Monday, April 30, 2012

Kitakits sa McDo

Ni Miguel Paolo Celestial


Kung ikaw ay nalulumbay o punô ng stress,
pisilin mo ang lahat ng ketsap sa maliliit
na pakete at isawsaw isa-isa o tigalawa
ang paboritong Twister Fries. Malilimutan mo
ang problema sa sarap. Lalo kung sasabayan
ng malamig na baso ng Coke, yung punô
ng kumakalatok na yelo. Go Large nang di mabitin
sa manamis-namis na pananggal-umay
na bagay na bagay sa pinirito at mamantikang happiness.
Kapag saksákan naman nang init, patunawin lamang
ang sorbetes sa McFloat at lasapin sa bawat
sipsip ang malapot na pampalamig. Itodo
ang ngilo sa McFlurry na may pira-pirasong Oreo.
Huwag ka nang mainis sa iyong boss.
Umorder na lang ng Big Mac sa 8-McDo.
Mapapawi ang iyong galit sa 100% pure beef.
Sigurado ka pang mabubusog. Kung may nakipag-
breyk at nagdurugo ang iyong puso, naluluha
ka pa rin tuwing siya ay maisip, gawing Double
ang iyong Cheeseburger. Para siya ang magselos.
Huwag ka nang malungkot kung laging ubós
ang iyong pera. Abot-kaya ang beinte-singkong
McSavers at singkuwentang McSavers Meals.
Kung magipit ka man, mabilis lang pag-ipunan.
Samantala, pumunta ka muna sa pinaka malapit
na panaderya at isipin mo na lang Hamdesal yan!

Saturday, April 28, 2012

Sa Ayala Triangle Gardens

Ni Miguel Paolo Celestial



Kanina pa naghihintay ang helikopter
sa rooftop ng Allied Bank sa Ayala Ave.,
walang patay ang makina at eliseng sumasabay
sa ingay ng lonmower ng hardinero dito
sa Ayala Triangle Gardens. Kasama sa koro ang harurot
ng trapik, ang pagkalabog ng mga mason sa isa
sa maraming itinatayong gusaling aangkin
sa sariling kuwadrado ng langit.

Nagdadaldalan ang mga naglalakad lampas
sa kapihan, ang bawat lagatok ng takong ay tandang
padamdam. Kumakaluskos ang dyaryo ng nagsisigarilyong
de-barong. Sumusunod sa kumpas kahit ang hangin
sa hardin. Maaliwalas sa lilim ng punò sa damuhan.

Pagdating ng hapon, lalabas ang mga yaya karga-karga
o tulak-tulak ang mga anak ng expat. Magsisimula nang
magjaging ang mga empleyadong maagang lumabas.
May maglalatag ng mantel sa tabi ng akasya,
magmemeryenda. Matapos ang siyesta, may darating
na munting bisikleta. Malimit may ipinapasyal na ásong
laging may tagapulot ng dumi. Ikot nang ikot
ang mga nag-eehersisyo, makukulay ang suot na sintingkad
ng mga eskulturang nakapalibot sa mga bangkô.

Laging hanggang tatlo ang rumorondang sekyu sa perimetro.
Minsan may isang aleng mahaba ang uban, walang pusód,
at naka tsinelas na tahimik na umupo sa isang sulok.
Hinahalukay ang kanyang gamit sa loob ng ilang bag
at plastik. Nagwalâ nang nilapitan ng unipormadong
mamàng humawak sa kanyang braso. Napatingin
ang mga dumaraang nakiusyoso. Lalong nagalit
ang matanda nang may ibinulong ang sekyu. Nagdadabog
na tumayo at ipinagmumumura pati ang mga usiserong
isa-isa namang nagpatuloy sa paglakad at pagtakbo.
Umiiling-iling, muling gumaan ang pakiramdam pagkalayo.

Bihirang hindi bagong tabas ang halaman sa kalagitnaan
ng parke, iba’t iba ang korte. Tuwing mangangalirang
ang damo, kagad papalitan ng pari-parisukat na punla.
Sa gilid ng lote, naglalagas ng apoy ang kabalyero.
Mataas ang rehas na ikinakandado pagsara
ng mga opisina at restawran. May bahagharing kumikinang
sa tubig ng fountain sa harap ng Ayala Tower One.


Eksena

Ni Miguel Paolo Celestial



Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una. Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras, marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, titingnan ako patagilid ng sekyu. Pipindutin ko ang elevator tulad ng pagpindot ng microwave na nagpapainit sa anumang lumamig. Dadaan tayo sa pasilyo ng magkakamukhang pinto. Minsan, di ko maaalala ang iyong pangalan, ang kalsada lamang at kung paano makarating sa iyong tirahan. Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid, nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson sa sahig at may dalawang double-deck: pansamantalang tulugang sasapat sa pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong buy-one-take-three. Kapag natapos na ang lahat aabután mo ako ng isang baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati, Nag-enjoy ka rin ba? at ang isasagot ko uli ay Matagal na ba kayong dito nakatira?

Araw Gabi

Ni Miguel Paolo Celestial




11:58


Gumagapang ang anino sa dingding,
gagambang ginambala ng hangin.
Maghahatinggabi, tumutulo ang tubig
sa lababo ng katahimikan.
Pumapatak ang mga sandali, dumadaloy
patungo sa ilog ng panaginip.
Nagbubuhangin ang aking oras,
idinidikdik ng bumibigat na kumpas,
nag-iipon na pulbong tinitikman
ng yumuyukong butiking tumitiktik.

Ilang minuto, ilang araw at linggo
ganitong napapatigil, napapatunganga
sa dyip, opisina, almasen, at simbahan
tulad ng pagtitig sa salaming
walang ibinabalik? Laging may simoy
na kumakaluskos sa mga dahon:
sinasalat ng aking mga daliri ang mga bagay
habang nilulusong ang kalsada
ng tao, busina, alikabok, at etiketa.
Ngunit sa bawat pag-uwi di mawari
kung ano ang nadama. Laging dumadapo
ang kutob na sa bawat araw na lumubog
papalayo nang papalayo ang aking anino,
ang aking kamay sa pinto.



07:15


Bumubusina na ang basurero. Isa-isang
ilusot ang mga butones ng polo, higpitan
ang relo sa pulso at kurbata sa kuwelyo.
Hiwaan ng hati ang buhok habang hinihiwalay
ang sariling para lamang sa trabaho. Itupi at ibulsa
ang tinig kasama ng inalmirol na panyo.

Ilaklak ang kape habang nilalanghap
ang umaga sa isang buntonghininga. Wala nang
oras umupo sa almusal. Pagsilip sa bintana,
sumasayaw ang sinag sa dahon ng bugambilya.
Walang bihis ang liwanag na binabati ng huni,
walang sukat na awit ng maya. Sumasabit sa tinik
ng bulaklak ang aking lalamunan. Paglampas
ng tarangkahan, nakaalis na ang mga tagahakot.
Tangay ng trak pati ang aking lakas na lumingon.



2:06


Sinusundan ang yapak at yabag ng dumaraang tao,
ang nalalagas na mga salita habang sunod-sunod
na pinapatay ang sindi ng mga tindahan.
Para akong dayong nag-aabang ng kapalaran
sa mangilan-ngilang upuan ng kapihan, di maalala
ang pagkakapadpad. Isinusulat sa napkin
ang bulong ng simoy, ang hiling ng usok,
ang pahimakas ng dahong tinangay ng humarurot.
Kumakalansing ang inililigpit na kubyertos,
sumasagi sa platito, sa tasang pinaglatakan
ng kape. Lumulutang sa maulap na himpapawid
ang mga bituin tulad ng múmo sa sabontubig.

Namimitig ang binti ng lamesa. Malamig ang rabaw
na marmol sa aking pisngi. Magbabakas sandali
ang init. May pingas ang baso, mapait na lasang
naiwan sa bibig. Walang kahulugang ikinukubli ang gabi.
Dumarating ang alinlangan tulad ng madalang
na sasakyan. Para akong palitadang di alam
kung anong dumaraan, nararamdamang dumadagan.    



12:10


Please flush the toilet after use. Properly dispose tissue
paper in the trash bin. Turn the lights off as you leave.
Pagtingin sa salamin, walang nakikita kundi ang laman
ng banyo ng kapihan, ang ilaw ng bumbilyang kumikinang
sa baldosa. Isa-isang bumabalik ang tila pinagdugtong-dugtong
na mata, ilong, bibig. Sandaling iniwan ang opisina
para mananghalian, nangangawit pa rin ang aking isip.
Paglabas, kulay plema ang araw sa lalamunan
ng tabi-tabing gusali. Paglingon sa kabilang lamesa,
binugahan ng usok ng sigarilyo ang aking mukha.

Pinaiigting ang init ng tanghali ng garalgal
ng motor at lutong ng malapapeles na pag-uusap.
Napupusyaw ng ingay ng negosasyon, miting, at tsismis
ang kulay ng kotse, kurbata, at pananamit. Abuhin
pati ang lumiligid-ligid na sulyap, mapagkuwentang
mga tingin. Hanggang dito kaharap ko pa rin ang iskrin.
Nalalasahan ang pasta ng naipulupot kong dila, nilulunok
ang naiwang asim ng pakutkot-kutkot na pananalita.
Kahit karton, goma, at plastik, wala na akong di kayang nguyain.
Natutuhan ko na ring paliitin ang tinig at patalasin ang ngipin.



1:46


Kinakalmot ng nakapasok na daga ang kisame.
Nagsusugat ang dalumat. Nasasagi ng pusa
ang taob na palanggana. Nagsisilabasan ang mga anino
sa panaginip. Sinusundan ng langgam ang bakas ng bahaw,
manaka-nakang napapatid ang landas. Nakapulupot
sa kawad ang saranggolang di magising ng simoy.

Mabalahibo ang alunignig. Pinupunit ng paniki
ang nisnis na alpombrang sinusulsi muli ng kaluskos
sa kalsada. Sinu-sinulid ang ulan sa aking isip,
dumadaloy sa mala-kidlat na bitak ng lupa.
Natatastas ang tahi sa pagitan ng araw at gabi,
ng pagtulog at paggising. Umuungol ang alkantarilya
sa ilalim ng sahig habang dumaraan ang nanginginaing ulap.
Tumatahol ang asong nakapikit. Di ako makabangon
mula sa bangungot, dahan-dahang nalulunod.



5:45


Nagwawala ang mga tandang. Di lang tigatlo
ang tilaok kundi tatlong libo. Ginigising ang siyudad
na itinatwa ang sarili magdamag. Parang walang katapusang
pagwangwang ng ambulansiyang di mahanap
ang biktima ng disgrasya. Muntik na akong mahulí
sa trabaho. Tumakbo pagbaba ng dyip, pumasok
ako sa opisinang tumutulo ang pawis. Di inaasahang
maaninaw ang larawan ng sarili nang dumaan
sa likod ng salamin ang isang mamang nakaitim.
Pag-akyat, inilapat ang daliri sa biometrics machine.

Sa almasen pagdating ng tanghali, nadatnan ko sa katabing
construction site ang malalaking makinang naghahalo
ng kongkreto at naghuhukay ng lupa. Tumitilapon ang graba.
Sumisigabo ang alikabok mula sa tinitibag na dingding
ng dáting nakatayong gusali. Nagmamartilyo ang init.
Nagmamadali para masulit ang oras, bigla akong napatigil
nang muling nasilayan ang sarili sa nakasisilaw
na sinag. Nagkalat ang lamat sa malapit nang mabasag
na salamin ng liwanag. Panay hiwa ang aking mukha.
Bumalik ang pagtilaok sa tainga, naging nakaririnding
alarma. Naghubog katawan ang mga bato
sa bundok ng tambak na nagbabantang gumuho.
Lumabas sa aking pandinig ang nag-ipong buhangin.



3:59


Nagpapalimos ang isang kamay ng orasan.
Nangangatog ang mga dingding ng bahay, nirarayuma
ang mga haligi. Ngalumata ang naiwang bukás
na bintana. Pagsakay ko ng dyip kaninang alas singko,
unti-unting natunaw ang lamig galing sa opisina.
Dahan-dahang nakapag-unat ang nangangawit
kong utak. Mabilis napuno ang sasakyan ng usok.
Gasgas ang hininga ng hanging tumatangay sa dahon.
Paos ang huni ng ibon. Umuwi akong may galos sa dibdib.

Nagising ako kani-kanina mula sa panaginip ng nililipad
na papeles, diyaryo, resibo, at kaha ng sigarilyong
nagbunton sa paanan ng muhon. Isa-isa silang dumapo
sa katabing Pasig na nangitim sa basura at langis.
Nagpatong-patong hanggang natakpan ang lawas ng tubig.
Pagbangon at pagpunta sa banyo, nakita kong nagsilabasan
ang alupihan, bulate, at ipis. May biyak na kawangis
ng gagamba ang seramikang baldosa.
Habang naghihilamos, tila may ibinubulong ang lamok.
Di ko matandaan saan nailapag ang susi, panyo, at pitaka.



6:25                        


Hinihingal sa treadmill, hinihintay ko ang ikatlong kilometro
bago punasan ang pawis. Samantala, salit-salit
na sinusubaybayan sa magkakatabing telebisyon ang balita,
Olympics, safari sa Africa, at ang bagets na bumibirit
ng pinagpraktisang kanta. Patuloy sa pagtakbo.
Inaabangan ko ang pamumulikat ng binti at hita,
ang pamimilipit ng tagiliran, ang pag-apoy ng lalamunan.
Tinitiis ang bumibigat at pahiráp nang pahiráp na hakbang,
ang pagkaladkad ng paa hanggang dumating ang pag-ibayo
ng lakas. Sa dulo ng pandama, nalilimutan ko ang pinapanood,
di marinig kahit ang sariling hininga. Pagsilip ko sa bintana,
natutunaw ang abot-tanaw. Nagsasanib sa dagat ng ulirat.

Ngunit bago pa masisid ng aking pinaka matuling tibok
ang lurok ng pangitain, natutuyo ang tubig. Muling tumataog
ang malakas na tugtugin ng gym, ang walang kurap na palabas,
ang nanlalagkit kong balat. Sa ilalim ng shower,
walang laman ang aking isip. Sumisingaw ang init ng katawan.
Pagpunas ng tuwalya, maaalala ang uhaw at gutom.
Ang oras na magtatakda ng umaga hanggang hapon.



8:03


Sa inip at pagkabagot, nagawa kong bilangin ang puting
buhok ng nakatalikod sa elevator, kilatisin ang kanyang nunal
sa batok. Naaamoy ko ang ipinangmeryenda ng katabing
malalim huminga, ang nanaig sa kanyang deodoran.
Mukhang naparami ang nahulí sa pag-uwi. Tahimik lahat
habang hinihintay sumakay ang mga pasahero ng bawat
buksang palapag. May mapapahatsing na pipiliting magtimpi,
may tititig sa kisameng di nabibisita ng butiki. May hihikab
na manghahawa ng isa o dalawang kapuwa inaantok.
Bumibigat ang mga bag sa pagód na balikat. Di maiiwasang
may masagi, may matapik na braso o likod. May tatapak
sa aking sapatos. Di mapakali ang halos magniig na nagsisiksikan.

Paglapag sa sahig, o sa parking, kakalikutin ang susi sa bulsa.
Ilalabas ang cellphone at magsisimulang pumindot. Bubuksan
ang mga kalupi ng papuntang ATM, fastfood, at dyip. Mabilis
mawawala sa isip ang biyahe pababa ng gusali: mula bibig,
lalamunan, at labasan. Uuwi ang bawat isang said na said.



12:00


Tinititigan nang tinititigan ng araw ang kanyang sarili
sa isang libo't isang salamin ng mga gusali habang inaakyat
ang rurok ng tanghali. Naaaninaw ang sinag sa imahen
ng imahen. Ibinabalik ang liwanag hanggang tatlong beses.
Hindi káyang titigan ng tagamasid ang langit
nang di nabubulag. Sapat nang mainitan, masilaw sa bubog.

Malas na lang ang dagâng tumingala mula sa labas
ng kanyang lungga. Di napigilang buksan ang kanyang mata.
Pisampisa, tila manggang sumabog ang laman
at naiwan na lamang ang mabuhok na butong dinugtungan
ng buntot. Napagod na siguro sa kahahanap ng matatakasan
sa loob ng labarinto ng lungsod. Humimpil at suminghap
ng mausok na hanging walang alam na kaliwa o kanan.
Tumigil sa karipas ng karera, tumingala. Sinagasaan.

Wednesday, April 11, 2012

Magdamag

Ni Miguel Paolo Celestial


1


Alas sais: nagsisilabasan na ang mga empleyadong pumasok
nang alas nuebe. Kung bagong suweldo, diretso sa bilihan ng pasalubong.
Ngunit ngayong karaniwang araw, bitbit ang baunan at ang de-takong
na sapatos, tutungo sa pila ng bus, ng tren, sa mga bangketang inangkin

ng FX. Palilipasin ang oras sa pakikinig ng huling dinownload, pagtantsya
ng ilulutong sahog, pag-aalala kung magkano ang matitira sa huling kinsenas
matapos ang kaltas ng hinuhulugan. Kung hanggang kailan bago taasan
ang sahod. Ngunit tuwing alas sais, mabagal ang usad ng trapik.

Niyayakap ng alikabok ang usok na nag-iipon sa kalsada. Makakatulog
ang empleyadong takip ang mukha ng panyo. Biglang magigising sa busina
ng nagkumpulang sasakyan o sa tinig ng nagsusukling tsuper.
Hihigpitan ang kapit sa nabitawang hawakan, sa bag at dala-dalahin.



2


Alas siyete: nagsisimula nang pumasok ang panggabing gumising
kaninang hapon at nag-almusal sa takipsilim. Habang ang iba’y
nangangating umuwi, maghihilamos at magtitimpla ng kape
kasabay ng mga katrabaho at kliyente sa Estados Unidos.

Tatlo ang orasan sa opisina, hanggang lima ang puntó ng Inggles.
Ilang palapag ang sakop ng kumpanya ng di lang agent, pati na rin
accountant, technician, at manunulat. Nakatutok lahat sa email
at headset. Lalabas lamang para magyosi at magpainit, sasairin

ang ikalawang tasa ng pampagising. Mula sa ika-42 palapag, may sariling
konstelasyon ang ilaw ng mga gusali. Sa ibayo, humihimbing
ang anak at kapatid na pinag-aaral at pinapalaki. Uuwi ang panggabi
bago lumiwanag. Ipagluluto ang mga bata bago bumalik sa kama.



3


Alas otso: patuloy sa paggawa ang mason. Hinahalo ang graba,
buhangin, at sementong ibubuhos sa bakal para sa haligi ng condo.
Halos tatlong daan silang hinatid dito ng trak, nakatayo’t siksikan.
Inilagak sa malaking butas sa lupa kasama ng iba pang piyon.

Sa loob ng yerong bakuran, mga higanteng makinang nagbubungkal,
nagbubuhat ng baras na binabarena ng obrero. Nababalot lahat
ng alikabok, namumuo ang putik sa sapatos at pantalon. Inilalatag isa-isa
ang mga palapag ng manggagawang saklob ang kamiseta sa mukha.

Umaalingawngaw ang martilyo sa kalsada. Tumitilamsik ang apoy.
Minsan, may nahuhulog na trabahador habang nagkakabit ng bintana.
Inililigpit kasama ng kagamitan. Itinatapon lamang ang kahoy ng iskafolding
na nagiging dingding, poste, at sahig ng kanilang mga tahanan.



4


Alas nuebe: umupo sandali ang bata sa anino ng waiting shed.
Imbes na bunsong kapatid ang bitbit, isang kaha ng yosi at kendi.
Palaboy-laboy ang isipan nang di mapansin ang úhaw at kalam.
Nagbara ang mga dahon sa bunganga ng kanal, nagtapal-tapal.

Itim ang tubig na tinubuan ng lumot. Sa kanyang isip, mababangga
at babaliktad ang trak ng basurang magkakaloob ng grasya.
Ngunit patuloy lamang ang pagkaripas, tangay ang alikabok
at balat ng tsitsirya. Pinagmamasdan ng uhugin ang asong nakatali

sa harapan ng duplex. Ikot nang ikot, umiikid sa poste ang kadena.
Namimilipit ang askal hanggang sa wakas tutuwad at eechas.
Nagagasgas ang kuko sa pagkahig sa kongkreto. Inaamoy-amoy
ang platong kanina pang sinaid. Sasalok ang paslit ng tubig sa lubak.



5


Alas diyes: tumabi na sa gilid ng bangketa ang naglalako ng mineral,
sigarilyo, at shingaling. Nag-aabang ng mga bumababa sa overpass.
Nakapuwesto na sa harap ng construction site ang nagtitinda ng lugaw
at tinapay sa ilaw ng gasera. Kanina pa nakauwi ang nagtutulak ng kariton

ng pakwan at pinya, ng umuusok na mani at mais. Wala na rin ang trapik
na suki ng nagtitinda ng iskrambol at ice candy. Lumipat na sa terminal
ng FX at dyip ang nagpiprito ng fishball. Pinalitan ng magbabalut
ang magtatahong rumoronda sa mga eskinita. Ngunit nakapirmi

ang naglalatag ng damit, payong, at DVD sa de-tiklop na lamesa
sa gitna ng tawiran, ang nagtitinda ng tuwalya, pitaka, at sinturon
sa ilalim ng hagdan. Dito na sila inaabutan ng antok, ipinang-uunan
ang di naibentang isinasaksak sa bayong. Ipinangkukumot ang karton.



6


Alas onse: magbabago ang oras paglapag ng eroplano sa Abu Dhabi.
Ika-anim na flight na ito ng stewardess mula nang umalis ng Maynila.
Kahahatid lang ng kumot sa nakatatandang mag-asawa sa First Class.
Makakaidlip pa siya bago ihanda ang hapunan ng mga pasahero.

Kahihiga lang ng seaman sa kanyang bunk bed matapos magbakyum
ng alpombra ng tatlong restawran. Mamaya na niya aasikasuhin ang mantsa
ng natapong alak, ang mga mantel na nakasalang sa washing machine.
Kailangan niyang gumising bago dumaong ang bapor sa Barbados.

Wala pang túlog ang hostess sa Roppongi ngunit di ito halata sa mapupula
niyang pisngi, sa ngiting umaamo sa kanyang kliyenteng nagsisimula nang
tubuan ng uban. Sa pagitan ng kanyang putol-putol na Nihonggo, pinipisil-
pisil ang mga kamay ng negosyanteng gumagapang sa kanyang kimono.



7


Alas dose: katatabi lang ng katulong ng labada, pinggan, at laruan.
Tahimik sa bahay ng kanyang amo. Pabalik sa kanyang kuwarto,
nangangawit ang likod sa kapupunas ng muebles, kapapakintab
ng sahig, at kalalampaso ng marmol. Malalalim ang mata, pasmado

ang katawan. Pagbaba ng hagdan, umaalingawngaw sa kanyang isip
ang pagtulo ng kaaayos na gripo. Umiiyak pa rin si bunso.
May ipinahahanap si kuya sa loob ng kotse. Tinatawag pa rin siya
ng senyora mula sa sala. Mahahaba ang anino ng babasaging antigo,

tila sinusundan ang kanyang mga hakbang. Sapat lang ang lugar
sa kanyang silid para sa kama at aparador. Wala na siyang lakas
para maligo o magbihis. Imbes na dasal, inuulit niya ang mga pangalan
ng kanyang mga anak, magulang, kapatid, at asawang iniwan sa Pilipinas.



8


Ala una: kararating lang ng tatlong Marya sa bangkô sa Greenbelt 3.
Mahahaba ang buhok, maiikli ang bestida. Panay ang tingin sa salamin
sabay sulyap sa madidilim na sulok ng Café Havana. Ilalabas sandali
ang cellphone, kunwari may kinakausap. Sumasayaw ang ilang turista

at expat. Pinagmamasdan ng mapipilantik na mata ang mga lamesa.
Tatayo ang isa, nakapamewang. Lalapitan ang dalawang puting mamang
maluluwang ang kamiseta, naka Reebok at Adidas. Susundan nila
ang nakatakong at pekeng Vuitton. Hawak ng isa ang kamay ng puta.

Magsisigarilyo ang dalawang natirang Marya. Aaligid sa ilalim ng poste,
sa harap ng nagsarang tindahan. Kakagatin ang pulang kuko. Minsan lang
may sabay na booking ang tatlo. Kilala na sila ng barista ng Starbucks
na bumabati lamang kapag walang nakatingin sa mga suking pokpok.



9


Alas dos: tatlumpu’t dalawang oras nang gising ang nars na naka-duty
sa ospital. Di makaalis dahil sa daloy ng pasyente. May nagdala ng aleng
nabundol sa highway, basag ang balakang. Nasunog ang balikat at pisngi
ng binatilyong nagpasiklab ng tumatagas na tangke. Isinugod ang laláking

sinaksak sa tagiliran. Tumitili ang inang malapit nang manganak.
Di maláman ng staff kung sino ang uunahin. Nakahandusay sa kandungan
ng dalaginding ang kanyang nilalagnat na kapatid na halos mawalan ng ulirat.
Kulang ang gamot. Marami nang pinauwi. Naka-ilang dukot na ang nars

ng sarili niyang guwantes at hiringgilya. Humihiyaw ang pasyenteng humihingi
ng anestisya. Gusto nang umalis ng bagong gradweyt para makapagpahinga.
Papatayin ang pager, isasara ang bintana. Ngunit pagbukas niya ng mata,
nakita ang matandang ilang patak na lang ang natira sa nakakabit na suwero.



10


Alas tres: pasan ng patáng matadero ang bangkay ng baboy na simbigat
ng di-magising na alapaap. Tabi-tabing ikinalawit ang mga kinatay.
Nakahilata sa bangketa ang mga manggagawang nanggigitata ang damit
sa dugo, sa lustay na lakas, at sa pagkahapong tagos sa buto.

Nilalangaw ang basyo ng Red Horse. Malapot ang daloy papuntang estero.
Patuloy ang pag-hose sa mga dingding na kanina lang ay pinuno ng igik
ng inahin, biik, at barakong isa-isang pinatahimik. Sinabit patiwarik, ginilitan
ang leeg, at hiniwa para lumuwa ang laman. Putimputi ang bilog na buwan.

Nagkulta ang mga anino sa kalsada. Mamasa-masa ang sampay
ng kapitbahay. Naghuhugas ng kamay ang matadero. Paalis na ang sasakyan
papuntang palengke. Walang sumunod ng tingin pagkalampag ng tambutso.
Hanggang litid ang pagod. Maihahain lamang ng sahod: betamax at lamanloob.



11


Alas kuwatro: nasa dyip pa ang hininga ng kabababang lasing.
Di pa nahihimasmasan ang alikabok ng kalsada. Kasasakay lang ng magtataho,
manininda, at de-bayong na kusinera. May matang tila bumbilya ang walang
takot na masagasaang paslit. Nag-aalmusal ng yosi ang tsuper.

Patse-patse ang kaha ng sasakyan, kalawangin. Di na mabása ang pusyaw
na patalastas sa lumang tarpolin ng upuan. Tulog pa sa harap ang mag-inang
magbibilang at magsusukli ng barya, magtatawag ng biyahe. Unti-unting tinutuklap
ng liwanag ang gabi. Katataas na naman ng presyo ng langis.

Nagsisimula nang mamasahe ang mag-aaral at empleyadong may bitbit
na dyaryo. Nakatiklop sa sariwang iskandalo. Tuyo na ang sampagitang nagbuhol
sa rosaryo. Mamaya, may mga batang lalampaso sa sahig, magpupunas
ng sapatos at manlilimos. Tatalon sa kalsada. Pagbalik, iba na ang mukha.



12


Alas singko: nakahanda na ang barikada sa bungad ng barangay
na pangalawang beses nang babalikan para sa demolisyon. Ginawang
tungkod ng plywood ang dos por dos na ipinamahagi rin para pantapat
sa arnis ng pulis. Ilang metro sa likod ng harang ang tambak ng gamit:

higaan, muebles, kalan, kubyertos, kurtina, timba, at anupang maisasalba.
Lahat ng unti-unting naipon sa ilang taon ng pagkayod: bentilador, damit,
lamesa, TV. Sako-sakong kagamitang tinatakpan ng trapal. Nakaupo
sa mga bangkô ang nakatatanda. May bimpo sa balikat, kinakabahan

dahil nagsidatingan na ang mga van lulan ang helmet, teargas, at kalasag.
Dito rin isasakay ang mga poposasan. Pagdakot ng mga iskwater ng almusal,
dumating ang bumbero. Kumikinang ang sikat ng araw sa mga molotov.
Sapat na ang liwanag para dumampot ng bato, magtungkab ng kongkreto.