Saturday, April 16, 2011

Kay Tu Fu na Makauunawa sa Hindi Ko Babanggitin sa mga Taludtod na Ito

Ni Benilda S. Santos

Wari daang taon na ang nakalipas mula noong gabing kumatok ka sa aming pinto upang makitulog dahil kailangan mong iligaw ang mga ahente ng gobyerno na tiyak na papatay sa iyo.     Natatandaan ko ang nararamdamang sakit kapag di-sinasayda nahiwa ang daliri sa pagbabalat ng manggang hilaw nang mapagmasdan ko ang mga mata mong mapula sa puyat.     Kasimpula ng nagkalat na hinog na ratiles sa labas ng aming bintana, naibulong ko sa sarili kasabay ang inimpit na pag-iling.     Nang inihahanda ko na ang iyong higaan, napadait ka sa akin, at nalanghap ko ang sangsang ng maraming araw ng paglalakad sa tag-init mula sa tagiliran ng bundok sa Quezon hanggang sa mga eskinita ng San Andres Bukid.     Tiyak ako:     tinanglawan ka ng nangangalahating buwan sa iyong paglalakbay, nilibang ng mga bituin at sinundan-sundan ng hangin. Alam ko ring tinanaw ka ng mga kawayanan hanggang sa mawala ka sa lilim ng mga nunong akasya. Kinailangan mo kayang mamaybay sa ilog?     Sinu-sino ang kumupkop sa iyo bago ka nakarating sa akin?     Nang walang-imik mong hinawakan ang aking kaliwang suso, at pagkaraan, agusan ng luha ang iyong nangungutim na pisngi, alam kong wala akong maipagkakait sa iyo.     Hindi ka na nakabalik pa sa akin mula noon. Natagpuan ang bangkay mong tadtad ng bala: haplus-haplos ng malalambot na ugat ng kamya malapit sa paliguan ng kalabaw sa isang bukid sa Tarlac.     Ni hindi nabatid ng masa na iyong idinambana ang karaniwan mong pangalan.     At ako, ang natatandaan ko lamang, ay ang iyong lábing nasugatan ng aking ngipin at ang dugong aking nilulon:     pagkain ng aking pagharap sa hunyangong panahon.


Mula sa 'Kuwadro Numero Uno'

No comments: