Thursday, April 7, 2011

Sa Pagitan ng Emerhensiya

Ni Joseph Rosmon M. Tuazon


Saka pagdating mo'y kung anong himala,
Sarili ko naman ang biglang nawala;
Sino ka? Ano ka? Hiwatig? Babala?
O anyo ng isang pamahiing luksa?

- Teo Baylen

It is the recipe we want, the blessed instruments.
It is the law in her dress we want let in.
It is the world made strange again
we want invited in.
Without memory, without distance.

- Jorie Graham




Salansan

1

Mas palagay silang ipagpalagay na anomalya
ang pagkakasabit ng mga kuwadro sa eksibit

na kung hindi tabingi, baligtad.

Nakahilig ang baso
at may napipintong umiyak sa natapong gatas.

Sa halip na pasalimbad, nalalagas mula sa langit
ang mga uwak.


2

Ito ang linyang kumikislot.

Nang may nag-usisa kung sino ang pintor
ay may nagpresintang ako

sa likod. Ako, sabi ng isa pa
sa pinakalikod. Lahat ay umaakò

ngunit walang lakas-loob na humahakbang
sa harapan.

Ito ang itim na lalong bumalasik.

Balingang muli ang mga larawan

at hindi na sila ang mga larawan
na pinagmamasdan kani-kanina lamang.

Ito ang kurbang hinaplos ng liwanag.


3

Ito ang lupalop na muli't muling ipinipinta
sa tuwing dumarantay sa kambas ang mata.


4

Biglang sinapian ng lula ang mga uwak.
Walang-hanggan silang nangaglalaglag.

Isang taniman ang hindi saklaw ng kuwadro.
Ngunit makukutuban ang panginginig

ng mga uhay—
nag-aakalang anumang padapo, pasalakay.


************


Soap

Hindi pa nagkikita ang magkasintahan.
Sa paanan ng tenement, sa tapat

ng gusgusing talyer na pinintahang puti
kalaunan at naging barberya.

Gayunman, maliwanag ang kasunduan,
umaraw-umulan. SIyempre, umulan.

At maaaring ipagpalagay na kapuwa
lamang sila nagpapatila saanman inabutan

ng alinlangan. Paroo't parito ang mga batang
pinahintulutan ang kanilang sarili

sa pagtatampisaw. HIndi sila humihinto
sa tagpuan. Ni hindi naaantala ang laro

kahit sandali sa maya't mayang pagdukwang
ni Leoning mula sa ikatlong palapag

para makipagpaligsahan sa panggagalaiti
ng kidlat. HIndi siya pansin ng isang

nakasubsob sa poste, sabik na mamulat
at makadakip ng kapalit. Mahahabol lamang

ng mga paslit ang kanilang hininga
sakaling magkita ang magkasintahang

magkasukob, marahil, sa isang pulang payong.
Nangingilag sa tilamsik at hagibis

ng mga kotse, pihadong patawid sila
sa kabila ng kalsada para mag-abang ng bus

o anumang maaaring tumangay sa kanila
palayo. Ihahatid sila ng tingin

ng mga batang nagsipasiyang magpaawat,
na tila sa kanila may nakiraan. Ngunit

hindi sila bibigay sa kinatatayuan, hindi
nila makaliligtaang kumaripas sa pagtataguan

pagkalagpas na pagkalagpas ng dalawa
na kailangan munang magkita.

May idinudulog ang taya sa poste,
hindi siya dapat at hindi pa siya nalilingat.

Patuloy siyang nagbibilang, magbibilang,
ilang tag-ulan na ang nagdaan.


************


Ang Natiyempuhan

Nagmamakinilya ang lalaki sa buhos ng ulan.
Pinaniniwala niya tayong ayaw niya matagpuan.

Na kapag nakasilong ang lahat sa loob, labas
ang taguan. Na madalas sa hindi, ang lingid ay ligtas.

Mambabasa, maging tayong dalawa ay takaw-pansin
sa kidlat; nakatayo't nakayukod sa magkabila

ng kanyang balikat. Mataman nating pinanonood
na magkagutay-gutay (bawat takatak, bawat diin

ng tipa) ang papel na tila lupang madaling nabubungkal
kapag basa. Pagdaka'y tatanganan niya ang sinulat

sa hampas ng hangin: isang gulanit na bandera:
maringal, makasasapat, kahit man lamang

para sa kaniya. Magkakatinginan tayo habang siya
ay patungo-tungo, nagrerepaso't mukhang nasisiyahan

sa masinsing pagkakahanay ng mga punit at puwang,
butas kung saan matiim na nagbantas.


************


Mga Labis na Detalye

Isang klarinete ang hindi ipinamana sa akin ni Tiyago.
Siya ang patpating mama sa retrato.

Ni hindi sa kaniya ang retrato kung hindi sa siyang
nakaupo: si Nanay Tanda

na mistulang kampante't kuntento
sa silyang nangyaring naroon.

Kung nagpatong man lamang si Tiyago ng butuhing kamay
sa balikat ni Nanay, malamang

ay mas mapapalagay ako kung bakit siya
nasa likod, nakatayo;

ang mga kamay ay masisiguro kong butuhin.
Kung wala sa retrato si Nanay, magkukusa si Tiyago

sa pag-upo? Duda ako.
Hindi naroon ang silya para sa kaniya. O siya para sa silya.

Kung wala sa retrato si Nanay, sa halip ay bitbit ni Tiyago
ang klarineteng hindi ko namana:

sinasalat ng mga kamay
na butuhin (kaya?)

ang eskala't umiihip ang musikang
kumaluskos man lamang sana sa tainga

kung naging sa kaniya ang retrato. Kung totoo
ang kuwentong inihabilin sa akin para miling ikuwento.

Mahirap nito, wala ni kuwento kung wala si Nanay Tanda.
Walang retrato akong pinagmamasdan.

Malamang ay nakahilata ako sa balkonahe, sumisipol.


************


John Doe

Maging ang dalawa niyang kamay
ay hindi magkakilala,

waring hindi ni minsang naging magkasabwat:
pinapatay-sindi ng isa ang switch

habang ang kabila'y mariing nakatapal sa bibig.
Ngunit sa tuwing nilalamon ng dilim

ang silid, laging kumakawala
ang tili, tumutulig

na tila angil ng kutsilyo
sa hasaan: talim

na ipinasadya para sa tiyak na hugis ng sugat.
Ano ang mahahagilap

ng mata sa sampitik
na liwanag? Dungis ng bakas? Kisap

ng susing pirming nawawaglit? Patay
-sindi. Sindi. Patay. Bombilya

ang kumurap
nang manigas ang talukap.

Nakayapak siya sa gabi,
nakatuntong siya sa espasyo,

ibinalangkas niya sa kinatatayuan ang tamang
pagsalampak. Umaalma ang dibuho,

hinihila siya palapag.
Hindi matuklap ng mga anino ang sarili.


************


Ilang Talâ ng Sakuna


Ang Silbi ng Still Life

May sumisipol-sipol sa tahimik na pasilyo.
Sinisiklot-siklot niya sa palad ang isang kahel.

Bawat silid na kaniyang lampasan ay may abalang
pumapanaw, buo ang konsentrasyon

sa mangkok ng mga prutas na hindi matiyak
ng mata kung totoo o plastik o nakapinta

ngunit sa sulok ay unti-unting nalulusaw,
lumiligwak sa lamesitang wari ding nalulusaw.

Umaabót ang ulirat sa mapipiga, makakatasan
pagkat lalong lumalapot ang lagkit sa lalamunan.

Hindi nagmamadali ang sumisipol-sipol sa pasilyo.
Kay-lamig ng kahel nang sa palad ay mapirmi.


Ensayo

Siya ang anak. Kanina pa siya nag-eensayong
magtimpi sa pag-iyak kapag nirolyo palabas

ang inang nakataklob ng puti't malinis na kumot.
Hindi siya pipikit, hindi siya malalagasan ng luha.

Kung pagbibigyan, siya ay makikitulak
hangga't may aawat sa kaniyang tumapak sa exit

kung saan ilan nang tinalukbungang bangkay
ang naihatid. Malapit na niyang maperpekto

ang pagpipigil. Ipaubaya sa kaniya ang kaniyang
sandali. Sinasaid niya na lamang ang nalalabi sa mata,

umiiling nang kagat-labi. Bumukas ang pinto
at nangamba siyang baka may mag-abot ng panyo.


Minsan Wala ni Usok

Ngunit gabi-gabing napapasugod ang bombero,
iginigiit na lahat ng bagay ay maaaring matupok

anumang segundo. Kapag disoras, ang magkakapit-
bahay ay niyuyugyog sa kama ng sirena

at sinisilaw ng duguang liwanag mula sa bintana.
Pinaaandar niya ang bomba, kinakalag ang mga hose,

tarantang binubugahan ang bawat bahay at bawat
madapuan ng tingin. HIndi magkasundo ang mga tao

kung tutulungan ba o itataboy ang bombero
na sunod silang tinututukan. Tumitilapon silang

basang-basa't namamagang parang mga espongha.
Napakapayapa ng mga umaga pakaraan ng bagyo.


No Parking

Isinandal niya ang bisikleta sa poste ng senyal
para bumuntunghininga. Hindi iyon pagkakataon:

ang kadena ay hindi minsang pumalyang
madiskaril. Dito rin maaaring gumarahe

nang nariin ang isang trak na susuray-suray.
Oo, dito mismo. Masyadong planado?

Hindi ko sasabihing hindi. Na may tuluyang
nakalas. Kunsabagay, baka bagay na masusuway

ang mas hanap niya, hindi aksidente.
Anupaman, kailangan niyang magsimula agad

at madaliin ang pagkumpuni. Pansamantala, wala
akong ibang iisipin kundi ang siya ay naghihintay.


************


Lunar

Sinubukan kong hindi idamay ang buwan,
ngunit kailangan kong makatiyak na panatag ang ilog

sa gabing ganap. Nilikom niya
ang kaniyang damit at sumampa sa bintana,

tumakbo tungo sa tubig upang bihis na malunod.
Tuloy-tuloy ako sa mesa at hindi inangat

ang panulat. Madalas akong nagigipit ngunit
sinubukan kong hindi idawit

maging siya: Multo nitong mundong / naglulublolb
sa bawat ilog//
at sa ilog ko

ay laging nalulunod: waring pagkakamali
ang humingi ng saklolo. Minsan, siya ang nananatili

sa silid, ako ang sumusuong sa gabi nang matapat
sa nilalandas, sa hanggan ng luminosong mga bakas.

                         Bumubula ang ilog sa bibig./
                         Buong-buong lumulon ang tubig.//



************


Unang Yumao

Ayon sa salaysay, mas ninais ni Pandaguan
na maipatapong muli sa impiyerno

kaysa minsan pang magisnan si Lupluban
sa piling ng iba. Mula noon,

hindi na nakabalik mula sa kabilang buhay
ang tao. Mula noon. Ngunit hindi ito alamat

tungkol sa unang kamatayan
kung hindi mas sa pangungulila

na mahirap sabihing una. Kung paanong
sa simula't simula ay napakalubha ng paraiso,

ang sagana na walang kasalo,
at itinuturo ng mga bathala ang umibig

ngunit hindi ang maghintay.
Laging huli na ang lahat para sa umuuwi

at marami nang nangyaring hindi pa dati
nangyrai at itinuturing na kasalanan.

Ipinagdiwang ang pag-iisang dibdib
nina Lupluban at Maracoyrun sa ipinuslit

na baboy na kanilang nilitson para sa tanan.
Kanino ipagpapaalam ang isang bagay

upang hindi ito matawag na nakaw,
na pagtataksil? Ni wala pang nakatatanto

kung bakit kailangang paghati-hatian
ang mundo. Akala nila'y para sa lahat ang lahat

pati na ang panahon, at walang tiyak na pag-aari
ang sinuman, maging si Pandaguan.

Pagkat walang nagbalik sa kaniyang tabi,
marahil ay pumalaot siyang mag-isa. Tulad dati,

dangan lamang ay hindi niya maiitsa ang kawit
ng pamimingwit. Marahil ay tumawag siya

sa mga diyos, nalilito kung magsusumamo
o manghahamon—kung may tumawag sa kaniya,

magagawa kaya niyang lumingon?

Sumagwan siyang palayo, waring buo ang loob
na unahan ang araw sa pinaglulubugan—

nahinuha niya kayang siya ay hinahayaan?


************


Ang Arkitekto

Parang utang na loob ko pa
na hinahayaan niya akong manood

gayong siya ang hinahayaan kong
magtayo ng bahay

ng mga baraha.
Tumatayog ang salansan

sa aming pagitan
at hindi niya ako pinapatulan

anumang pilit at sulsol ko,
pusoy o kahit

eksibisyon na lang sa pagbabalasa.
Maninigarilyo ako kunwari

para buksan ang bintana
ngunit walang hangin

akong maanyaya. Mauupo na lang
akong muli, pasimpleng iihip

at halos ihagis niya
ang buong katawan sa pagsangga.

Imposibleng mailagan
ang bigat ng kaniyang tingin,

kambal na bolang
bakal na umaasinta ng matitibag,

gayong tanging sa yakap niya
nabubuwag ang kaniyang mga obra.


************


Distritong Kabila

Ang abala ay kung hindi ka mapabisita.
Kung sa iyong paanan gumulong ang bola,

pulutin mo:

pagtingala mo ay nilikas na ang palaruan.
Ang duyan, umuugoy.

Huwag mong isiping malaking abala.
Katunayan, magsisimula lamang ang pagdiriwang

pagdating mo.
Inaanyayahan ka sa munting salo-salo sa plasa,

sa matining na beso-beso
ng mga baso mula ngayon hanggang iisa

na lamang sa kanila ang matira, tangan
ang kopa sa ere.

Walang humpay ang usapan kung saan
mainam magretiro

ang hinanakit, saanman
na hindi na kailangan lumisan

dito. Umiikot ang plakang
walang awit kundi ingit

at pirming mukhang bagong-punas ang sahig
pagkat walang lakas-loob na tumatapak

sa liwanag, hila-hila ang ka-tango.
Gayunman, alangang masaulo nila ang tumpak

na mga hakbang—ang lakdaw, ang ikot,
ang padulas na atras—

liban lamang kung may saglit na hindi mo naisip
magpaalam. Ihahatid ka

ng sigabo ng babala't palahaw
na hindi mo tiyak kung para at dahil sa iyo.

Sundan

ang hiera ng mga terasang iniwang bukas
ang ilaw.

Ang tumba-tumba, umuugoy.


************


Pansamantala

Sinusulat ito sa pagitan ng mga emerhensiya.
Muling hinati ang baraha't sinargo ang mga bola.

Bakit hindi sumubok ng bagong resipi o restawran?
Nakaupo na naman si Mang Ruben sa mau hagdan

para ngitian ang lahat ng nagdaraan: Hinay-hinay
lang, hinay-hinay lang, payo niya

at hindi siya pumapayag na maunahang mapayuhan.
Nakahilata si Choy sa bagong tabas na bermuda,

pinagmamasdang lumutang ang mga ulap
habang nagsasalsal

pagkat para sa kaniya ay wala nang pinakabasang
pangarap kundi mga ulap na lumulutang.

Hindi tinitingala ng aso ko ang maiitim na ulap.
Ni hindi niya pinapatulan ang aso sa tapat

at nakatitig sa kaniya. Matikas silang nakabantay
ngunit hindi para sa isa't isa. Hindi para kumahol

nang walang patumangga hanggang sa mapangal.
Huwag magugulat. Huwag manggugulat,

may hintuturong magaang nakalapat sa buting
mas pula sa pula ng dingding—huwag.

Binubulatlat ni Mang Ruben ang diyaryong ilang ulit
na nirolyo't kinipkip sa kilikili. Nirolyo, kinipkip.


************


Stress Management

Kani-kaniyang aso para pagdiskitahan
at nakapamaluktot ang aso mo

sa pintuan na parang basahan.
Ilang gabi mo na siyang hindi pinapapasok

mula nang siya ay matigok,
pero anong ginhawa

na nariyan lang ang bangkay
para kutson sa poot

na itinutunton mong lahat sa paa, nililikom
na parang putik sa sapatos.

Tadyak, tadyakan mo, patikimin mo

tuwing umaga at bago ka humarap
sa mundo. Sige, sipa, sipain mo

hanggang manikit at mangatas sa semento
ang laman, ang buto.

Pagkaraos, magpaspas ng suklay,
higpitan muli ang kurbata. Pero ano,

kulang pa? Sige lang, manggigil, huwag

magpigil, samantalahin

habang nariyan.
Pero hayan

na si kumpare, nagpupuyos
at marami daw kayong dapat pag-usapan

at mas marami kayong hindi dapat
pag-usapan kaya't ang napagbuntunan

muli ay ang asong hindi tinuruang
umangal. Sige, pulbusin ninyo,

bayuhin kung ano pa ang natitira
sa bungo't tadyang

habang nagusuklian kayo
ng tanginamo at tanginamorin

at magkapatid pala kayo? Magbigayan,
kung gayon, salitan

sa pagsipa, ikaw muna,
tapos siya, tapos ikaw, tapos ikaw,

tapos paunlakan mo rin ang aso niya
na pipilay-pilay na't nauulol,

na nginatngat at ipinagpag kaliwa't kanan
ang aso mo.

Pero huwag maging masyadong mabait,
kani-kaniyang aso para pagdiskitahan,

tadyakan mo rin ang aso ng iyong mahal
na kapatid. Sige, puta,

umaangil? Tadyakan mo, huwag

madalâ, huwag
madalá

sa iyak at kahulang
gumagapang sa kahabaan ng lansangan.


************


Memento

Ito ang kutsara at sangkutsarang saklap.
Ito ang tasa at santasang latak.

Ito ang balabal ng balo ng mundo.
Ito ang banig na may habing mga matang mulagat.

Ito ang kuwintas na magniningning sa guniguni ng bulag.
Ito ang pulseras ng matakaw sa bagay na makikintab.

Ito ang pasong puno ng pinakapinong buhangin.
Ito ang plorera mula sa bahay na hindi nagpapatuloy ng liwanag.

Ito ang espadang masinop na maisisilid sa dibdib.
Ito ang maskara ng walang hindi kamukha.

Ito ang aklat ng mga instruksiyon sa patay na wika.
Ito ang anitong nagtataboy sa mga bisita sa aming bayan.

Ito ang postkard ng siyudad ng hindi mo maaaring panggalingan.
Kunin ang maibig at maiiwan ka.


************

'Sa Pagitan ng Emerhensiya', Unang Gantimpala, Tula, 2005 Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature

No comments: