Saturday, June 25, 2011

Mula sa "Agaw-dilim, Agaw-liwanag" ni Lualhati Milan Abreu

Pabalik na ako sa aking kubo. Wala na akong kadena sa paa. Nanibago ako sa paglalakad. Bawat hakbang ay pinapakiramdaman ko, kinakatuwaan ko. Papalapit na ako sa mga kapwa ko bihag. Silang lahat ay nakamasid sa akin. Ako naman ay nakamasid rin sa kanila. Sa isang iglap, nagpalakpakan sila. Bigla kong naalala, dapat pala ay nakakadena pa ako, ayon sa usapan namin ng mga miyembro ng KT-KS. Nakalimutan naming lahat na ibalik ang aking kadena. Pero ngayon, napakatamis na awit ang dinig ko sa palakpak ng mga kasamang bihag at pinagdusa ng bangungot ng rebolusyon. At ngayon, sila ay sumisigaw:

"MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS! MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!"

Kasunod ng mataginting na pagbubunyi sa talibang organisasyon ng rebolusyong pinag-alayan naming lahat ng lahat-lahat, nagtayuan sila sa kanilang mga tarima, sa bato, sa lupa. Pumailanlang ang "Internasyonal". Nakiawit ako habang minamasid ang mga kamaong nakasuntok sa langit.

Kararating ko lang sa kubo nang may kasunod na akong guwardiya. May ibinulong sa espesyal na guwardiya namin. "Ikakadena ka muna uli. Alam mo naman daw ang rason. Luluwagan ko lang."

Masunurin naman akong sundalo lagi...

No comments: