Wednesday, April 27, 2011

Anibersaryo

Ni Miguel Paolo Celestial

Lumubog ang aking tsinelas sa putik at doon ko lamang napansin
ang hanging may dalang ambon. Naglalakad papunta

sa istasyon ng traysikel, sinalubong ako ng lamig ng paparating na bagyo.
Kanina, mula sa aking upuan sa bus, sunod-sunod na natatabig

ng siko, bag, braso. Ngayo’y lumulusot lamang ang biglang sumalakay
na lamig. Bumalik ang lungkot na inuwi ilang buwan nang nakaraan,

tinatahak ang malapad na kalsadang singdilim. Lumalim dahil humiling
ka ng puwang. Sinulsulan ng simoy ang lagas na dahon ng akasya

at naalala ko noong tinalikuran mo ako dahil di ka makatulog,
dahil nasanay ka nang mag-isa sa iyong kama kasama ang librong

isinasara bago patayin ang ilaw, bago itabi ang antipara sa lamesita.
Pagsilong ko sa anino ng punò, iniwan ako ng aking mga bakas,

tulad ng mga sandaling patuloy na lumipas noong gabing una kitang
nakatabi magdamag. Kumaripas ng takbo ang mga sasakyan,

papalayo nang papalayo hanggang makarating sa aking kasalukuyang
kinatatayuan. Di ka pa rin natatagpuan. Di ko pa rin nahahanap

ang iyong palad mula noong huling gabi sa sinehan
nang hinimas mo lamang ang aking tuhod bilang tugon

                                                                  sa dilim na naiwan sa aking upuan.

No comments: