ni Miguel Paolo Celestial
Umuusok ang kape at may ngiting arnibal
ang pankeyk sa plato. Maliliit ang aking hiwa
sa mala-únang pisngi ng gatas, itlog, at arina.
Tumutulo ang pulut-pukyutan mula sa tinidor.
Sinasabayan ko ng kagat sa longganisang
mamantika't maalat ang bawat kimpal ng lamán.
Pinapahiran ng krema habang pinagmamasdan
ang mga bagong gising at pawisang nagjo-jogging.
Lumamlam na ang langit, kulay krim. Singgusot
ng kumot at kubrekama pagbangon natin kanina.
Pinagpag nang pinagpag ang telang may pinong burda
hanggang mawala ang lúkot ng pagkakayakap.
Pinulot ang biglang pinandirihang buhok sa punda.
Pagsintas mo ng sapatos, tinitigan ko ang kámang
unti-unting sinigâan ng araw. Ubos na ang sariwang-
pigâng dalanghita ngunit di nababawasan ang uhaw.
No comments:
Post a Comment