Monday, April 11, 2011

Gen-wine Pinakbet

Ni Alwynn C. Javier

Ihanda ang ingredients na gulay:
native na kamatis, yung naninilaw pa;
isang bungkos ng sitaw, ga-dangkal ang haba;
native na talong, yung berde at bilog;
isang daklot ng sili, yung ga-daliri;
native na patani, yung maputi-puti;
isang tumpok ng okra, murang-mura;
native na ampalaya, yung super liliit;
isang pirasong kamote, mabuhok-buhok pa;
native na bawang, yung galing Sinait;
isang bigkis ng sibuyas, from Nueva Ecija;
at siempre pa, ang luya, fresh from inang lupa.

Mani-mani ang pagluto sa gen-wine pinakbet.
Pero take note, gen-wine: niluluto sa banga,
di sa kaserola; hindi sinasandok, kundi inaalog;
hindi sinasahugan ng isda o hipon, hindi inaalatan
ng bagoong-alamang, lalong hindi inaasnan;
walang tubig, walang kalabasa
at kung anu-ano pa (ganoon ang bulanglang).

Igisa ang bawang at sibuyas sa kawali,
ta’s ihalo ang kamatis at pansahog na bagnet,
ta’s itabi. Ipasok ang mga gulay sa banga;
ang rule of thumb, from hardest to softest.
Isalang sa mahinang-mahinang apoy.
Ibuhos ang ginisa sa mga gulay na mainit-init na,
ta’s laksan ang apoy hanggang umusok ang banga.
Timplahan ng primera-klaseng bagoong,
yung gawa sa isdang monamon.
Ta’s takpan hanggang muling kumulo.
Alug-alugin ang banga para maghalo-halo
ang lasa ng lahat ng sangkap. Amuy-amuyin
ang pait, ang asim, ang anghang, ang alat.

Mahirap ilarawan ang sarap ng gen-wine pinakbet.
P’rang life, p’rang love, p’rang one-night-stand.
O ‘ika nga sa internet, it’s complicated.
O parang sa lumang pelikula: mainit, masarap, parang...
malilimutan mo ang iyong pangalan.
Parang ito ang totoong dahilan kung bakit
never akong mangingibang-bayan.


Mula sa kuleksyong 'Yaong Pakpak na Binunot sa Akin', Ikalawang Gantimpala, Tula, 2009, Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature

No comments: