Thursday, June 30, 2016

Pasada

Ni Miguel Paolo Celestial


Habang nag-aabang sa estayson, sinalubong ako ng treng lumusong
sa dilim. Taimtim ang bumbilyang nakadilat kahit bulag. Sumayad

ang sasakyan bago tuluyang tumigil. Magkabila ang upuan, nakatitig
ang mga pasahero sa mga espasyo at sa bintanang dumidilim

at lumiliwanag. Nilalampasan ang mga bus at kotse, ang matatayog
na gusali, ang barumbarong ng bilbord na di maaninag sa mabagal

na agos ng ilog. Tulad ng sakay, labas-pasok ang alaala ng nakalipas
at nakaraan. Isa-isang bumababa at nag-aabang sa kalsada, mga ligaw

at limót na kaluluwa. Sa dulo ng biyahe, walang naiiwan kundi
ang alingawngaw ng gabi sa dibdib, ang nakalatag na riles

na nakakapit hanggang sa siyudad ng panaginip. Punô ng sakay
ang FX, tig-isang sulok ng dilim. Inaabót dati lagi ng gabi ang aking

biyahe papunta sa iyong apartment. Sa dinami-dami ng nakatabi,
ng mga nakitang tumatawid habang nakapreno ang sasakyan, naiinip,

ang mukha mo lamang ang natitirang larawan na di binabawi
ng paglubog ng araw. Hanggang sa pagpara ko sa kanto ng Mayon

at Makiling, hanggang sa pananabik habang naglalakad bago kumatok
at tumimbre sa tarangkahan, hanggang sa hapon na iyon nang wala akong

natanggap na tugon mula sa iyo sa aking selepono. Inaamag ang gunita
sa taxi, nakakapit sa marungis na apholstri. Nakadikit sa kutson

ang pinaghalo nating pawis at limahid ng magkakasunod na gabi
ng pakikipagtalik, ang lagkit ng ating panlilígaw at ang lamig

ng ating pagkaligáw nang di ko man lamang masabi sa iyo, katabi sa kotse,
ang di maipaliwanag na mingaw. Sa text pinaabót ang di magkaabot-abot.

Nagsimula nang dumaloy ang ulan sa salamin, kumikinang sa pulang
ilaw ng stoplight. Di ko magawang lumingon. Pinakapal ang dumi

ng tela sa upuan ng gunam-gunam. Hugis pasâ ang mga mantsa,
sunóg sa gilid. Kulang na lang ay buksan ko ang pinto at maglaho.

Bihirang panis ang tsismis ng panibagong tsuper. Habang nakikinig
sa radyo at sa kanyang kuwento, sinasalat ko ang kurduroy, binibilang

ang laktaw sa pagitan ng dati kong katabing laging kasabay pauwi.
Hinahanap ng mga daliri ang kilalang gaspang at kinis. Natatagpuan

lámang ang hiwang nagluluwa ng goma. Lagi akong umuupo
sa may bintana ng bus. Tuwing ginagabi at walang trapik,

humaharurot ang sasakyan at wala akong naririnig kundi ang hangin.
Nagsasanib ang ilaw ng mga kondominyum at opisina. Walang sinlinaw

ang kinang ng buwan. Nakasuksok sa likod ng upuan ang binilot at itinuping
ticket, ang nanuyo at nanigas na babolgam. Nakatalâ sa likod ng sandalan

ang mga pangalan ng pasahero, pangako ng pag-ibig. Tinatangay
ng hangin ang singaw ng anghit, ang bantot ng nabubulok na kahoy.

Walang laman ang abenida, parang patlang sa gitna ng buntonghininga.
Biglang may tumabi sa akin at napahawak ako sa sariling bulsa.

Ngunit di man lang siya lumingon o sumilip sa bintana. Ipinikit
ang mga mata hanggang nilapitan ng kunduktor at siningil ng bayad.



Wednesday, June 29, 2016

Bushfire sa Australia

Ni Miguel Paolo Celestial


Sa lubha ng init, unang nagliyab ang tuyong damo. Walang katabing panggatong
sa alikabok. Ngunit kusang nabuo ang dila ng apoy nang naibigkas ng araw
ang sumasayaw na salita ng kanyang deliryo sa nakasabit na dahon. Kinain pati
ang nangangating sanga, ang balîng braso, balikat, hanggang ulo ng maliit na punò.
Nagkabaga at puso ang gútom at lungkot galing desyerto. Inilugay ang buhok galing
sa puyo. Gumapang ang nagliliyab na ahas hanggang natutong mangusap.