Ni Miguel Paolo Celestial
Bumaba ka sa gitna ng kalsada
dahil nagkamali ka ng sakay ng dyip.
Ikaw na lamang ang natira sa biyahe
nang napansin mong iba na ang ruta.
Nag-aalala kang baka may nakasunod
mula sa safehouse, kahit na makailang
beses mong pinagpag ang iyong daan:
tatlong ulit bumalik sa tindahan sa kanto,
dalawa sa may talyer, at isa sa sakayan.
Tatawid ka na sana kung di ka sinalubong
ng umuungol na trak. Wala kang kasama sa kalye,
pero nangangamba kang isuplong kahit ng dilim.
Di dapat umabot ng ilang oras ang miting
ngunit kailangan pag-usapan ang pagkakahuli ng kasama.
At habang nililinaw ang mga suspetsa, ang oras at lugar,
doon mo lang narinig ang tunay niyang pangalan,
lumusot sa bumibigat na lambat ng mga salita.
Namumutla na ang namumula't namumugtong mata.
Biglang lumitaw sa iyong isip ang eksena ng pagdakip:
sa palengke, sa dinadayong beerhouse,
sa eskinitang di inaasahang magbubulgar ng lihim.
Nilulon ng agam-agam ang iyong landas pauwi:
ang pasikot-sikot sa nakagawiang kalsada,
ang pag-iwas at pagtagos sa karaniwang daan.
Pagdating mo sa tarangkahan ng inuupahang
apartment, di na magkasya ang susi.
Tumalikod ka upang harapin ang umaga.
Di mo na makilala ang iyong sarili.
No comments:
Post a Comment