Thursday, April 21, 2011

Ang Batang Tinanghali ng Gísing (Sa Pagtila ng Unang Ulan sa Mayo)

Ni Bienvenido Lumbera


Amoy hinog na bayabas

ang hanging nakaluskos

sa siit at sukal ng patuto.

Kumidlat-kumulog kagabi,

at parang nanaog sa hagdang bato

ang tikatik ng ulang umaanas
pagbaba sa balisbisan.
Sa madilim na parang at kakahuyan

isa-isang nagsipagbukás ng payong

ang mga kabute—mamunso at mamarang.

Ginaygay ko ang bawat patuto,

baka may kubling punso

na hindi naraanan

ng nangaunang masisikhay.
Tatlong mayang-pakíng

ang tumitiling namagaspas

nang mabundol ko ang santa elenang

kanilang pinagsisitsitan.
Nang lumagitik ang natapakan kong siit,

parang pinitpit ang libong kuliglig

sa kanilang pagpaswit, naipit ang tinig.
Inug-og ko ang isang punòng kape—
umulan ng abaloryong tubig,

ilang salagubang,

puting bulaklak.

Paano’y tinanghali ako ng gísing—
isang-isa lamang ang kabuteng inabot.

Kabuteng-ahas pa yata.

Sayang ang sarap pa naman

ng mamarang pag lasang luya’t

paminta ang umaasbok na sabaw,

matamis-tamis, parang datiles.

Maski na mamunso lamang,

nakapaglalaway rin ang sabaw,

lalo na’t sinukaan

ng santol na bagong naninilaw.

Ay! ano kung kabuteng-ahas nga

itong tinuhog sa tingting—
sambalilo ko’y punô naman

ng nangingitim na bignay,

alingarong mapula’t makinang,

bayabas na kalimbahin.
Kulimlim man ang langit na nakayungyong
sa bagnos na pabahay, ay ano pa—
may ilawan akong bitbit,

santungkos na bulaklak ng

kataka-taka.

No comments: