Ni Miguel Paolo Celestial
Pagbaba mula sa MRT,
tinawid ko ang tanghali
papunta sa mall,
para magpalipas-oras
sa tambayang bookstore.
Nagpapatugtog ang katabing record bar
ng mga bagong rock at pop single.
Bunton-buntong libro ni Paulo Coelho
ang sumalubong sa pinto.
Sa likod nito, isang buong lamesa
ng The Da Vinci Code
na kalalabas lamang sa pelikula.
Isa-isa kong sinuyod ang mga estante,
wala sa isip kung si Martin Amis
ang hinahanap o si Brett Easton Ellis,
di halos masundan ang lyrics
nina John Mayer at Tori Amos.
Bago makarating kay Marquez,
dumaan muna kay Mailer
balita bago ang mahikang pang-araw-araw,
si Calvino sa kaliwa ni Coupland
depende sa iyong pangarap o ilusyon ng siyudad.
Sa di kalayuan natisod
sina Ishiguro at Hornby
na kapuwa nagsasabing
madaling maligaw ang sarili.
Sa wakas, kipkip ang mga napili,
nakahanap ako ng puwesto sa sofa.
Kasintingkad ng mga magazine
ang mga bestseller sa aking harapan,
kumikinang sa ilalim ng fluorescent lamp.
Gravity, biglang singit ni Mayer,
is working against me. Akala mo’y
may kayakap sa malungkot na sayaw:
and gravity, wants to bring me down.
Pagbukas ko ng aklat, naamoy agad
ang bango ng bagong imprentang papel
na parang higop ng kape, hithit ng yosi.
Ilang minuto na ang nakalipas
at di pa rin ako makausad
sa ika-limang saknong ng tula ni Neruda.
Kandong ang anim na libro,
nakaipit ang daliri sa yugtong
Kung Saan Isinisilang ang Ulan
mula sa Isla Negra, nanikip ang aking dibdib.
Wala pa ring imik ang mga katabi:
Wala akong gunita
ng lupain o panahon,
ng bilang o mukha—
Patuloy ang paglabas-pasok
ng mga tao. Naghahalinhinan ang ugong
ng sasakyan at higing ng erkon,
nasasapawan ng stereo.
ang naiwan lamang
ay ang mailap na alikabok,
ang pagtatapos ng tag-araw,
at ang libingan kung saan
Magkakasunod-sunod
ang malalambing at mapupusok
na tugtog nina Eminem at 50 Cent,
ngunit walang nakakarinig
sa abalang mga mamimili
at papauwing pasahero.
dinala nila ako upang makita
kasama ng ibang puntod
ang himlayan ng aking ina.
Binati ang aking tingin
ng nakangiting tindera.
At dahil di ko pa nakikita
ang kanyang mukha,
tinawag ko ang kanyang pangalan
nang siya’y masilayan.
Nakatitig ang kaha rehistro.
Doon ko lang napansin ang lamig,
ang bigat ng mga aklat
at nangangawit na binti.
Di ko na masundan ang nakasulat sa pahina.
Nag-amoy abo at amag ang de-erkong hangin,
nalusaw ang mga kulay,
nawala sa pagkakatirik ang mga titik:
nagsanib ang lahat sa isang bola
ng tunaw na kandila.
At iyon, iyon ang sinuksukan ng mitsa—
ang kawalan ng pakiramdam, ang kawalang
saysay ng salita—
ng di-inaasahang simponiya
ni Johann Sebastian Bach:
nagliwanag ang tindahan ng aklat
na sinindihan ng biyulin, piyano, at plawta.
Tumigil sa pamamasada ang tren,
tumilapon ang garapon ng sinag
sa lamesa ng tanghaling-tapat.
Nagliparan ang mga dyaryo
sa sigabo ng pahina at resibong
isa-isang sinilaban,
naging dila ng apoy.
Biglang nagtalumpati ang mga bayani
sa papel na salaping nagsiliyab
bago nasawi at naging hangin.
Giniba ang mala-gusaling mga estante
ng isang dilubyo ng tag-init at ang naiwan
lamang ay ang mga kasama ko sa sofa,
ang tindera, ang labas-pasok
na namamasahe at nagpapalamig:
walang pangalan ang puntod
ng kanilang mga mukha.
Sa isang iglap,
nagsanib ang lahat ng aking gunita,
at sa alikabok na humihimlay
sa huling hapon ng tag-araw,
nasilayan ko ang sarili kong mukha:
isang mapa ng abuhing siyudad
na nilalandas
ng bumabahang liwanag.
Nang tumilà ang simponiya,
nanumbalik ang grabedad.
Ilang sandali ang lumipas bago ako nahimasmasan,
bago ako muling nakatayo
upang harapin ang nakasisilaw na pinto.
No comments:
Post a Comment