Wednesday, May 30, 2012

Ang Paglilitis kay Renato Corona


Ni Miguel Paolo Celestial

Nangyari na nga ang inaasahan at hinamon ng butiki
ang palaka, ang ahas, ang bayawak, at ang buwayang
ibulgar ang kanilang kaliskis, ang kulugo at lagkit,
ang biyak na dila, ang kamandag sa balat at pangil.

Nangyari ang inaasahan at ibinalik ng butiki ang paratang
sa mga tagapaglitis na nakabihis lahat sa bátang kulay
alak. Hinamon ng punòng mahistrado ng kataas-taasang
hukuman ang kagalang-galang na mga mambabatas

na hubarin ang salamin at ipakita ang matang nanlilisik:
pabulaanan ang mga hinala sa laki at laman ng pugad,
sa mga dinaklot na itlog at dinukot na manok. Pasinungalingan
sa taumbayan ang alingasngas na gumagapang at lumulundag.

Nangyari na nga ang inaasahan at ipinanturo ng butiki
ang kanyang dila dahil nang tinagâ ang kanyang buntot,
wala nang pumalit. Di maalis sa kisame ang kamay
at paang malapit nang mawalan ng kapit. Pilit minaliit

ang paglamutak sa gagamba at lamok. Ngunit walang
luhang maipiga, walang tumulo sa makapal na katad.
Napukaw ang bulwagan ng sagitsit at kokak, napanganga
ang mga bungangang punô ng matatalas na ngipin.

Nangyari na nga ang inaasahan sa mga pinagbintangang
mambabatas: natuyo ang laway ng ahas, tumahimik
ang buwaya, at nagpigil ng hininga ang palaka.
Nangyari ang inaasahan at pumalakpak ang madla.

No comments: