Galing itong umaga sa panaginip na may marahang init at simoy na bumubulong ng mga pangalang matagal nang nalimot. Naitiklop sa mga dahong ngayong bumabalik, kasama ng usok ng ihawan, kumaluskos kasabay ng tsismis ng pulutong sa sidewalk. Banayad ang liwanag na bumibilad sa mga paslit at nagpapakinang sa sabon-panlabang isa-isang nabubuo at pumuputok ang bula. Saglit na bahaghari ng alaala.
* * * * * * * * * * * *
Hinubad niya ang lahat ng kanyang damit — ng matandang lalaking nakasalubong ko sa locker room ng gym — nagbuntong-hininga sa harap ng timbangan, may uban sa likod bukod sa bumbunan. Napabulong ng mura o maaaring taimtim na dasal para sa kanyang sarili o sa mga anak at apong sa sandaling iyon gusto niya munang kalimutan makabalik lamang sa kanyang lumipas na pagkabinata.
* * * * * * * * * * * *
May malaking anino ng pakpak na biglang dumaan sa tuyong damuhan, sampung tao ang lapad. Umaalon-alon ang itim na hugis, parang sumisisid sa sahig ng dagat. Pagtingala, wala na akong makita sa langit kundi ulap. Di ko maalala ang iniisip kanina, dinagit ng dambuhala.
* * * * * * * * * * * *
Umaalingasaw ang imburnal sa init ng Divisoria. Kumalat ang burak at putik sa kalsada, isinuka kagabi ng kanal na pinunô ng ulan. Lumutang ang itim na lumot sa agos, bumula sa bawat patak. Nagsasanib ngayon ang amoy sa ibinilad na isdang kahapon lamang ay walang muwang na lumalangoy.
* * * * * * * * * * * *
Kumakaway-kaway ang plastik na pusa mula sa harap ng taxi, kulay ginto ang katawan at pulá ang labì. Tila ipinapaalalang mayroon akong nakaligtaan, nakalimutang gawin, naiwan sa bahay. Matindi ang sikat ng araw. Sa ganitong oras, tamang-tama lang ang init sa balát. Ngunit parang gusto kong magtago sa anino, umuwi sa lilim ng aking kuwarto. Pagtingin ulit sa labas, lumakas ang aking kutob ng kulimlim.
* * * * * * * * * * * *
Tuwing papatayin ko ang kompyuter o telebisyon, susundan ako ng tingin ng blangkong iskrin. Mukhang batis sa dilim. Para akong yumuyuko sa balon. Sa aking isip, kumikilapsaw ang tubig. May nagpapanginig. Tila bangin ang itim na salamin. Nagbabalik ng tinig at titig.
No comments:
Post a Comment