang umalis ako sa puntod niya, iniwan ko ang limang latang napulot. Magsilbi sana silang bantay para sa’yo.
7 AM
Mga katok sa pintuan ang gumising sa akin. Si Dexter kasama si Girl. Magkaakbay ang dalawa nang pumasok.
Naalala ko ang pustahan. Nawalan ako ng ganang kumain, ngunit inaalok pa rin sila ng agahan. Tumanggi sila.
Dumaan sila para sabihing magulo na sa labas. May mga demonstrasyong gaganapin. Tipong EDSA People Power/Party ang dating.
- Hindi ko napansin na may nilulutong ligalig kahapon.
- Hindi naman kailangan lutuin, kailangan lang buksan. Inabot sa akin ni Dexter ang abre-lata.
Nagbukas ako ng sausage at nagsalo-salo.
5.
10 PM
Isang batas militar ang binuksan ng pamahalaan. Isang de-latang panukala mula sa isang de-latang pamumuno.
May busal ang bibig ng karapatan sabi sa balita.
Puro breaking news kaya nanood na lang ako ng mga videos ni Tweety Cervantes. Tweety marathon. Maghapon ko ‘tong ginawa.
Ang nakakainis, nagsama ang alindog ni Tweety at unggol ni Girl na nasa sala kasama si Dexter. Hindi ko mapigilan ang de-latang libog.
Bumagsak akong dama ang pagod. Naninikip ang dibdib. I hate this gene.
8 AM
Mga putok ng baril ang gumising sa aking utak. Giyera na. Rebolusyon. Pag-aaklas ng taong bayan. Naisip ko tuloy ang bangungot. Umakyat ang takot sa aking mga ugat. Kinabahan. Ano kung isang propesiya ang bangnungot na ‘yon. Nangangatog ang aking tuhod. Hindi ko magawang itayo ang sarili. Sumigaw ako para malaman kung nasa labas pa sila Dexter. Walang sumagot. Nagpapaalam si Dexter bago umalis. Nakasanayan na niyang gisingin ako. Inulit ko ang pagtawag. Walang sumagot. Inalis ko ang takot at tumayo.
Halos patayin ako ng nakita ko sa labas ng kuwarto. Parehong naliligo sa sariwang dugo ang mga hubad na katawan nila Dexter at Girl. Parehong may tama ng bala ang kanilang dibdib. Hawak-hawak ni Dexter sa kanyang kanang kamay ang isang pistola. Hindi ko magawang lapitan ang bangkay nila. Natulala ako nang matagal. Saka lang pumasok sa isip ko ang tumawag ng pulis.
Hindi ko makontak ang mga pulis dahil sa putol ang linya. Sunod-sunod na putok ng baril ang naririnig ko. Sa loob ng isang minuto, dalawa hangang tatlong putok ang bumabalot sa tainga ko. Pinagmasdan ko na lang ang bangkay ng dalawa. Gumawa ng ilang theory kung paano sila namatay.
1.) May pumasok sa pinto’t gusting nakawin ang mga lata. Naglaban si Dexter. Naiputok ng kawatan ang baril sa dibdib nito. Sumigaw si Girl. Pinutok uli ang baril sa dibdib nito. Nagulat ang kawatan sa pangyayari. Linagay nito ang baril sa kamay ni Dexter at tumakas.
2.) Nagdilim ang paningin ni Dexter habang nagtatalo sila ni Girl. Balak nang iwan ni Girl si Dexter. Hindi mapipigilan niya ang kanilang paghihiwalay. Kinuha ni Dexter ang sukbit na baril at biglang binaril si Girl. Naghihingalo si Girl nang bumalik ang ulirat ni Dexter. Hindi niya nakayanan ang kalagayan ng kasintahan. Itinutok ang baril sa dibdib at hinayang mamulaklak ng dugo.
Kung alin man ang kasagutan sa pagkamatay nila, isa lang ang nasisiguro ko – tanging mga lata lang ang saksi. Walong libong piping saksi.
3 PM
Bago ako pumunta kila Cynthia, sinigurado ko munang linisin ang kalat. Hindi ko magawang makontak ang pulisya, ospital at morge kaya tinago ko muna ang katawan nila Dexter at Girl. Tinabunan ko sila ng mga lata. Naawa ako sa kalagayan nila pero wala akong magagawa.
Kumain ako ng sardinas matapos maglinis. Ngayon ko lang napansin na masarap pala ang sardinas. Sarap na sarap ako sa pagkain habang nanonood ng latest movie ni Tweety Cervantes. Amozinista ang karakter niya rito. Gaya ng ibang pelikula niya wala siya ritong naitago. Wala nang sikreto. Nakalabas na ang kanyang pagkatao. Hinayaan na niyang husgahan siya sa kanyang hubad na katawan.
Kinuha ko ang baril ni Dexter. Dadalhin ko papunta kila Cynthia. Sa labas dinig ang sunod-sunod na putukan. Mga wangwang ng mga sirena. Iyakan. Sigawan. Samo’t saring tunog. Samo’t saring lasa ng de-latang buhay.
May tag sa baril ni Dexter na ngayon ko lang napansin. Kung mahal mo ang bayan. Kung ayaw mong mahirapan.
12 PM
Walang kasiguruhan kung may dulo pa ang paglalakbay o may tamang bilang para huminto sa pangongolekta ng mga lata. Sa ngayon kuntento na ako sa mga nasaksihan. Sa mga bagay na napag-isipan. Sa mga taong nakita.
Tao ang nagbubukas sa sarili niyang de-latang buhay. Ang tanong, kung alin ang pipiliin mong abre-lata. Sa kaso nila Dexter, ang baril ang nagbukas sa kanilang kaluluwa. Ang nagpalaya sa kanila.
Tumuloy ako kina Cynthia. Ilang katawang nakahandusay at naliligo sa ilog ng dugo ang nakita bago makarating sa kanila. Pakiramdam ko isang pagbibilang ng mga expired na de-lata ang ginawa ko. Mga ambulansiyang kinukuha ang mga patay. Mga pulis na nagpapatrolya’t nagbabantay sa mga katawan. Ito lang ang mga buhay. Sila lang ang may kaluluwang nagpapakasardinas sa mga kinakalawang na katawan. Gaya ng inaasahan, panibagong Cynthia ang bumugad sa akin.
Suot ang puting belo, pinapasok niya ako sa kanyang ‘simbahan’.
- Mapasaiyo ang dalangin ni Birhen Maria. Ito ang malumanay niyang pagsabi sa akin sabay paghawak niya sa aking kamay. Pinagaan ako ng isang simpleng salita. Nawala ang kaba’t takot na sa totoo lang ay nagsimula nang mamahay sa dibdib ko. Marahil natagpuan na ni Cynthia ang katapusan ng kanyang paglalakbay. Umaasa ako.
Mahabang usapan na nauwi sa mga payo. Hindi ako magawang tulungan ni Cynthia. Ang tanging maitutulong niya kay Dexter at Girl ay maipanalangin ang kanilang kaluluwa. Ang misyon niya’y para sa mga buhay at hindi sa mga patay. Ihandog na lang natin ang kanilang kaluluwa sa pangangalaga ni Birhen Maria.
Bokya ako kay Cynthia. Umalis akong olats para kina Dexter at Girl.
Binabati ng dilim ang aking pagmumunimuni nang meron akong maalala. Teenager ako nang malaman ang paggawa ng isang homemade pipe bomb. Simple lang naman. Paghaluin ang mga sabon at ilang gasolina. Ang tamang timpla kayang magpayanig ng isang bloke. Pero ito yung mga bomba na hindi kayang makapinsala ng malaki. Isisilid ang formula sa isang lata. Sa mga oras na ito naisip ko na ang emosyon na hindi natin napapansin ay maaring maging bomba na handang sumabog. Handang sirain ang de-lata nating katawan.
Akala ko noong una’y shooting. Si Tweety, nakaharap sa mga usisero. Nakatutok ang baril sa kanyang ulo. Tangna, dito ko nakita na pang-best actress ang drama niya. Madadama mo ang emosyon sa bawat linyang binibitawan. Pero may kulang. Walang director. Walang kamera. Walang script. Siya ang bomba.
- Sawa na ba kayo sa paghuhubad ko? Sawa na kasi ako. Gusto ko nang maging best actress. Kahit ngayon lang. Mga linyang binitawan niya na hahakot ng papuri.
- I love you Tweety. Hindi na ako nahiyang ipadama ang aking nararamdaman. Sa una’t huling pagkakataon nasabi ko rin sa kanya ng harap-harapan.
- Salamat. Matipid niyang pagsagot sinabayan pa ng ngiti, ngunit binago ng putok ng baril ang sana’y sweet moment. Si Tweety ang sumabog na bomba.
3 AM
Hawak ko ang baril nila Dexter at Girl. Nakaharap ako sa pintuan. Hindi ko magawang pumasok. Natatakot. Ngayon lang ako lumabas na walang bitbit na lata pauwi. Kakaiba ang pakiramdam ko.
- May itatanong ako sa’yo Dian. De-lata ba ang Diyos? De-lata ba ang langit?
Marahil di makasagot si Dian. Takot siya sa mga mangyayari. Takot siyag iwan ko ang de-latang mundo.
Pero nauumay na ako.
Nagkamit ang 'De Lata' ng Ikalawang Gantimpala sa Futuristic Fiction in Filipino sa 2006 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature
No comments:
Post a Comment