Thursday, June 7, 2012

Tsubibo

Ni Miguel Paolo Celestial


Umangkas tayo sa tsubibong hugis pugita
matapos ng apat o lima pang sakay na lumusong
sa kuweba, gumulong parang bisikleta, at bumulusok
mula sa tuktok ng burol. Umikot at uminog
ang tsubibo tulad ng turumpong patuloy
na pumipihit. Nakapakò ang ating titig sa isa't isa.
Habang lumulubog at pumapaibabaw ang sasakyan,
kumikinang at pumupusyaw ang mga araw
sa iyong mga mata, sintingkad ng etiketa.

Pagbaba, umiikot pa rin ang perya, ang mga tao,
pati ang nahanap nating upuan. Sabay tayong
napaduwal, nalasahan ang pinagsaluhang
hapunan. Ngunit pagtayo at pagpunas ng panyo,
ayaw matanggal ang asim sa aking lalamunan.
Sumabit ang galamay ng asido. Patuloy na sinusunog
ng bituin ang dilim. Hindi ko alam kung iyon
ang huling gabing nagningning ang iyong pagtingin.

1 comment:

Yas Jayson said...

Kaunti ay nawala ako sa bandang dulo ng tula. Nang binasa kong muli, naintindihan ko ang ibig pakahulugan.

Ganito ang katangian ng isang magandang tula.