Ni Carlos M. Piocos III
Kinakailangan lamang ng dalawang tao
upang tuluyang mapaguho ang buong mundo.
At dito, sa loob ng iyong kuwarto,
tayo, tayong dalawa,
mga paham ng matatandang kaalaman,
ang magtatakda sa tadhana ng malawak nating uniberso.
Ngayong gabi, patutunayan ko sa iyo ang kapangyarihan
ng agham ng pagsasanib ng katawan, dito,
dito sa kuwadradong espasyo ng ating higaan.
Ito ang puwersa ng grabedad,
dalawang nag-aatubiling kamay sa balikat.
Halika: ang dikta ng puwersa,
humiga ka muna nang tama
ayon sa posisyon ng mga planeta’t tala,
bago natin simulan ang rebolusyon
sa kalawakan ng iyong kama. Astrolohiya,
o pagmamapa ng tamang galaw,
ng tamang ikot, ng tamang indayog
sang-ayon sa halina ng makikinang na araw
sa loob ng iyong mata: ang sentro ng galaksiya.
Susukatin ng aking daliri ang milya-
milyang agwat ng iyong labi,
ang heyograpiya ng katawang malikot
at walang tinag sa aking yakap.
Dito ang guwang ng balat,
ang pagwawatak-watak ng kalupaan,
ang mga maliligalig na kontinente kapag lumilindol
at nanginginig ang nagpupuyos na dibdib.
Dito ang lalim ng karagatan,
dito ang taas ng mga bundok,
dito ang dilim ng liblib na mga pook,
kapag lumalalim ang paghinga sa pagtulog.
Pag-aaralan ko ang mga kalamidad ng kalikasan,
ang mga sakuna, ang mga sinalanta
ng iyong pagtutulug-tulugan.
Ipaunawa mo sa akin ngayon ang kauna-unahan
at pinakamahalagang batas ng pisika:
Ang anumang puwersang ilalapat
sa kahit anumang bagay ay may katumbas
na puwersang manlalaban: parang siyensiya ng digmaan,
parang diyalektikang walang hanggan.
At ipapaunawa ko sa iyo
ang hiwaga ng mga kimika
sa hinalong gayuma ng aking bibig:
pakiusap, kahit isang halik.
Sapagkat ang aking laway ay gasolina
sa loob ng iyong bunganga,
at sasabog sa iyong puso
ang matagal nang naibaon na granada.
Ang bombang sisira sa buong daigdig
ay naisilid lamang sa loob ng iyong dibdib.
Tutuklasin natin ang sikretong mahika
ng matanda’t lihim na siyensiya ng alkimiya:
tingnan mo, tutubog ako ng isang butil ng ginto,
ng isang busilak na bagong-mundo,
sa dulo ng iyong dila.
No comments:
Post a Comment