Saturday, March 12, 2011

Kay Leonard Co

Ni Miguel Paolo Celestial

O mabunying kalupaan! Nasaan pa ang iyong dangal
Kung bundok mo’y mababa at ilog mo’y matumal?
Leonard Co



Walang mintis, káya niyang panglanan
ang mga halaman mula sa paanan
ng bundok hanggang gulugod — at pabalik.
Walang dawag at sukal na di kinilatis,

punong di inakyat, gubat na di binagtas.
Mula sa dahon, bulaklak, sanga, at ugat
humugot ng lunas para sa karamdaman
ng karaniwang mamamayan, ng taumbayan.

Hanggang sa hulí, nakalahad ang palad,
nakadipa tulad ng punong walang laban
nang tinutukan ng sundalong nagpaulan
ng bala at pumaslang sa guro at pantas.

Gaya ng ibang binhing pinitas nang di oras –
mag-aaral, aktibista, doktor, peryodista –
ganoon na lamang sinayang ang bunga
ng lubos na pagyabong at pamumulaklak.

Inuubos ang naiiwang nakikipagtuos
para sa dangal ng lupain. Ang bawat bayani
ay pinahahalik sa lupa ng mambubusabos,
ibig patahimikin. Ngunit paano mapapawi

ang ihip ng hangin kung mahahalinhan ng awit,
paano matutuyo ang ilog kung umaagos
mula sa bukal ang dugo? Kung tayo’y nakatindig,
sinong makatitibag at makapapatag ng bundok?

No comments: