11:58
Gumagapang ang anino sa dingding,
gagambang ginambala ng hangin.
Maghahatinggabi, tumutulo ang tubig
sa lababo ng katahimikan.
Pumapatak ang mga sandali, dumadaloy
patungo sa ilog ng panaginip.
Nagbubuhangin ang aking oras,
idinidikdik ng bumibigat na kumpas,
nag-iipon na pulbong tinitikman
ng yumuyukong butiking tumitiktik.
Ilang minuto, ilang araw at linggo
ganitong napapatigil, napapatunganga
sa dyip, opisina, almasen, at simbahan
tulad ng pagtitig sa salaming
walang ibinabalik? Laging may simoy
na kumakaluskos sa mga dahon:
sinasalat ng aking mga daliri ang mga bagay
habang nilulusong ang kalsada
ng tao, busina, alikabok, at etiketa.
Ngunit sa bawat pag-uwi di mawari
kung ano ang nadama. Laging dumadapo
ang kutob na sa bawat araw na lumubog
papalayo nang papalayo ang aking anino,
ang aking kamay sa pinto.
07:15
Bumubusina na ang basurero. Isa-isang
ilusot ang mga butones ng polo, higpitan
ang relo sa pulso at kurbata sa kuwelyo.
Hiwaan ng hati ang buhok habang hinihiwalay
ang sariling para lamang sa trabaho. Itupi at ibulsa
ang tinig kasama ng inalmirol na panyo.
Ilaklak ang kape habang nilalanghap
ang umaga sa isang buntonghininga. Wala nang
oras umupo sa almusal. Pagsilip sa bintana,
sumasayaw ang sinag sa dahon ng bugambilya.
Walang bihis ang liwanag na binabati ng huni,
walang sukat na awit ng maya. Sumasabit sa tinik
ng bulaklak ang aking lalamunan. Paglampas
ng tarangkahan, nakaalis na ang mga tagahakot.
Tangay ng trak pati ang aking lakas na lumingon.
2:06
Sinusundan ang yapak at yabag ng dumaraang tao,
ang nalalagas na mga salita habang sunod-sunod
na pinapatay ang sindi ng mga tindahan.
Para akong dayong nag-aabang ng kapalaran
sa mangilan-ngilang upuan ng kapihan, di maalala
ang pagkakapadpad. Isinusulat sa napkin
ang bulong ng simoy, ang hiling ng usok,
ang pahimakas ng dahong tinangay ng humarurot.
Kumakalansing ang inililigpit na kubyertos,
sumasagi sa platito, sa tasang pinaglatakan
ng kape. Lumulutang sa maulap na himpapawid
ang mga bituin tulad ng múmo sa sabontubig.
Namimitig ang binti ng lamesa. Malamig ang rabaw
na marmol sa aking pisngi. Magbabakas sandali
ang init. May pingas ang baso, mapait na lasang
naiwan sa bibig. Walang kahulugang ikinukubli ang gabi.
Dumarating ang alinlangan tulad ng madalang
na sasakyan. Para akong palitadang di alam
kung anong dumaraan, nararamdamang dumadagan.
12:10
Please flush the toilet after use. Properly dispose tissue
paper in the trash bin. Turn the lights off as you leave.
Pagtingin sa salamin, walang nakikita kundi ang laman
ng banyo ng kapihan, ang ilaw ng bumbilyang kumikinang
sa baldosa. Isa-isang bumabalik ang tila pinagdugtong-dugtong
na mata, ilong, bibig. Sandaling iniwan ang opisina
para mananghalian, nangangawit pa rin ang aking isip.
Paglabas, kulay plema ang araw sa lalamunan
ng tabi-tabing gusali. Paglingon sa kabilang lamesa,
binugahan ng usok ng sigarilyo ang aking mukha.
Pinaiigting ang init ng tanghali ng garalgal
ng motor at lutong ng malapapeles na pag-uusap.
Napupusyaw ng ingay ng negosasyon, miting, at tsismis
ang kulay ng kotse, kurbata, at pananamit. Abuhin
pati ang lumiligid-ligid na sulyap, mapagkuwentang
mga tingin. Hanggang dito kaharap ko pa rin ang iskrin.
Nalalasahan ang pasta ng naipulupot kong dila, nilulunok
ang naiwang asim ng pakutkot-kutkot na pananalita.
Kahit karton, goma, at plastik, wala na akong di kayang nguyain.
Natutuhan ko na ring paliitin ang tinig at patalasin ang ngipin.
1:46
Kinakalmot ng nakapasok na daga ang kisame.
Nagsusugat ang dalumat. Nasasagi ng pusa
ang taob na palanggana. Nagsisilabasan ang mga anino
sa panaginip. Sinusundan ng langgam ang bakas ng bahaw,
manaka-nakang napapatid ang landas. Nakapulupot
sa kawad ang saranggolang di magising ng simoy.
Mabalahibo ang alunignig. Pinupunit ng paniki
ang nisnis na alpombrang sinusulsi muli ng kaluskos
sa kalsada. Sinu-sinulid ang ulan sa aking isip,
dumadaloy sa mala-kidlat na bitak ng lupa.
Natatastas ang tahi sa pagitan ng araw at gabi,
ng pagtulog at paggising. Umuungol ang alkantarilya
sa ilalim ng sahig habang dumaraan ang nanginginaing ulap.
Tumatahol ang asong nakapikit. Di ako makabangon
mula sa bangungot, dahan-dahang nalulunod.
5:45
Nagwawala ang mga tandang. Di lang tigatlo
ang tilaok kundi tatlong libo. Ginigising ang siyudad
na itinatwa ang sarili magdamag. Parang walang katapusang
pagwangwang ng ambulansiyang di mahanap
ang biktima ng disgrasya. Muntik na akong mahulí
sa trabaho. Tumakbo pagbaba ng dyip, pumasok
ako sa opisinang tumutulo ang pawis. Di inaasahang
maaninaw ang larawan ng sarili nang dumaan
sa likod ng salamin ang isang mamang nakaitim.
Pag-akyat, inilapat ang daliri sa biometrics machine.
Sa almasen pagdating ng tanghali, nadatnan ko sa katabing
construction site ang malalaking makinang naghahalo
ng kongkreto at naghuhukay ng lupa. Tumitilapon ang graba.
Sumisigabo ang alikabok mula sa tinitibag na dingding
ng dáting nakatayong gusali. Nagmamartilyo ang init.
Nagmamadali para masulit ang oras, bigla akong napatigil
nang muling nasilayan ang sarili sa nakasisilaw
na sinag. Nagkalat ang lamat sa malapit nang mabasag
na salamin ng liwanag. Panay hiwa ang aking mukha.
Bumalik ang pagtilaok sa tainga, naging nakaririnding
alarma. Naghubog katawan ang mga bato
sa bundok ng tambak na nagbabantang gumuho.
Lumabas sa aking pandinig ang nag-ipong buhangin.
3:59
Nagpapalimos ang isang kamay ng orasan.
Nangangatog ang mga dingding ng bahay, nirarayuma
ang mga haligi. Ngalumata ang naiwang bukás
na bintana. Pagsakay ko ng dyip kaninang alas singko,
unti-unting natunaw ang lamig galing sa opisina.
Dahan-dahang nakapag-unat ang nangangawit
kong utak. Mabilis napuno ang sasakyan ng usok.
Gasgas ang hininga ng hanging tumatangay sa dahon.
Paos ang huni ng ibon. Umuwi akong may galos sa dibdib.
Nagising ako kani-kanina mula sa panaginip ng nililipad
na papeles, diyaryo, resibo, at kaha ng sigarilyong
nagbunton sa paanan ng muhon. Isa-isa silang dumapo
sa katabing Pasig na nangitim sa basura at langis.
Nagpatong-patong hanggang natakpan ang lawas ng tubig.
Pagbangon at pagpunta sa banyo, nakita kong nagsilabasan
ang alupihan, bulate, at ipis. May biyak na kawangis
ng gagamba ang seramikang baldosa.
Habang naghihilamos, tila may ibinubulong ang lamok.
Di ko matandaan saan nailapag ang susi, panyo, at pitaka.
6:25
Hinihingal sa treadmill, hinihintay ko ang ikatlong kilometro
bago punasan ang pawis. Samantala, salit-salit
na sinusubaybayan sa magkakatabing telebisyon ang balita,
Olympics, safari sa Africa, at ang bagets na bumibirit
ng pinagpraktisang kanta. Patuloy sa pagtakbo.
Inaabangan ko ang pamumulikat ng binti at hita,
ang pamimilipit ng tagiliran, ang pag-apoy ng lalamunan.
Tinitiis ang bumibigat at pahiráp nang pahiráp na hakbang,
ang pagkaladkad ng paa hanggang dumating ang pag-ibayo
ng lakas. Sa dulo ng pandama, nalilimutan ko ang pinapanood,
di marinig kahit ang sariling hininga. Pagsilip ko sa bintana,
natutunaw ang abot-tanaw. Nagsasanib sa dagat ng ulirat.
Ngunit bago pa masisid ng aking pinaka matuling tibok
ang lurok ng pangitain, natutuyo ang tubig. Muling tumataog
ang malakas na tugtugin ng gym, ang walang kurap na palabas,
ang nanlalagkit kong balat. Sa ilalim ng shower,
walang laman ang aking isip. Sumisingaw ang init ng katawan.
Pagpunas ng tuwalya, maaalala ang uhaw at gutom.
Ang oras na magtatakda ng umaga hanggang hapon.
8:03
Sa inip at pagkabagot, nagawa kong bilangin ang puting
buhok ng nakatalikod sa elevator, kilatisin ang kanyang nunal
sa batok. Naaamoy ko ang ipinangmeryenda ng katabing
malalim huminga, ang nanaig sa kanyang deodoran.
Mukhang naparami ang nahulí sa pag-uwi. Tahimik lahat
habang hinihintay sumakay ang mga pasahero ng bawat
buksang palapag. May mapapahatsing na pipiliting magtimpi,
may tititig sa kisameng di nabibisita ng butiki. May hihikab
na manghahawa ng isa o dalawang kapuwa inaantok.
Bumibigat ang mga bag sa pagód na balikat. Di maiiwasang
may masagi, may matapik na braso o likod. May tatapak
sa aking sapatos. Di mapakali ang halos magniig na nagsisiksikan.
Paglapag sa sahig, o sa parking, kakalikutin ang susi sa bulsa.
Ilalabas ang cellphone at magsisimulang pumindot. Bubuksan
ang mga kalupi ng papuntang ATM, fastfood, at dyip. Mabilis
mawawala sa isip ang biyahe pababa ng gusali: mula bibig,
lalamunan, at labasan. Uuwi ang bawat isang said na said.
12:00
Tinititigan nang tinititigan ng araw ang kanyang sarili
sa isang libo't isang salamin ng mga gusali habang inaakyat
ang rurok ng tanghali. Naaaninaw ang sinag sa imahen
ng imahen. Ibinabalik ang liwanag hanggang tatlong beses.
Hindi káyang titigan ng tagamasid ang langit
nang di nabubulag. Sapat nang mainitan, masilaw sa bubog.
Malas na lang ang dagâng tumingala mula sa labas
ng kanyang lungga. Di napigilang buksan ang kanyang mata.
Pisampisa, tila manggang sumabog ang laman
at naiwan na lamang ang mabuhok na butong dinugtungan
ng buntot. Napagod na siguro sa kahahanap ng matatakasan
sa loob ng labarinto ng lungsod. Humimpil at suminghap
ng mausok na hanging walang alam na kaliwa o kanan.
Tumigil sa karipas ng karera, tumingala. Sinagasaan.
No comments:
Post a Comment