Wednesday, April 11, 2012

Magdamag

Ni Miguel Paolo Celestial


1


Alas sais: nagsisilabasan na ang mga empleyadong pumasok
nang alas nuebe. Kung bagong suweldo, diretso sa bilihan ng pasalubong.
Ngunit ngayong karaniwang araw, bitbit ang baunan at ang de-takong
na sapatos, tutungo sa pila ng bus, ng tren, sa mga bangketang inangkin

ng FX. Palilipasin ang oras sa pakikinig ng huling dinownload, pagtantsya
ng ilulutong sahog, pag-aalala kung magkano ang matitira sa huling kinsenas
matapos ang kaltas ng hinuhulugan. Kung hanggang kailan bago taasan
ang sahod. Ngunit tuwing alas sais, mabagal ang usad ng trapik.

Niyayakap ng alikabok ang usok na nag-iipon sa kalsada. Makakatulog
ang empleyadong takip ang mukha ng panyo. Biglang magigising sa busina
ng nagkumpulang sasakyan o sa tinig ng nagsusukling tsuper.
Hihigpitan ang kapit sa nabitawang hawakan, sa bag at dala-dalahin.



2


Alas siyete: nagsisimula nang pumasok ang panggabing gumising
kaninang hapon at nag-almusal sa takipsilim. Habang ang iba’y
nangangating umuwi, maghihilamos at magtitimpla ng kape
kasabay ng mga katrabaho at kliyente sa Estados Unidos.

Tatlo ang orasan sa opisina, hanggang lima ang puntó ng Inggles.
Ilang palapag ang sakop ng kumpanya ng di lang agent, pati na rin
accountant, technician, at manunulat. Nakatutok lahat sa email
at headset. Lalabas lamang para magyosi at magpainit, sasairin

ang ikalawang tasa ng pampagising. Mula sa ika-42 palapag, may sariling
konstelasyon ang ilaw ng mga gusali. Sa ibayo, humihimbing
ang anak at kapatid na pinag-aaral at pinapalaki. Uuwi ang panggabi
bago lumiwanag. Ipagluluto ang mga bata bago bumalik sa kama.



3


Alas otso: patuloy sa paggawa ang mason. Hinahalo ang graba,
buhangin, at sementong ibubuhos sa bakal para sa haligi ng condo.
Halos tatlong daan silang hinatid dito ng trak, nakatayo’t siksikan.
Inilagak sa malaking butas sa lupa kasama ng iba pang piyon.

Sa loob ng yerong bakuran, mga higanteng makinang nagbubungkal,
nagbubuhat ng baras na binabarena ng obrero. Nababalot lahat
ng alikabok, namumuo ang putik sa sapatos at pantalon. Inilalatag isa-isa
ang mga palapag ng manggagawang saklob ang kamiseta sa mukha.

Umaalingawngaw ang martilyo sa kalsada. Tumitilamsik ang apoy.
Minsan, may nahuhulog na trabahador habang nagkakabit ng bintana.
Inililigpit kasama ng kagamitan. Itinatapon lamang ang kahoy ng iskafolding
na nagiging dingding, poste, at sahig ng kanilang mga tahanan.



4


Alas nuebe: umupo sandali ang bata sa anino ng waiting shed.
Imbes na bunsong kapatid ang bitbit, isang kaha ng yosi at kendi.
Palaboy-laboy ang isipan nang di mapansin ang úhaw at kalam.
Nagbara ang mga dahon sa bunganga ng kanal, nagtapal-tapal.

Itim ang tubig na tinubuan ng lumot. Sa kanyang isip, mababangga
at babaliktad ang trak ng basurang magkakaloob ng grasya.
Ngunit patuloy lamang ang pagkaripas, tangay ang alikabok
at balat ng tsitsirya. Pinagmamasdan ng uhugin ang asong nakatali

sa harapan ng duplex. Ikot nang ikot, umiikid sa poste ang kadena.
Namimilipit ang askal hanggang sa wakas tutuwad at eechas.
Nagagasgas ang kuko sa pagkahig sa kongkreto. Inaamoy-amoy
ang platong kanina pang sinaid. Sasalok ang paslit ng tubig sa lubak.



5


Alas diyes: tumabi na sa gilid ng bangketa ang naglalako ng mineral,
sigarilyo, at shingaling. Nag-aabang ng mga bumababa sa overpass.
Nakapuwesto na sa harap ng construction site ang nagtitinda ng lugaw
at tinapay sa ilaw ng gasera. Kanina pa nakauwi ang nagtutulak ng kariton

ng pakwan at pinya, ng umuusok na mani at mais. Wala na rin ang trapik
na suki ng nagtitinda ng iskrambol at ice candy. Lumipat na sa terminal
ng FX at dyip ang nagpiprito ng fishball. Pinalitan ng magbabalut
ang magtatahong rumoronda sa mga eskinita. Ngunit nakapirmi

ang naglalatag ng damit, payong, at DVD sa de-tiklop na lamesa
sa gitna ng tawiran, ang nagtitinda ng tuwalya, pitaka, at sinturon
sa ilalim ng hagdan. Dito na sila inaabutan ng antok, ipinang-uunan
ang di naibentang isinasaksak sa bayong. Ipinangkukumot ang karton.



6


Alas onse: magbabago ang oras paglapag ng eroplano sa Abu Dhabi.
Ika-anim na flight na ito ng stewardess mula nang umalis ng Maynila.
Kahahatid lang ng kumot sa nakatatandang mag-asawa sa First Class.
Makakaidlip pa siya bago ihanda ang hapunan ng mga pasahero.

Kahihiga lang ng seaman sa kanyang bunk bed matapos magbakyum
ng alpombra ng tatlong restawran. Mamaya na niya aasikasuhin ang mantsa
ng natapong alak, ang mga mantel na nakasalang sa washing machine.
Kailangan niyang gumising bago dumaong ang bapor sa Barbados.

Wala pang túlog ang hostess sa Roppongi ngunit di ito halata sa mapupula
niyang pisngi, sa ngiting umaamo sa kanyang kliyenteng nagsisimula nang
tubuan ng uban. Sa pagitan ng kanyang putol-putol na Nihonggo, pinipisil-
pisil ang mga kamay ng negosyanteng gumagapang sa kanyang kimono.



7


Alas dose: katatabi lang ng katulong ng labada, pinggan, at laruan.
Tahimik sa bahay ng kanyang amo. Pabalik sa kanyang kuwarto,
nangangawit ang likod sa kapupunas ng muebles, kapapakintab
ng sahig, at kalalampaso ng marmol. Malalalim ang mata, pasmado

ang katawan. Pagbaba ng hagdan, umaalingawngaw sa kanyang isip
ang pagtulo ng kaaayos na gripo. Umiiyak pa rin si bunso.
May ipinahahanap si kuya sa loob ng kotse. Tinatawag pa rin siya
ng senyora mula sa sala. Mahahaba ang anino ng babasaging antigo,

tila sinusundan ang kanyang mga hakbang. Sapat lang ang lugar
sa kanyang silid para sa kama at aparador. Wala na siyang lakas
para maligo o magbihis. Imbes na dasal, inuulit niya ang mga pangalan
ng kanyang mga anak, magulang, kapatid, at asawang iniwan sa Pilipinas.



8


Ala una: kararating lang ng tatlong Marya sa bangkô sa Greenbelt 3.
Mahahaba ang buhok, maiikli ang bestida. Panay ang tingin sa salamin
sabay sulyap sa madidilim na sulok ng Café Havana. Ilalabas sandali
ang cellphone, kunwari may kinakausap. Sumasayaw ang ilang turista

at expat. Pinagmamasdan ng mapipilantik na mata ang mga lamesa.
Tatayo ang isa, nakapamewang. Lalapitan ang dalawang puting mamang
maluluwang ang kamiseta, naka Reebok at Adidas. Susundan nila
ang nakatakong at pekeng Vuitton. Hawak ng isa ang kamay ng puta.

Magsisigarilyo ang dalawang natirang Marya. Aaligid sa ilalim ng poste,
sa harap ng nagsarang tindahan. Kakagatin ang pulang kuko. Minsan lang
may sabay na booking ang tatlo. Kilala na sila ng barista ng Starbucks
na bumabati lamang kapag walang nakatingin sa mga suking pokpok.



9


Alas dos: tatlumpu’t dalawang oras nang gising ang nars na naka-duty
sa ospital. Di makaalis dahil sa daloy ng pasyente. May nagdala ng aleng
nabundol sa highway, basag ang balakang. Nasunog ang balikat at pisngi
ng binatilyong nagpasiklab ng tumatagas na tangke. Isinugod ang laláking

sinaksak sa tagiliran. Tumitili ang inang malapit nang manganak.
Di maláman ng staff kung sino ang uunahin. Nakahandusay sa kandungan
ng dalaginding ang kanyang nilalagnat na kapatid na halos mawalan ng ulirat.
Kulang ang gamot. Marami nang pinauwi. Naka-ilang dukot na ang nars

ng sarili niyang guwantes at hiringgilya. Humihiyaw ang pasyenteng humihingi
ng anestisya. Gusto nang umalis ng bagong gradweyt para makapagpahinga.
Papatayin ang pager, isasara ang bintana. Ngunit pagbukas niya ng mata,
nakita ang matandang ilang patak na lang ang natira sa nakakabit na suwero.



10


Alas tres: pasan ng patáng matadero ang bangkay ng baboy na simbigat
ng di-magising na alapaap. Tabi-tabing ikinalawit ang mga kinatay.
Nakahilata sa bangketa ang mga manggagawang nanggigitata ang damit
sa dugo, sa lustay na lakas, at sa pagkahapong tagos sa buto.

Nilalangaw ang basyo ng Red Horse. Malapot ang daloy papuntang estero.
Patuloy ang pag-hose sa mga dingding na kanina lang ay pinuno ng igik
ng inahin, biik, at barakong isa-isang pinatahimik. Sinabit patiwarik, ginilitan
ang leeg, at hiniwa para lumuwa ang laman. Putimputi ang bilog na buwan.

Nagkulta ang mga anino sa kalsada. Mamasa-masa ang sampay
ng kapitbahay. Naghuhugas ng kamay ang matadero. Paalis na ang sasakyan
papuntang palengke. Walang sumunod ng tingin pagkalampag ng tambutso.
Hanggang litid ang pagod. Maihahain lamang ng sahod: betamax at lamanloob.



11


Alas kuwatro: nasa dyip pa ang hininga ng kabababang lasing.
Di pa nahihimasmasan ang alikabok ng kalsada. Kasasakay lang ng magtataho,
manininda, at de-bayong na kusinera. May matang tila bumbilya ang walang
takot na masagasaang paslit. Nag-aalmusal ng yosi ang tsuper.

Patse-patse ang kaha ng sasakyan, kalawangin. Di na mabása ang pusyaw
na patalastas sa lumang tarpolin ng upuan. Tulog pa sa harap ang mag-inang
magbibilang at magsusukli ng barya, magtatawag ng biyahe. Unti-unting tinutuklap
ng liwanag ang gabi. Katataas na naman ng presyo ng langis.

Nagsisimula nang mamasahe ang mag-aaral at empleyadong may bitbit
na dyaryo. Nakatiklop sa sariwang iskandalo. Tuyo na ang sampagitang nagbuhol
sa rosaryo. Mamaya, may mga batang lalampaso sa sahig, magpupunas
ng sapatos at manlilimos. Tatalon sa kalsada. Pagbalik, iba na ang mukha.



12


Alas singko: nakahanda na ang barikada sa bungad ng barangay
na pangalawang beses nang babalikan para sa demolisyon. Ginawang
tungkod ng plywood ang dos por dos na ipinamahagi rin para pantapat
sa arnis ng pulis. Ilang metro sa likod ng harang ang tambak ng gamit:

higaan, muebles, kalan, kubyertos, kurtina, timba, at anupang maisasalba.
Lahat ng unti-unting naipon sa ilang taon ng pagkayod: bentilador, damit,
lamesa, TV. Sako-sakong kagamitang tinatakpan ng trapal. Nakaupo
sa mga bangkô ang nakatatanda. May bimpo sa balikat, kinakabahan

dahil nagsidatingan na ang mga van lulan ang helmet, teargas, at kalasag.
Dito rin isasakay ang mga poposasan. Pagdakot ng mga iskwater ng almusal,
dumating ang bumbero. Kumikinang ang sikat ng araw sa mga molotov.
Sapat na ang liwanag para dumampot ng bato, magtungkab ng kongkreto.

No comments: