Kanina pa naghihintay ang helikopter
sa rooftop ng Allied Bank sa Ayala Ave.,
walang patay ang makina at eliseng sumasabay
sa ingay ng lonmower ng hardinero dito
sa Ayala Triangle Gardens. Kasama sa koro ang harurot
ng trapik, ang pagkalabog ng mga mason sa isa
sa maraming itinatayong gusaling aangkin
sa sariling kuwadrado ng langit.
Nagdadaldalan ang mga naglalakad lampas
sa kapihan, ang bawat lagatok ng takong ay tandang
padamdam. Kumakaluskos ang dyaryo ng nagsisigarilyong
de-barong. Sumusunod sa kumpas kahit ang hangin
sa hardin. Maaliwalas sa lilim ng punò sa damuhan.
Pagdating ng hapon, lalabas ang mga yaya karga-karga
o tulak-tulak ang mga anak ng expat. Magsisimula nang
magjaging ang mga empleyadong maagang lumabas.
May maglalatag ng mantel sa tabi ng akasya,
magmemeryenda. Matapos ang siyesta, may darating
na munting bisikleta. Malimit may ipinapasyal na ásong
laging may tagapulot ng dumi. Ikot nang ikot
ang mga nag-eehersisyo, makukulay ang suot na sintingkad
ng mga eskulturang nakapalibot sa mga bangkô.
Laging hanggang tatlo ang rumorondang sekyu sa perimetro.
Minsan may isang aleng mahaba ang uban, walang pusód,
at naka tsinelas na tahimik na umupo sa isang sulok.
Hinahalukay ang kanyang gamit sa loob ng ilang bag
at plastik. Nagwalâ nang nilapitan ng unipormadong
mamàng humawak sa kanyang braso. Napatingin
ang mga dumaraang nakiusyoso. Lalong nagalit
ang matanda nang may ibinulong ang sekyu. Nagdadabog
na tumayo at ipinagmumumura pati ang mga usiserong
isa-isa namang nagpatuloy sa paglakad at pagtakbo.
Umiiling-iling, muling gumaan ang pakiramdam pagkalayo.
Bihirang hindi bagong tabas ang halaman sa kalagitnaan
ng parke, iba’t iba ang korte. Tuwing mangangalirang
ang damo, kagad papalitan ng pari-parisukat na punla.
Sa gilid ng lote, naglalagas ng apoy ang kabalyero.
Mataas ang rehas na ikinakandado pagsara
ng mga opisina at restawran. May bahagharing kumikinang
sa tubig ng fountain sa harap ng Ayala Tower One.
No comments:
Post a Comment