Saturday, October 17, 2015

Katawan ng Liwanag

Ni Miguel Paolo Celestial


Mata

Maghapon sa isang sulok ng silid: malalagas ang dahon ng sampalok,
lulusot ang silahis sa salamin. Lumulubog ang araw sa laot, lumilipad
ang kalapati pauwi. Nananatili ang iyong tingin kahit sa pagdilim
ng tubig, kahit sa kinang ng luhang sinlaki ng dagat pagpikit.



Noo

Walang sinlawak ang abot-tanaw ng pamamaalam at ang pinaka huling bakas
ay tatak ng labì sa balat, nananatili tulad ng lamlam ng lampara sa gunita,
init sa ilalim ng kubrekama. Magkasabay nating tiningala ang langit.
Sa isang haplos, napawi ang mga ulap. Nagsanib ang ating panganorin.



Pisngi

Nauunang sumikat ang liwanag sa iyong mukha. Bumabangon
ang parang sa huni ng maryakapra. Hinahaplos ng hangin ang inaantok
na damuhan. Kulay kalimbahin ang langit na unti-unting lumalawak
at umiinit. Mamumula ang bakas ng halik bago sumilay ang ngiti.



Tainga

Kung alam ko sana ang sasabihin para matawid ang dilim sa pagitan
natin. Walang laman ang katahimikan tulad ng mabatong dalampasigan:
bagong káti, nagkalat ang basag na korales. Sisiksik ako sa iyong tabi,
ngunit lalo kang lalayo sa aking piling. Nalulusaw ang bulong sa buhangin.



Labì

Magkasunod ang kidlat at kulog, ang paghiwa at panginginig.
Pagbiyak natin ng talaba, kakagatin ang laman, masusugatan. Nagliliyab
ang bugambilya sa pugad ng tinik, ngunit di natutupok ang bulaklak.
Walang dumadanak kahit anong talas ng ating paglalambing.



Leeg

Humihimbing ang hardin. Dumudulas ang dila sa pawis. Lumalalim ang hininga,
humihigpit ang kapit. Pagpikit, guguhit sa balat ang kidlat. Sisikip ang yakap
ng dilim at langit. Maglalaho ang hiwa ng buwan. Namumuo sa lupa ang di makasingaw
na alimuom. Humihigop, humuhugot ang mga halik. Dumadaloy sa salamin ang tubig.



Likod

Walang pakpak ang iyong mga hilik na naririnig mula sa aking panig
ng kama. Walang takas ang anumang natitirang galit sa aking dibdib na ilalapat
sa iyong balat. Iisa ang ating anino sa silid, iisa ang puder ng pintig.
Nakadantay ang panunggab at pananggalang na biyas at bisig. Sa’yo nagpadaig.


1 comment:

Marchèlo Frani said...

These are beautiful! Keep writing, Miguel!