Sunday, May 20, 2012

Ondoy

Ni Miguel Paolo Celestial


Umiikot ang bentilador sa restawran sa ibaba.
Dumaraan ang mga tao, pinapanood ng mga naghahapunan.
Lumipas na ang tag-ulan. Napagmamasdan ko na ngayon
ang paglampas ng oras: ang pila sa pelikula, ang mga sandali
bago ng palabas. Ngunit bumabalik pa rin ang eksena
ng humahampas na bagyo, ang ating mga pisnging
naaampiyasan. Ang pagmasid nang hubad mula sa balkonahe,
mula sa kama, mula sa kotseng muntik nang tumirik sa bahâ.

Nagbubulatlat ako ng diyaryo tuwing umaahon ang umaga.
Hinihintay pumatak lahat ng kape sa salaan, mag-isang
humaharap sa hapag. Walang ulap ang liwanag
ngunit di ko na maalala ang mga linya ng iyong mukha,
di na mabása tulad ng mga librong tinigmak ng putik –
tinatago-tago at ayaw ibilad. Ayaw itapon kahit di na maisasalba.
Lusaw ang mga pahina, nagkadikit-dikit ang mga pangungusap.
Di ko inasahang mahalin ka. Nahugasan na ang lagkit
sa aking kuwarto mula sa umapaw na tubig galing banyo,
ngunit di pa rin natutuyo ang ating damit, ang mga halik.
Ang luhang di ko mapunasan dahil nanatili sa dibdib.

No comments: