Ni Rolando S. Tinio
'Ika nga'y tumaba sa lamig at hirap,
Nakaluklok sa ilalim ng pergolang karton at yerong bulok,
Pinahinog ng mga tanghaling tapat,
Pinag-uban ng walang patawad na alikabok,
Ilang taon ko na siyang dinudungaw:
Kapiling ang nilagang mani, papaya't lakatang
Di man makaakit sa maselang bangaw,
Gaya niyang laging nása kapanahunan.
Iisang kimona ang bestido seremonyal,
Parang sultanang buong tikas na pinamamayanihan
Ang lumalatag niyang katabaan.
Paminsan-minsa'y may alok siyang ginatan,
Halo-halo, o munggo, hindi mo mahuhulaan.
Hindi ka titiyakin kung alin ang itatanghal
Sa palayok na pinangangalirang
Ng nakapulupot na basahan.
Paminsan-minsan.
Di sa iyo matitiyak
Kung kailan papatak ang Araw ng Ginatan.
Usugin mo ma'y hindi káyang mangako.
Akala mo'y kautusang banal
Ang nag-udyok magluto.
Paano niya mapangangahasan?
Wala na riyan si Aling Pilang.
Nabundol raw ng Kano, tila naospital.
Sabi ng iba'y sinaksak ang asawa, tiyak nabilanggo.
May tukso namang sigurado raw nagtanan.
Gayunpaman, nakatayô pa rin ang pergolang kawayan,
Naghihintay yata sa bagyong maghahapay.
Makapagtatanim ka ng gabe sa banil
Na kumakapal sa plastik na dúlang.
Naghihintay ang bangkong may tapis pang nakayangyang,
Isang tiklis, bilaong may busal, garapong pingaw
Na pinamamahayan ng ipis at langgam.
Sabi nila: hindi magluluwat
Magbabangon sa libingan ang Aming Maggiginatan.
Sumasampalataya ako.
Tuwing mag-aalas tres,
Hindi ko nakakaligtaan
Ang parang panata nang panunungaw,
Kaprasito ng puso'y sumisiklot,
Medyo nangangamba't natatakam,
Bago harapin ang tason ng kape't
Maruya, puto-sulot o, kung minsan, palitaw.
No comments:
Post a Comment