Monday, March 28, 2011

Mula sa Rupero

Ni Miguel Paolo Celestial

Madalas sa madalas, tuwing tayo'y nag-uusap,
di ko mawari kung sino ang iyong nakikita
bago mo pa isa-isahin ang plastik na butones,
bago mo tanggalin ang tupi ng aking mga manggas.

Dahil kapag niluwagan na ang sinturon at nahulog
ang pantalon, nakakalimutan ang landas ng sapatos,
nawawalan ng kasaysayan ang dumikit na alikabok.
Iisang mata lamang ang malulusutan ng sintas,

ngunit pareho tayong nakapikit, natatakot
hubarin ang pinakahuling pilas ng damit.
Pawisan, balat sa balat, dagli tayong nagbibihis,
sinusuot ang sari-sariling kamiseta ng hininga.

Dahil bago mo pa ako hinubaran sa tingin,
sinimulan na kitang unti-unting tastasin.


Translation: 'From the Hamper', with pictures

No comments: