Ni Carlos M. Piocos III
They testify without end in our memory.
-Jacques Derrida
Despite the distance from us. Despite the shadows around it.
-Michel Foucault
‡
Lahat tayo ay mga bagong-salta sa sari-sarili nating balat.
At tuwing hatinggabi bago matulog,
humaharap tayo sa ating sarili nang hubad,
at tulad ng mga manlalakbay, dinadalaw
natin ang ating katawan na parang mga dayuhang
kinikilala ang matagal nang di-nakikitang kamag-anak,
kinikilatis ang mga marka: anong hugis ito, anong laki,
saang kagat, at kaninong labi? Dinaramdam natin
na parang nabalong asawa ang mga naiwang bakas.
Ano’t lagi’t laging di natin nakikilala ang ating sariling balat
kapag lubhang napapaso sa labis na init,
kapag lubhang namamanhid sa labis na lamig,
kapag lubhang natutupok sa labis na pag-ibig?
At saka natin titingnan ang isa’t isa upang muling magpakilala.
Tahimik na tahimik na hihiga sa kama, magkatabing
pagmamasdan ang ating mga kahubdan na tila mga sundalong
nakaligtas sa matinding engkuwentro ng ating magkalabang
kampo: Payapa akong lumalapit sa iyo. Ligtas ba dito
sa iyong teritoryo? Huwag kang mag-alala
hindi ako naparito para maghanap ng gulo.
Mangyari kasi’y ako’y nawawala: sugatan, uhaw, gutom
at nanghihina. Kahit sandali lang, maaari mo ba akong patuluyin
sa iyong balat? Kailangan ko lamang ng konting lakas.
Makikiusap ang ating mga hipo, ang ating mga himas,
ang ating mga hawak sa pintuan ng ating mga balat
makikiusap tayo sa isa’t isa na ibaba muna ang ating mga armas,
ang ating mga depensa. Nakatungo tayo’t nakaluhod,
at buong pagkukumbaba nating papapasukin ang isa’t isa.
Saka natin lalanggasan ng kumukulong laway
ang ating mga sugat. Sinisipsip ang mga iwa nang matunaw
ang nanuyong dugo at magnaknak ang bukas na sugat
sa ating mga palad para sa ikatitighaw ng ating mga uhaw.
At upang lalong magkakilanlan, ibinubulong natin ang mga pangalan
ng mga teritoryong ito, o pinapangalanan nating muli
gamit ang ating maiinit na buntung-hininga ang ating mga balat
sa wika ng kinis, pawis, lambot, balbon, gaspang at dulas.
Napakaraming kailangan sauladuhin sa kapwa-balat.
Ito na ba mismo ang iyong pinananahanan, ang iyong sentro,
o ito pa lamang ang bungad?
At saka tayo mag-aalala:
Paano kung ito na mismong ating mga balat ang ating kaluluwa?
Napakaraming pilat dito sa ating mga espirito:
Ito ang pantal na labis kinamot sa murang edad.
Iyan ang mga pinagdamitan ng iyong mga hinubad na taghiyawat.
Ito ang maliit na mata ng salubsob, mahabang hiwa
ng talim ng kutsilyo, daplis ng ligaw na bala, mga tinuklap
na kalyo’t kulugo. Iyan ang mga pinalatandaan natin
sa ating mga kapangahasan at karuwagan sa digmaang ito
Ito ang aking balat noong aking pagkabata, sa pagitan ng dibdib,
parang isang bansang nalunod na nang tuluyan sa mapa.
Paano kung ito na mismong ating balat ang ating kaluluwa?
Paano kung ito na mismo ang ating Lalim,
ang ating Babaw, ang mga labas-masok
sa ating sarili sa loob ng silid ng ating mga katawan?
Paano kung ito na ang ating Kaloob-looban?
Paano mo kaya ako hahawakan?
Pagkagising natin kinabukasan, magmamadali tayong isara
ang ating mga teritoryong tiwangwang. Mapapabalikwas
ang ating mga kapwa-balat na tila tayo'y bagong estranghero.
Nakatalikod tayong dadampot ng saplot, at magmamadaling
lumabas sa isa't isa. Mga destiyerong nagkasalubong lamang
sa kanilang daan at nagkasundong hindi na muling maglilingunan.
Aalis tayo sa teritoryo ng isa't isa nang wala kahit anong iniiwan,
habang kapwa nating naidala ang parehong mga galos ng isa't isa
na muli naman nating kikilalanin at ipapakilala sa iba.
I.
Paano kung isang umaga, bigla na lamang magliwanag ang mga salita;
maging siwang ang mga tinta sa pahina; maging pintuan ang mga titik;
sa hamba ng gilid ng papel; maging tahimik na silid ang aking libro;
sintahimik ng mga nanginginig kong panaginip?
Paano kung isang hatinggabi, bumukas ang pabalat na tila pundidong
bumbilya; magbukas-sara ang kisap sa pagitan ng mga pahina; huminga
nang malalim ang aking wika labas sa aking bunganga; mapagod
sa pag-akyat sa dingding ang aking diwa; tumindig sa aking harap
at walang-gatol na magtalumpati; magbalita; magpasabi; ng pagkapagal?
Ano ang aking gagawin; sa mga malalamlam kong babasahin; sa maninimdim kong sulatin;
sa mga maliligalig kong paghahanap : sa mga maniningning kong pagkapuyat?
Ano ang aking gagawin; kunsakaling magningas at mag-apoy
at buong magdamag na mag-alab na parang sasabog na araw
ang aking mga papel; kunsakaling sa mga nagyeyelong dilim
ng aking mga gabi ako’y tupukin ng iyong mga liham habang
akin itong mahigpit na hawak-hawak?
Ano ang aking gagawin sa aking mga tanging tangan-tangang pag-iisa?
II.
Maaari na akong mamatay ngayong gabi, tangan-tangan ang lahat
ng aking iniibig sa isang kinuyom na palad: isang dampot
ng basang lupa, mga tuyong dahon, tatlong naisalbang mga bala
mula sa engkuwentro, isang dinaplisang pilat sa himutok
kong noo. Ito lamang, at maaari na akong mamatay nang ganito:
dala-dala ang lahat ng libog ng buong mundo sa nanginginig
kong kamao, isang pilas ng sundang na buwan, isang pustisong
nakalimutang lumulutang sa isang tasa ng mapait na kape, ang kinutkot
na kalawang sa matandang bakal, mga talulot ng pinisang bulaklak
ng ligaw na damo, ang aking mga metalikong pagnanasa
sa iyo at sa isang patak ng malagkit na panaginip,
ang madulas na luntiang parang pagkatapos umulan.
III.
Mahal kong mandirigma:
Sumusulat ako sa iyo
sa mga sukat ng salitang hindi sasapat
para tantiyahin itong panimdim ng ating nagkukumahos na lihim.
Ano nga bang wika ang maaari kong gamitin
para sa mga pagkabalam na hindi maaaring sabihin?
Ano nga ba ang lakas ng kataga kung nauupos ito
ng labis na pag-ibig at pangamba?
Sa umaga, dumudura ako ng mga salita sa pulpito
nang buong galit, sa aking abito, tumatalsik ang mga titik,
habang sa gabi, ay inililikom ko silang
muli sa isang pilas ng kuwaderno at isinisilid sa ilalim
ng kulumpon ng mga libro.
Sa umaga, walang mukha, mahinang-mahina,
ang bulong ng salitang ikinukumpisal, ng mahabang
tala ng krimen at kasalanan, at sa gabi, inililista ko ito
hindi bilang confesonario, kundi mga tala ng gumuguhong
katawan at kaluluwa sanhi ng digmaan.
Sino ang aking pagtatanungan ng iyong kalagayan?
Sino ang aking pagsasabihan ng aking mga pagdaramdam?
Sino ang aking paghahabilinan ng maayos ako,wag kang mag-alala?
Sino ang maghahatid ng mga sulat na itinabi ko sa ilalim ng aking kama?
Maaari ko bang maitatak sa diin ng aking panulat ang aking galit,
O di kaya’y itago sa tumpok ng hungkag na pangungumusta
ang aking naghihikahos na mga pagnanasa?
Kapag kinaskas ng iyong kuko ang salitang kumusta ka na?,
mababasa mo ang nais na kitang makita?
Kapag nabura ang aking pang-araw-araw na balita,
mababasa mo ang mapusok nating pagkabata.
Kapag nabasa ng ulan ang liham na ito,
makikita mo ang nakaguhit mong mukha.
Aking mandirigma, sa mga espasyo ng mga salitang ito
maririnig mo ang aking buntung-hininga.
Sa mga gilid at sulok ng papel na ito,
makikita mo ang aking palad na nagpawis at napasma.
Sa natuyo’t pilas na labi ng sobreng ito,
maaamoy mo ang aking basang-basang dila.
At sa labas ng sulat, sa parehong lamyos
at puyos ng titik ng bago mong pangalan,
naisilid ko ang lahat ng nakulob kong pandama.
IV.
Mahal kong pastol:
Sumusulat ako sa iyo
sa mga sukat ng mga titik na tumititig
sa gabing sumasanib sa kalmado kong pag-ibig.
Ano nga bang salita ang maaari kong isulat
para sa ninakaw na sandali ng pagkapuyat?
Ano nga bang wika na mag-aamo sa ating mga hukot,
lugami at pagod na mga balikat?
Sa umaga, naglalakbay kami nang may kasiguraduhan
ang mga hakbang, nilulunok namin ang mga salita
upang hindi mapangalanan ang aming mga anino
at nang hindi mag-ingay ang aming kaluluwa,
habang sa gabi, lumalabas ang wika nang kusa sa aming bunganga
at idinidilig namin ang mga panambitan sa tunog ng lupa.
Sa umaga, tanging ang mga titig namin ang nagsasalita,
at sa gabi, niluluwa namin ang mga kataga sa hangin,
inihahalo ang mga kuwento sa kape upang magising.
Itinatanong ko sa buwan ang iyong kalagayan?
Ibinubulong ko sa mga puno ang sakit sa aking kalingkingan?
Hinahabilin ko sa hangin ang maayos ako, wag kang mag-alala.
At hinahatid ng namimigat na ulan ang lahat ng aking pandama.
Maaari kong itatak sa gatilyo ang galit ng aking pag-ibig
at itago sa tumpok ng hungkag kong mga ngiti
ang aking naghihikahos na lugami.
Habang tumatagal ang hindi ko madalas na pagdalaw
sana mabasa mo na nais na kitang makita.
Habang nadadaplisan ang iyong tainga ng masasamang balita,
sana mabasa mo na nabubuhay ako sa iyong alaala.
Habang alam kong nakatunganga ka sa iyong bintana,
sana makita mong nakalingon rin ako sa iyong mukha.
Aking pastol, sa mga espasyo ng mga salitang ito
maririnig mo ang aking mahimbing na paghinga.
Sa mga gilid at sulok ng papel na ito,
maaamoy mo ang aking panis na laway at hininga.
Sa diin ng pagkakatupi ng liham na ito,
mararamdaman mo ang lambing na aking mga kalyo.
At sa labas ng sulat, sa hindi mo pa alam
na tawagan, ang tunog ng iyong pangalan
ang aking pahingahaan sa gitna ng digmaan.
V.
Mahal kong Panginoon:
Nandito ako sa iyong harap upang humingi ng tawad. Nandito ako
sa iyong harap upang magpasalamat. Nandito ako sa iyong harap
upang makiusap. Nandito ako, nang buong giting, sa gitna ng mundo
at ng panahon, ng espasyo at ng pagkakataon, sa iyong harap.
Kung inyong mamarapatin,
maaari ko bang halikan ang dulo ng iyong kamay
at sahurin ng aking labi ang dugo sa dulo ng inyong daliri?
Pamumulaklakin ninyo ang matang-sugat
sa gitna ng inyong palad sa loob ng aking bibig,
pasabugan ng masaganang dugo ang aking dila
at hayaan ninyong aking inumin ang kapatawaran,
ang parusa, ang mga nagnanaknak na tanghaling-tapat,
at ang nanlilimahid na hating-gabi,
mula sa inyong pagdurusa.
At ito, ito ba ang inyong kalbaryo?
Maaari ko ba itong dalhin
sa loob ng aking kuwarto?
Maaari ba itong maging malawak na sangandaan
kunsaan maaaring magkrus ang landas
ng lahat ng mga taong nang-iwan at iniwanan?
Maaari ba itong maging rotonda ng aming mga pananabik
na makita ang isa’t isa? Maaari ba itong maging abre latang
magbubukas ng aming mga itinatabing mga lunggati,
serbesa, alak, sardinas, ang aming uhaw, gutom at naninikip
na pag-iisa? Maaari ba itong maging susi ng mga nawaglit
na silid? Maaari ba itong maging bitag-panghuli ng isda?
Maaari ba itong maging sampayan ng aming basang-basang kaluluwa,
mga basang punda, basang kamiseta, payneta, kamison, panyo,
mamasa-masang mga panaginip sa aming itinagong mga karsonsilyo?
Maaari ko ba itong gawing pananda sa mga aking daan
nang hindi ako maligaw? Dito ako nagsimulang maglakad, dito ako lumiko,
nanghina, tumayo, dito ako nagdalawang-isip,
at nawalan ng pananampalataya sa aking anino.
Dito ang hindi matinag-tinag na liwanag sa dulo ng manimdim
na lagusan, ang hindi matinag-tinag na liwanag.
Maaari ba itong maging punyal sa aming dibdib, sakmal ng lubid
sa aming leeg, laslas ng talim sa aming pulso, bula ng laway at lason
sa bungad ng aming mga bunganga?
Maaari rin ba namin itong maging kaligtasan? Ang sasagip
sa mga makasalanan naming mga pananalig?
Mahal kong Panginoon, basbasan ninyo ako ng kapayapaan
linisin ang burak sa aking lalamunan,
ang nakaririmarim na dagim sa aking balikat,
paamuhin ninyo ang mabangis na halimaw
na may maningas na mga mata sa aking dibdib.
Mahal kong Panginoon,
pagpalain po ninyo ang aking kalungkutan,
pagsalitain ninyo ang aking mata ng kabutihan ng lupa,.
pagwikain ninyo ang aking tainga ng pagpapala ng ulan,
pangusapin ninyo ang aking balat ng biyaya ng walanghanggang liwanag.
Mahal kong Panginoon, pagliyabin ninyo
ako, ngayon, dito, pagliyabin ninyo ako sa liwanag
na hindi matitinag sa buong magdamag.
VI.
Sumasampalataya ako sa biyak ng tigang na lupa
sa mga guhit ng bitak ng uhaw na mga palayan,
sa unang tag-ulan ng buwan, sa mga pilapil na mahirap
tawirin, sa mga talampakang nadulas sa putikan, sa mga gamu-gamong
lumilibot sa kalabaw sa tuwing nakalublob sa sapa,
sa mga binhing naibaon sa kailaliman ng sakahan,
sa gapasan, sa anihan, sa umaapaw na tubig sa kaldero
kapag nag-iinin ng sinaing, sa mga mumo sa pingas ng plato.
Sumasampalataya ako sa mga nangungulilang bangka
sa tuwing madaling-araw, sa maybahay na nag-aabang
ng mahinahong alon na magbabalik sa katawan
ng asawang matagal nang pumalaot sa hating-gabi,
sa mga naligaw na lambat, sa nagpupumiglas na mga pain,
sa mga pulang mata ng lumulutang na isda,
sa mga bangaw na dumadapo sa kaliskising mga bilao’t
mesa, sa kumukulong asin sa mainit na mantika,
sa mga tinga sa ngipin, tinik sa gilid ng labi at baba.
Sumasampalataya ako sa mga ungol sa hatinggabi:
ng mga amang nirarayuma sa maghapong pagbababad
sa bukid, ng mga inang nabaliw sa paghahanap
ng mga inaswang na anak, ng mga batang nagdedeliryo
sa lagnat, ng mga binatang puspos ng pusok at galit,
ng mga dalagitang ikinakandado ang kanilang bintana’t
silid, ng mga mangingibig na humahalik nang buong
init habang may luhang nangingilid, ng mga hermitanyong
magdamag na nakatulala sa langit, ng mga asong umaalulong
at sinasagpang ang dilim ng kanilang pangil na nangangalit.
Sumasampalataya ako sa paanan ng bundok,
sa mabatong bangin, sa mga tikwas na baging
sa batok ng mga burol, sa maalinsangang mga tanghali
ng paglalakbay, sa mga maalikabok na daan,
sa pudpod na tsinelas, sa namimintog na kalyo sa paa,
at sa kagitingan ng mga bulubunduking mahirap akyatin.
Sumasampalataya ako sa huni ng mga kuliglig,
sa mga sinalang na kahoy at sanga, sa ilanlibong
bituing maaaring bilangin at salikupin ng aking mugtong
mga mata, sa katahimikan ng gubat at parang, sa pangingilala
sa mga paa at sa naliligaw na hakbang, sa pag-antabay
sa panganib at pagharap, mata sa mata, sa pangamba.
Sumasampalataya ako sa madilim na buwan,
sa tutok ng baril, sa kalansing ng mga tingga-tinggang bala
kapag nahuhulog sa batuhan, sa malalaking puno’t
makakapal na talahibang mga taguan, sa bato-balikat
ng matatarik na burol na aking pananggalan,
sa pagtatantiya ng pagkakataon, sa mga pinagmuntik-muntikanan,
sa kaligtasan, sa paghawak ng mahigpit
sa sarili at sa isip kahit nasa gilid-gilid at bingit.
Sumasampalataya ako sa pananalig sa puso,
sa digmaan ng mga katawan at sa giyera ng kaluluwa,
sa mga nangabubuhay sa pag-ibig,
sa mga nangamamatay sa pag-ibig,
at sa mga nabubuhay magmuli sa pag-ibig
sa mga nangamatay na tao,
sa buhay, sa kamatayan, sa pag-ibig
na walang hanggang lumulundo sa buong mundo.
VII.
Sa gilid ng balon,
isa-isa kong pinipilas ang mga sulat
at inihulog sa tubig
na parang mga bangkay ng mga mangingibig
na nangamatay sa mortal na kasalanan ng labis na kaliwanagan
ng isip, ng labis-labis na mga salita para sa labis-labis na pag-ibig.
Umalulong ang balon sa paglusaw ng mga titik.
Bago mawala ang lahat,
nais kong matunaw ang iyong haplos, ang iyong pawis,
ang iyong halik, ang iyong mga salitang aking pastol
na nagmamadali at tahimik na tahimik,
at ang buong lambing at buong galit ng iyong alaala
sa isang tula.
VIII.
Sa bingit ng bundok,
Isa-isa kong itinapon ang mga hinanakit
at inihulog ang mga bato at dahon
sa matarik na bangin
na parang kulumpon ng nalamukos na liham
na nagtala ng mga mortal na kasalanan ng labis na kaliwanagan
ng isip, ng listahan ng labis-labis na mga ginawa para sa pag-ibig.
Umalingawngaw ang bundok sa pagsalpok ng mga bato sa tubig.
Bago maglaho ang lahat,
nais kong magunaw sa hangin at sumanib ang iyong himas, ang iyong laway,
ang iyong dila, ang iyong salitang aking mandirigma
na tila laging nanganganib na mawala,
at ang buong puyos at buong katahimikan ng iyong mukha
sa aking hininga.
‡
Ako’y napapabalikwas uma-umaga: mula sa pananaginip
ng bulong ng bundok ng matandang daigdig,
mula sa matimtimang pagtawag ng hangin ng aking pangalan,
mula sa pag-ibig sa gunita ng sinaunang apoy,
mula sa halina ng kandila sa aking mga daliri, mula sa pagsilip
ng Santelmo sa gilid ng guni-guni. Saan nga ba nagmumula
itong kapangahasan ng darang na balat, ang pagnanais matupok
sa labis-labis na init? Anong ningas? Anong alab? Anong tingkad
ng liwanag? Paano ipinuspos ang puso ng pusok
ng sanlaksang katawang nilalagnat sa pag-alagwa?
Kung kaya’t lumalabas ako ng kuwarto at sinisipat
ang alingasaw ng sinag ng araw, bumababad sa anumang
sanhi ng liwanag. Ngunit hindi naging sapat itong dilaw
na tanghaling-tapat. Hindi makatutupok sa marupok
kong kaluluwa. Kung kaya’t hinubad ko ang balabal
ng takot sa aking mga buhok, ang piring ng sinungaling
sa aking mata, ang bulak sa ilong ng alingasngas ng magdamag.
Kung kaya’t ako’y nagbibihis, tumatakas sa silid nang walang paalam na halik.
Paano nga ba ipinapaalam ang paglisan – Ito ang mga nawala’t iba pang naiwanan,
ito ang mga tala ng pinaslang, ito ang himala ng balita, ang mga milagro
ng ordinaryo – paano ipinapangako ang pagbalik sa pag-ibig sa Santelmo?
Maaring isang liham:
Mahal, itinahak ko na ang landas ng Santelmo. Hindi magiging madali
ang paglalagalag. Maaari akong maantala ng gatilyo, iligaw at ilihis,
saka malagas ang aking mga kasama sa gunita ng yumaong hiwaga
ng dati naming mundo, o panghinaan sa labis na pagkagilalas
sa dahas ng engkuwentro. Ipinapangako kong ako’y magiging matatag
at magpapatuloy sa daan upang matagpuan ang Santelmo.
Kapag ito’y aking nahanap, dadamputin ko ito, kikilatisin ko ang kibot
at tibok ng ng lagablab ng ningas, ikukuyom sa aking palad at idadarang
sa aking dibdib upang lagnatin ang aking dugo sa pagtuklas ng pag-ibig.
At sa aking pagbabalik, iaalay ko ito sa’yo bilang bago kong puso.
Sabay tayong susugod palabas ng bahay, susugod kasama ng mga nagtagumpay,
mamalasin ang bayang minanhid ng lagim at katahimikan.
At sa atas ng pintig ng halinhinang poot at pag-ibig,
lunggati at ligalig, dudukutin at ipupukol natin
ang ating mga puso sa langit.
O mas mainam, maaaring
katahimikan, ni walang
Sa muli nating pagkikita.
'Guerra Cantos', Unang Gantimpala, Tula, 2010, Don Carlos Palanca Memorial Awards in Literature
Ang 'Guerra Cantos' ay kabilang sa aklat na 'Corpus' na ilalathala ng UST Publishing House
1 comment:
Napakainam.
Post a Comment