Ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Masuwerte kami:
kapiling ang parang
na binubugahan ng langit
ang mga langgam, at tipaklong.
Walang aalalahaning buwis
na kinokolekta ng gobyerno.
Walang tsismis o intriga
kapag bagot at walang magawa.
Hindi kailangang magalit
pag inungaan ng kapwa baka
sa mismong butas ng tenga.
Hindi dumadanak ang dugo
kapag may pangahas na baka
na pumatong sa asawa ng iba.
Hindi rin kailangang makibaka
kapag naiba ang paniniwala
ng kinabibilangang kawan.
At kapag kami'y naiihi,
hindi na kailangang ilabas ang ari
o tumakbo sa kubeta.
At sakaling kumulo ang tiyan,
hindi na kailangang magpawis,
puwede nang manginain
sa mismong kinahihigaang damuhan.
Mula sa 'Onyx'
May ibang bersiyon sa 'Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas'
No comments:
Post a Comment