Thursday, December 30, 2010

Pasada

Ni Miguel Paolo Celestial

Salin ng 'Transit' na nilapatan ng tugma at sukat


Kami'y bumalik matapos maghapunan
sa humihilik na kalungsuran. Tangan
ang pananabik, sa trambiya lumulan;
hangad ang halik ng muling pananahan.

Ako'y sumandal at dumungaw sa hamba.
Tila nakintal ang ilaw ng bumbilya
sa nangangatal na dilim ng kalsada.
Walang dumatal sa aking alaala.

Napansin kitang ang mukha'y nakahilig;
ang mga mata'y taimtim ang pagtitig
itinarangka ng hanging walang kabig,
mga lamparang puyat na nananalig.

Ako'y gumiwang sa bigla mong pagharap.
Mistulang siwang ang 'binaling mong sulyap,
ngumangang kawang sa hapunang naganap;
sa pagdiriwang, tila iyong natatap

na nang nagbawa ang tugtugin ng sayaw
galing taberna, sa ilalim ng tanglaw
ng 'sang bumbilya: dagli akong namanglaw
at nangulila. Sa'yo umalingawngaw

ang pagnanasa. Ngunit nang inusisa
ay tumunganga sa labas ng bintana.


Inilathala sa Heights magazine, 2004

No comments: