Saturday, April 9, 2011

Ang paglilitson ay trabahong maselan

Ni Jose F. Lacaba

Ang paglilitson ay trabahong maselan
at iwan mo na sa mga sanay, amang.
Bago iyang suot mong barong-Tagalog,
dudumi lamang kung ika'y mag-iikot
ng malangis na kawayang yapos-yapos
ng isang malangis at kinalbong baboy.
Baka rin naman ang abo ay masaboy
diyan sa gawi mo, at baka ang apoy
ay biglang magsiklab at ika'y madale.
Kaya manood ka na lamang diyan, hane?

Kami naman, amang, ay sinusuwelduhan;
pawis nami't libag ay binabayaran
para sumarap ang iyong kaarawan.
Hindi larong pambihira ang pag-ikot.
Ito'y trabaho, na may bayad ang pagod.
At kung gusto mo lamang ay maglaro,
maraming laro akong maituturo
na hindi mo man lang nababalitaan,
huwag lang ito na aming kabuhayan.
Lakad na sa loob, doon ka kailangan;
kami'y huwag agawan ng hirap, amang.


Mula sa 'Mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran'

No comments: