Thursday, December 30, 2010

Orka

Ni Miguel Paolo Celestial

Salin ng 'Killer Whales' na nilapatan ng tugma at sukat


Baybayin ng ningning ang itim na balat
ng nagsisilundag na karnerong-dagat.
Sa paltik ng buntot, nanalsik ang kislap.
Sa likot ng biyas: kutitap ng alat.

Malinaw ang araw, sumiya sa alon.
Walang giya'ng ulap na nagsisigulong.
Sa pampang, espuma'y di malikom-likom.
Sa laot nagpusod ang dal'wang daluyong.

Ang tubig sa tadyang, dagling sumagitsit.
Mga bula'y biglang pumutok sa bagsik.
Hiniwa ang dagat ng sundang-palikpik
ng mga balyenang may pokang pinuslit.

Nukol sa kawalan, ang tuta'y dinakmal
pagtalon ng orkang pinigta ng kinang.
Ang hiyaw-tilandoy ay muling humimlay.
Kumampay ang taghoy, nawalay sa langkay.

Ngumanga ang dagat, dambuhalang silà
ng gutom na orkang lumapa sa tuta.
Gapi't piping dugo'y dumanak, humupa.
Sumayaw ang araw. Humulaw ang nasa.

Nagpinid ang tubig. Sumaliw ang hangin
sa pintig ng dagat. Hawan ang tanawin.
Binura ng alon ang bakas-buhangin.
Layon ng baybayi'y humayo't humimpil.

Anino'y bumaling. Namusyaw, tumulin.


Inilathala sa 'Latay sa Isipan: Mga Bagong Tulang Filipino', 2007

No comments: